KABANATA 34

545 52 7
                                    

"Paano ako haharap kay Ama na dala ang bunso nating kapatid na wala nang buhay?" nanginginig ang boses ng ikaunang Prinsipe.

Nakapalibot kami ngayon kay Prinsipe Ravi na nakaupo habang hawak-hawak si Prinsipe Nesh na pumanaw na. Sa kanilang apat, si Prinsipe Ravi ang labis na naapektuhan. Sinisisi niya ang kaniyang sarili sa pagkamatay ng bunsong Prinsipe. Hindi niya raw ito nailigtas at hinayaang mapahamak. Kanina pang walang tigil sa pag-iyak ang Prinsipe at pilit kinakausap ang malamig na bangkay ng kaniyang kapatid. Hindi niya matanggap na pumanaw na ito.

Matapos ng nangyari kay Prinsipe Nesh, bigla na lang kaming naglaho sa palasyo at napadpad dito sa ilalim ng lupa kung saan nakatirik ang Kaharian ng Norland. Lahat kami ay mapapahamak kung mananatili kami sa palasyo dahil wala na kaming kalaban-laban. Parang tinulungan pa namin ang kalaban na magtagumpay kung ipipilit naming lumaban. Kaya naman mas mabuting lumisan na lang at bumalik kung kailan handa na kaming pabagsakin sila.

Nakakalungkot lang dahil hindi namin nadala ang ibang mga kawal. Sila ay patuloy na nakikipaglaban at hindi takot na ibuwis ang kanilang mga buhay. Sa pagkakataong ito, napatunayan ang kanilang katapatan.

Walang nais na maunang maglakad at ipaalam ang nangyari sa kanilang bunsong kapatid. Imbes na masayang balita ang ibubungad namin sa kanilang mga magulang, isang bangungot ang ihahatid namin ngayon.

"Walang may gusto sa nangyari, Ravi, kaya tama na ang pagsisi mo sa iyong sarili," ani ni Prinsipe Arsh. Patuloy niyang pinapagaan ang loob ng kapatid at ipaalam na walang sino man sa kanila ang may nais sa nangyari.

"Paanong hindi ko sisisihin ang aking sarili? Ako ang nakatatandang kapatid niyo at dapat lang na protektahan ko kayong lahat. Pero ano? Wala akong nagawa para iligtas si Nesh! Maging ang pagprotekta sa ating Kaharian ay 'di ko nagampanan." Mas lalong humagulhol sa iyak ang ika-unang Prinsipe. "Ako ang inaasahan ni Ama na susunod sa kaniyang mga yapak pero sa nangyari ngayon, binigo ko siya. Binigo ko si Ama!"

Ramdam ko ang sakit sa bawat bigkas niya ng mga salita. Wala akong magawa para iwaksi ang sakit na nararamdaman ng apat na Prinsipeng naiwan.

Naiintindihan ko kung saan humuhugot si Prinsipe Ravi ngunit tama rin si Prinsipe Arsh, hindi niya dapat sisihin ang kaniyang sarili dahil maging siya ay walang kaalam-alam sa mga mangyayari pa lang ng mga oras na 'yon. Walang may gusto sa mga nangyari. Ang lahat ay naghahangad na sana ay magtagumpay ang Kaharian ng Norland ngunit sa pagkakataong ito, kami ay nabigo.

Kung tutuusin, lahat sila, lahat ng Prinsipe ay nagpakabayani upang iligtas ang kanilang Kaharian. Lahat sila ay hindi nagkulang sa pagprotekta sa palasyo kahit pa buhay na nila ang maging kapalit ay handa pa rin nilang ibuwis. Ganoon nila kamahal ang nagsilbing tahanan nila simula pagkabata.

"Kung may dapat mang sisihin dito..." Napatingin kaming lahat kay Prinsipe Cozen nang bigla itong magsalita. "Ako 'yon. Ako ang dapat sisihin, Ravi, hindi ikaw."

Nagtatakang tiningnan siya ni Prinsipe Ravi. "Ano ang ibig mong sabihin, Cozen?" Kumunot ang noo nito.

Hindi pa pala nila alam ang ginawa ng kanilang ikalawang kapatid.

Hindi rin tinantanan ng seryosong tingin ni Prinsipe Dern si Prinsipe Cozen. Gaya ni Prinsipe Ravi, isa rin si Prinsipe Dern sa walang kaalam-alam sa pagtra-traydor na ginawa ng kanilang kapatid.

Tanging ako, si Prinsipe Arsh at ang kanilang Inang Reyna ang tanging may alam sa pagtataksil ng ikalawang Prinsipe. Kahit na alam namin, wala kami sa posisyon para ipaalam sa iba. Mas mabuting kay Prinsipe Cozen mismo nila maririnig ang kaniyang ginawa.

Sumulyap ako sa katabi ko. Wala na ang atensiyon ni Prinsipe Arsh kay Prinsipe Cozen. Nakatingin na ito sa ibang direksiyon, tila alam na niya ang nais sabihin ni Prinsipe Cozen. Hinihintay na lang nitong umamin ang kaniyang kapatid sa iba pa nilang kapatid.

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon