6

4.3K 0 0
                                    

Bandang alas-dos na ng madaling araw noon at katatapos ko lamang maglaro ng League of Legends nang maisipan kong lumabas ng bahay para magpahangin. Tumuloy muna ako sa kusina upang kunin ang nag-iisang bote ng beer at saka ako tumambay sa veranda ng aming bahay. Tulog na si Ate at Diane kaya wala nang maingay sa bahay. Si Sunny naman ay hindi ko alam kung tulog na din dahil hindi ko siya nakita maghapon.

Malamig ang simoy ng hangin. Tamang-tama lamang na pampainit ang beer na hawak ko. Hindi naman talaga ako malakas uminom. Kumbaga kapag naiisipan ko lang at kung nasa mood ako. Pero sa tantiya ko ay kaya kong umubos ng lima o anim na bote ng beer bago ako malasing. Hard drinks? Hindi ko masyadong nakahiligan 'yun. Beer talaga ang hilig ko. Kaya siguro lumalaki ang tiyan ko.

Nasa ganun akong pag-iisip noon nang madinig kong tila may nagbubukas ng gate ng bahay namin. Napakislot ako sa kinauupuan ko at saka ko iginala ang paningin ko upang maghanap ng gagawing armas kung sakaling mga masasamang loob ang nagtatangkang magbukas ng gate. Subalit, nakahinga ako ng maluwag nang makita kong si Sunny pala ang nagbubukas. Bitbit niya ang kanyang shoulder bag sa kaliwa at isang brown envelope naman sa kanan. Mukhang galing ito ng Maynila upang lakarin ang mga papeles niya papuntang Dubai, naisip ko. Pagtingin ko sa relo ko ay 1:42 na ng madaling araw.

"Aba, gising ka pa yata," bungad niya habang nakangiti. "Magdadalawang linggo na ako dito sa bahay nyo, pero ngayon lang kita nakitang tumambay dito."

"Nagpapahangin lang," wika ko. "Mainit kasi sa loob ng kuwarto."

"Akala ko ba may aircon ka sa loob ng kuwarto mo?" tanong niya sabay upo sa isang silya mga isang dipa ang layo mula sa kinauupuan ko.

"Meron nga. Kaso, pinatay ko muna. Para mapahinga naman."

Agad na napansin ni Sunny ang hawak kong bote ng beer. "Nagsosolo ka ah."

"Pampaantok lang 'to. Hindi naman talaga ako umiinom masyado."

"Meron pa ba niyan sa loob?"

Umiling ako. "Sorry, nag-iisa na lang 'to eh kaya kinuha ko na."

"Hati na lang tayo."

"O sige. Teka, kukuha lang ako ng baso."

"Wag na," awat niya sa akin sabay hawak sa braso ko. Hindi naikaila sa akin ang init ng palad niya sa balat ko. Init na nakakakiliti at masarap sa pakiramdam. "Tunggain ko na lang. Wala naman akong sakit eh."

Hinablot niya ang bote mula sa kamay ko at saka nilagok na halos mangalahati ang laman. Mula doon ay nauwi sa seryosong kuwentuhan ang pag-uusap namin. Nabanggit niya ulit na kinukuha siya ng boyfriend niya sa Dubai at doon na magtrabaho. Doon na din nila balak magpakasal kung sakali. Napag-alaman ko din na graduate siya bilang isang nurse. Ako naman, naikuwento ko din sa kanya na home schooled ako at graduate ng Fine Arts. Naibahagi ko din sa kanya na gusto kong magtrabaho bilang isang graphic designer kung mabibigyan ng pagkakataon. Siyempre, nariyan ang mga tanong niya kung bakit hindi ko daw subukang maghanap ng trabaho. Napilitan tuloy akong aminin ang kondisyon ko ng pagkakaroon ng Social Anxiety Disorder. Bagay na naging malinaw na sa kanya kung bakit tila hindi ako normal makihalubilo kagaya ng ibang tao.

Nang maubos ang laman ng nag-iisang bote ng beer ay sinabi ni Sunny na bitin daw siya at gusto pa niyang uminom. "Tara, samahan mo ako. May nadaanan ako kaninang bukas na tindahan. Bumiili pa tayo," yakag niya. Pampatulog lang daw.

Sandali akong nag-atubili pero napilit din niya ako sa bandang huli na sumama. Pagbalik namin ng bahay bitbit ang anim na bote ng beer ay tuloy pa din ang kuwentuhan namin. Naging palagay na nga ang loob ko sa kanya. Madali ko nang nasasabi sa kanya ang ilang mga bagay tungkol sa akin at ganun din siya. Ilang beses niya akong punagpayuhan, bilang ate niya daw, na sumangguni sa isang espesyalista upang mawala ang anxiety ko. Bagay na pinag-iisipan kong gawin balang araw. Tutal naman daw ay kayang-kaya akong suportahan ni Papa financially.

SUNNY (SPG R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon