KABANATA 10

919 78 16
                                    

"Kumusta ang iyong kapatid, Ysabelle?" tanong ko sa kaniya nang makasabayan ko siya sa pagpasok sa kusina. Dala-dala namin ang kaniya-kaniyang plato na niligpit dahil katatapos lang kumain ng Hari at ng mga Prinsipe.

Hindi ko na siya natanong kahapon dahil matapos akong iwan ni Prinsipe Arsh sa hardin, dumiretso na ako sa kusina at tumulong sa gawaing kusina maghapon. Pinaalam ko rin si Ysabelle kay Kharim Celia at naintindihan naman nila. Hindi ko na nga alam kung anong oras na siya bumalik, e'.

"Nasa mabuting kalagayan na ang aking kapatid, Zariya. Laking pasasalamat ko sa 'yo dahil pinaalam mo ako kay Kharim Celia," nakangiting sagot nito. "Maraming salamat ulit."

Huminto ako saglit sa paglalakad at nilingon siya kasabay ng tipid na ngiti sa 'king labi. Hangga't may kaya akong gawin, gagawin ko lalo pa't buhay ng isang tao ang pinag-uusapan. Masaya akong okay na ang kapatid niya. Sana ay bumuti na ang lagay nito at 'di na muling magkasakit pa.

Dahan-dahan kong binaba ang mga dalang plato sa mga huhugasin. Mahirap nang sumablay dahil mukhang napakamahal ng mga ito. Kung makakakuha siguro ako ng kahit isang kutsara man lang at mapuslit ito sa modern world, for sure p'wede ko ito ibenta sa mga collector ng mga sinaunang gamit. Malaki rin ang kikitain ko 'pag nagkataon. Isa pa, halata namang gawa ito sa gold.

"Kharim Celia..." May pamilyar na boses ang pumaibabaw sa loob ng kusina.

Nagsiayos ng tindig ang mga taga-silbi. Hindi ko makita kung sino ang nagsalita dahil nanatili pa rin akong nakaupo sa gilid ng lamesa na nakaharang kaya't 'di ko makita ang pinto kung saan nakatingin ngayon ang lahat. Tinatamad ako kaya 'di na ako nag-aksayang tumayo pa. Aalis din naman siguro siya agad kung sino man siya.

"Magandang umaga, Prinsipe Nesh." Yumuko ang lahat at sabay-sabay nilang binati ito.

So, si Prinsipe Nesh pala ang pumasok. Naalala ko na naman ang una naming pagkikita. Kamuntikan na akong mabalian ng buto dahil sa pagkakahulog sa puno at siya ang may kasalanan nu'n. Idagdag pa na ako ang kasama niya noong muntik nang masunog ang garden. Ano pa kaya ang susunod na p'wedeng mangyari kapag siya ang kasama ko? Kakabahan na talaga ako. Mukhang hindi umaayon ang mga pangyayari kapag kaming dalawa na ang nagsama. May hatid yatang kamalasan ang kombinasyong Zariya at Prinsipe Nesh.

"Ano ang iyong kailangan, Mahal na Prinsipe?" Boses 'yon ni Kharim Celia.

"Nais kong malaman kung narito ba si Zariya, Kharim Celia? May isang kawal kasi akong nakasalubong at pinapasabi na isama ko raw si Zariya sa pangangabayo."

Ano? Bakit ako? Teka, wala akong alam sa pangangabayo. Baka may masamang mangyari pa sa 'kin kung sasama ako lalo pa't si Prinsipe Nesh ang kasama ko. Baka masipa naman ako ng kabayo ngayon.

"Psst!" May narinig akong sumitsit. Nilingon ko kung sino 'yon at nakita ko si Ysabelle na pasimpleng kumaway. Nakatayo siya sa gilid ng lamesa at sinenyasan niya akong tumayo. Umiling ako dahil ayokong magpakita at sumama sa Prinsipe. Nanatili ako sa pagtago sa ilalim ng lamesa.

"Zariya?" Tinatawag na ako ngayon ni Kharim Celia.

Tatayo ba ako o magkukunyaring wala ako rito? Pero marami rin ang nakakaalam na narito ako ngayon, nakaupo. Baka mas mapagalitan pa ako 'pag 'di ako sumagot. Kaya naman unti-unti akong tumayo kahit pa labag sa aking kalooban.

"Tinatawag mo po ako, Kharim Celia?"

Agad silang lumingon sa gawi ko. Pati si Prinsipe Nesh ay nakatingin na sa 'kin ngayon. Nagtataka siguro sila ngayon kung sa'n ako nanggaling dahil 'di ako nagpakita kaninang bumati ang lahat ng mga taga-silbi sa bagong dating na Prinsipe.

"Nar'yan ka lang pala," pasimula ni Kharim Celia. "Iyo raw samahan si Prinsipe Nesh sa pangangabayo."

Umiling ako agad. "Pero Kharim Celia..."

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon