Napakabigat ng pakiramdam ni Arjo, parang pinipigilan ang paghinga niya. Hindi siya sigurado kung nilulunod ba siya o sinasakal. Hirap siyang makasagap ng hangin.
"Gising! Gising!"
Naramdaman niya ang mga mahihinang sampal. Gusto niyang magising. Wala siyang ibang gustong gawin kundi ang magising, makaalis sa lugar na pinagdalhan sa kanya, iwasan ang duguang lagari at kamay, at lisanin ang lugar kung saan siya inooperahan. Higit sa lahat, gusto na niyang umuwi.
Sa mukha palang ng mga doktor na nagpatulog sa kanya nang sabihin nitong bibigyan lang daw siya ng pampatulog, alam na alam niyang mga hindi ito mapagkakatiwalaan.
"Haagh! Ugk! Ugk! Ugk!" Nagising siyang naghahabol ng hininga. Kinusot niya ang mga mata. Basa siya. Basa ang buong katawan niya. Tiningnan niya ang paligid.
Nanlaki ang mga mata niya nang mapansing nasa isang gubat siya. Maraming niyog na matataas. Puro puno sa di-kalayuan. Naramdaman niya ang lamig ng basang lupa.
"T-Teka . . . Nasaan ako? Jean? Mama? Papa? Kuya?"
"Get up!"
Wala pa rin siya sa sarili nang biglang hatakin patayo ng isang batang babae. Palingon-lingon siya sa paligid habang tumatakbo. Nasa gubat siya pero puro niyog lang. Nakaririnig siya ng mga sigawan sa malayo. Maliliit na sigaw ng mga bata. Tiningnan niya ang humahatak sa kanya. Batang babaeng nakasuot ng puting damit na sobrang dumi. Puro punit na ito kahit ang maikling itim na shorts nitong suot. Nakapaa lang ito. At dahil nakita niyang wala itong tsinelas, naramdaman din niyang ganoon din siya. Nakayapak lang silang dalawa habang tinatakbo ang malamig at malambot na lupa. Sinubukan niyang tingnan ang mukha nito ngunit hindi niya makita dahil sa napakahaba nitong buhok na abot na hanggang balakang.
"Teka! Sino ka ba? Bakit tayo tumatakbo? Saka nasaan ako? Nasaan tayo?" tanong ni Arjo.
Lumiko sila sa kanan at biglang nagsulputan sa paningin niya ang napakaraming batang tumatakbo rin. Hindi siya sigurado kung may hinahabol ba sila o hinahabol mismo sila dahil base sa mga reaksyon ng mukha ng mga bata. Halatang-halata ang takot sa mga ito.
"Jocas!"
"Erah!"
"Si Milady! Wala pa si Milady!"
"Si Daniel! Nakita n'yo si Daniel?!"
"Pumunta sila sa kabila! Magkita na lang daw tayo sa tabing-dagat!" sigaw ng humahatak kay Arjo.
"Si Jinrey! Nakasakay ng helicopter si Jinrey!"
"Hahaha!" Ang lakas pa ng tawa ng humahatak kay Arjo nang marinig ang isinigaw ng isang binatilyong lalaking malaki rin ang ngiti sa kanila. "We're gonna win!"
Litong-lito naman si Arjo sa nagaganap. Nagsisimula na rin siyang maghabol ng hininga dahil may ilang minuto na rin silang tumatakbo. Pinakiramdaman niya ang sarili.
Dapat ay pagod na siya dahil kanina pa siya hinihingal pero hinanap niya ang pagod na iyon, ang kaso hindi niya nararamdaman. Hinihingal siya pero kaya pa niya. Ang binti niya, hindi man lang nakaramdam ng panghihina. Mukhang galing ang hingal niya sa kung saan.
"Whooh!" Halos tumilapon siya sa isang puno ng niyog nang bigla siyang bitiwan ng humahatak sa kanya. Napahinto ang ilang mga bata at kanya-kanyang pahinga na sa paligid.
Hinihingal siya pero walang pagod. Naramdaman niya na may sumasabit sa lalamunan niya kaya hindi siya makahinga nang maayos. Tinitingnan lang niya ang ibang batang huminto. Marurumi rin at punit-punit ang mga damit nitong puti at itim na shorts. Lima ang batang kasama niyang nagpahinga. Tatlo rito ay babae. Pare-parehong mahahaba ang mga buhok nitong kulay itim. Mukha silang magkakaedad. Nasa pagitan ng dose at kinse anyos ang tantiya niya sa mga edad nito. Parang mga Grade 8 hanggang Grade 10 na naglalaro ng habulan sa putik.
BINABASA MO ANG
Hunting Project: ARJO (Book 8)
ActionWala na ang pinakamatinik na magnanakaw. Wala na ang pinakamagaling na manunubos. Nagunaw ang mundo nya sa pagkawala ng buo nyang pamilya Ngayon, magbabayad ang dapat magbayad. Maniningil na sya ng pagkakautang ng may atraso sa kanyang buong pamilya...