KABANATA 28

729 68 14
                                    

"Ina, nagkakamali ka. Hindi siya si Amity," pagtatama ni Prinsipe Arsh sa kaniyang Inang Reyna. Ilang ulit niyang sinasabi sa kaniyang Ina na hindi ako si Prinsesa Amity pero hindi pa rin nakikinig ang Mahal na Reyna.

Pinagdidiinan niya kanina pa sa kaniyang Anak ang totoo kong pangalan. Naging matigas siya at tanging ang kaniyang sinasabi ang pinaniniwalaan niya. Walang kwenta ang pagtatama ni Prinsipe Arsh sa pangalan ko dahil siguradong-sigurado ang kaniyang Ina sa bawat salitang binibigkas kaya mahihirapan din akong makalusot sa Inang Reyna ng Prinsipe.

Kilala niya ako.

Alam naming dalawa na totoo ang kaniyang sinasabi.

Alam niya kung sino ang mga magulang ko.

Hindi na niya hawak ang magkabilaang pisngi ko. Naningkit ang mga mata niya nang pauli-ulit nitong binibigkas ang totoong ngalan ko. Tila kinasusuklaman niya ako sa mga tingin niyang iyon. Punong-puno ng galit.

Sobra akong kinakabahan dahil alam kong kilala niya talaga ako. Idagdag mo pa na galit na galit siya sa akin. Kung nakamamatay lang ang mga tingin, kanina pa ako pinaglalanayan.

Umiling muli ang Reyna. "Hindi ako maaaring magkamali, Arsh. Anak ng mortal na kaaway ng iyong Ama ang binibining kasama mo ngayon. Siya ang Anak ng taong sumira sa akin... ang ugat kung bakit nasira ang ating pamilya." Mas lalo pa ako nitong tiningnan ng masama. "Anong ginagawa mo rito? Ayokong makita ka dahil kapag tinitingnan kita, nakikita ko rin ang mga taong dahilan ng pagkasira namin ni Valor. Dahil sa iyong mga magulang, naririto ako ngayon at naghihirap! Kinakasuklaman ko ang pamilya ninyo!"

Hindi tinanggal ng Mahal na Reyna ang kaniyang paningin sa akin. Bakas sa kaniyang mga mapupungay na mata ang pangingilid ng luha. Ang kaniyang galit ay naging luha. Hindi ko mawari kung bakit may kirot akong naramdaman. May kung ano sa akin na gusto ko siyang yakapin dahil sa sobrang konsensiya. Alam ko kung saan ito humuhugot ng galit. Hindi ko magawang iwasan ang mga tingin niya dahil pakiramdam ko, nararapat lamang iyon sa akin. Hindi ako maaaring magreklamo dahil walang-wala ang masasamang tingin niya sa akin kumpara sa sakit at paghihirap na dinanas niya dahil sa kagagawan ng aking mga magulang.

Gusto kong humingi ng tawad kahit pa hindi ko alam kung ano ang mga nangyari sa nakaraan, ang buong istorya sa pagitan ng pamilya ni Haring Valor at sa pamilya namin. Pero ayokong makumpirme ni Prinsipe Arsh na nagsasabi ng totoo ang kaniyang Ina. Ayokong malaman niya ang tunay kong katauhan sa mundong ito. Kaya naman hindi na ako umimik pa at nagkunwaring naguguluhan sa inaasta ng Mahal na Reyna.

"Ina, marahil ay pagod ka lamang. Halika na't ihahatid na kita sa iyong silid. Kailangan mo nang mapahinga," ani ni Prinsipe Arsh. Pinilit niyang inalis ang kamay ng kaniyang Ina mula sa pagkakahawak sa akin. Inilayo niya ang Reyna at bumaling siya sa akin. "Hintayin mo ako rito, Zariya. Ihahatid ko lamang ang aking Ina nang makapagpahinga na."

Tumango lamang ako.

Bago akayin ni Prinsipe Arsh ang kaniyang Ina, lumingon muna ang Mahal na Reyna sa akin. Walang salita ang lumabas mula sa kaniyang bibig ngunit ang kaniyang mga mata naman ang kumausap sa akin. Ang mga matang 'yon... mata ng poot at galit.

Pinagmasdan ko sila na nakatalikod habang naglalakad palayo sa akin. Tanaw ko ang sinasabi ni Prinsipe Arsh na silid ng Mahal na Reyna. Maliwanag iyon dahil may ilang gasera na nakasabit sa bawat poste ng kaniyang tinutuluyang bahay. Iyon lang ang nag-iisang bahay na narito. Hindi ito kalakihan ngunit sapat na ang espasiyo nu'n para sa isang tao na naninirahan.

Bumalik muli ang paningin ko sa dalawa. Nakaalalay ang isang kamay ni Prinsipe Arsh sa balikat ng kaniyang Ina samantalang ang isa niya pang kamay ay may hawak na gasera na nagsilbing ilaw nila sa madilim na daan. Maingat niyang inaalalayan ang kaniyang Ina. Bakas sa kilos ng Prinsipe na labis niyang inaalagaan ang kanilang Inang Reyna.

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon