"Zariya, tila ba malalim ang iyong iniisip?"
"H-Ha?" Bumalik ang aking ulirat nang magsalita ang taong nasa tapat ko, si Ysabelle.
Kasalukuyan kaming nasa batis ngayon at abala sa paglalaba ng mga damit ng limang Prinsipe at kasama na rin iba pang tela na ginamit sa palasyo. Ito ang itinakdang araw upang maglaba at kami ni Ysabelle ang inatasan para gawin ang trabahong ito.
Ito rin ang unang beses kong makapunta sa batis na ito.
Napakalinis ng batis na ito, hindi gaya sa modernong mundo na nagsisilutangan ang mga basura, na pati ang kulay ng tubig ay aakalain mong kape dahil mala-lupa nitong kulay.
Sa batis ng Kaharian ng Norland, maaari ka pang maligo sa sobrang linis ng tubig. Wala ni isang dumi kang makikita na nakalutang. Nakaka-engan'yong magbabad dahil sa mala-mineral water na tubig nito. Kung hindi ako nagkakamali, nakakonekta rin ang batis na ito sa lawa na naroon sa hardin ng palasyo. Ilang kilometro lang din ang layo nito sa palasyo pero kahit napakalapit lang, may mga kawal pa ring nakasunod sa amin. Akalain mo 'yon, taga-silbi ang role namin dito pero may guard din kami. Hindi nila hinahayaan na walang bantay na kawal ang bawat taga-silbi na lalabas sa palasyo. Lahat ng naninilbihan sa palasyo ay iniingatan nila.
"May bumabagabag ba sa 'yong isip? Kanina ka pa nakatulala r'yan. May problema ba, Zariya?" bakas sa tono nito ang pag-aalala. "Kung papahintulutan mo, maaari ko bang malaman?"
"May gusto sana akong itanong sa 'yo," nahihiya kong saad.
Huminto ito sa pagkuskos ng nilalabhan niyang tela at seryosong tumingin sa 'kin. "Ano naman 'yon?"
Kagabi pa ito gumugulo sa isip ko. Hindi nga ako pinatulog nito kakaisip, e'. Kaya ngayon, mukha akong bangag dahil wala talaga akong sapat na tulog. Kung hindi ko pa ito itatanong kay Ysabelle, baka hindi rin ako makakatulog nang maayos sa susunod pang mga araw dahil sa kakaisip.
Gusto kong masagot ang mga katanungan ko at patunayan ang aking mga hinala.
"Maaari bang makalabas ang mga Prinsipe sa gabi o kahit pa mga madaling araw? I mean, posible silang maglakad-lakad o gumala sa palasyo ng gano'ng oras?" seryoso kong tanong.
Simula nang nangyari kagabi, 'di na naalis sa 'kin ang pagkanais na malaman kung sino ang taong nakita ko. Sino ang taong sinundan ko sa dulong bahagi ng silid naming mga taga-silbi at tumagos paalis sa lagusan na naroon? Bakit may lagusan na nakatago sa aming tahanan?
Totoo kaya ang kutob ko na isa siya sa limang Prinsipe? Malaki ang posibilidad dahil tanging ang mga may dugong bughaw lamang ang nakakagawa ng mga bagay na 'yon.
Hindi ko inalis ang tingin ko kay Ysabelle habang hinihintay ang sagot nito. "Maaari silang mamasyal sa palasyo sa kahit anong oras na nanaisin nila, kahit na ito pa'y madaling-araw na. Ang madalas nilang gawin sa tuwing hindi sila makatulog ay nagpapahangin sila sa hardin."
Napatango naman ako. So, normal lang na gumala sila sa gabi. May chance rin na 'di iisang tao ang nakahalikan ko noong isang gabi at ang taong kakikita ko lang kagabi. P'wedeng dalawang tao sila.
P'wedeng mali lahat ang mga hinala ko.
Bumalik na si Ysabelle sa pagkuskos ng mga tela. Kinuha ko na rin ang pamalo na gagamitin sa pag-alis ng dumi sa damit. Ganito ang turo sa 'kin ni Ysabelle, kailangan ng pamalo para maalis ang dumi at mantsa na hindi maaalis sa simpleng pagkuskos lamang. Hindi pa kasi uso ang brush sa damit sa gan'tong panahon, kaya mano-mano talaga. Mabuti na lang dahil mas sanay ako sa hand wash no'ng nasa modern world pa ako kaya 'di ako nahihirapan ngayon.
Isinantabi ko muna ang mga tanong sa isip ko at nag-focus sa ginagawa. Ipinatong ko sa malaking bato na flat ang damit ng isang Prinsipe at akmang hahampasin na ito ng pamalo nang magsalitang muli si Ysabelle dahilan para mapatigil ako.
BINABASA MO ANG
The Kingdom Of Norland
Historical FictionKilalanin si Zariya Serein Cortez, isang ordinardyong estudyante na nagmula sa modernong mundo ang napadpad sa taong ilang dekada na ang nakalipas at sa kakaibang mundo na sa panaginip niya lamang nakikita noon. Dahil sa isang insidente, ang kaniya...