15th Hunt: The Forbidden Path

1.6K 90 20
                                    

Hindi magandang senyales ang lalong paglakas ng ulan pagsapit ng dapithapon. Walang masilungan ang mga player, at kung may masilungan man, nagiging dahilan pa iyon para lalo silang mabawasan.

Unti-unti nang dumidilim, hindi rin nakatulong ang maiitim na ulap. Kaya alas-singko pa lang ng hapon ay parang gabi na. May ilang manlalaro na hinayaan na lang na mababad sa ulan kaysa maagang mamatay, at isa na roon si Max.

Tatlong sponsor's loot na ang nakikita niya sa isla. Mapalad siya dahil isa sa loot na nakita ay may ponchong nakatago. Hindi niya kailangang mababad sa ulan nang walang proteksyon.

Mangasul-ngasul na ang langit at ganoon din ang paligid. Ang daming katawang nakahandusay sa lupa. Nakarinig siya ng aircraft higit kalahating oras na ang nakalilipas kaya malamang na may kinalaman iyon sa pagdating ng mga Guardian para kumuha ng mga paunang casualty. Hindi man lahat pero ang mahalaga ay mababawasan.

Wala siyang interes pumatay ng mga hindi niya naman kilala o walang kinalaman sa nangyari sa pamilya niya. Base sa listahan ng Numeros at Alphabetas, kung makukuha si Shadow, posisyon bilang Superior ang premyo. At hindi niya kailangan ang papa niya. Ang katumbas ni RYJO ay ang Project ARJO. Project Zone naman ang katumbas ni Razele. Ito ang mga dapat niyang pagtuunan ng pansin. Hindi na siya nagulat, pero nadismaya pa rin siya. Kailangan kasi niya itong isuko nang wala nang buhay para makuha niya ang premyo.

Nakakarinig siya ng mga naglalakad kaya sinubukan niyang magtago sa isang punongkahoy. Hindi niya alam kung nasaan na siya dahil puro puno na lang ang nakikita niya.

"I'm starting to doubt this will last for five days."

Nanlaki ang mga mata ni Max nang makilala ang malalim na boses na iyon ng lalaki. Sumilip siya sa likuran ng pinagtataguang puno at tama nga ang hinala niya. "Uncle Raz? Uncle Arkin?" bulong niya.

Patungo ang mga ito sa kaliwang direksyon niya kaya sinubukan niyang sundan ang mga ito.

Habang lalong dumidilim, lalong tumatahimik ang isla. Malamang na nagpapahinga ang mga player sa maghapong pakikipaglaban. O kung magkataon man, strategically, malamang na may kanya-kanya na itong grupo dahil iisa lang naman sila ng kalaban. Wala nga siyang makasalubong na aatake sa kanya. Pero ang nilalakarang maputik na lupa ay nahahaluan na ng dugo dahil sa mga nakakalat na katawan.

"Smoker and Aspasia have no cool—literally. Ni hindi nga ako napawisan kaka-assist nila."

Lalo lang dumidilim, wala ring makita si Max na sumubok gumawa ng bonfire, marahil ay gawa ng ulan. Kahit gusto niyang buksan ang flashlight ay hindi niya tinangka. Kaya halos maningkit ang mga mata niya kakaaninag sa madilim na gubat. Laking pasalamat talaga niya na sinanay siya ng papa niya sa dilim kaya sinusundan na lang niya ang yabag ng paa sa kabila ng malalaking patak ng ulan.

Nakakarinig na siya ng malakas na lagaslas ng tubig. Alam na niyang malapit na siya sa talon. Hahakbang na sana siya nang biglang—

"HMMMM!"



***




Wala sila sa reality show, pero parang ganoon ang nangyayari. Ang kaibahan lang, para silang pumasok sa walang labasang laro.

Mahirap makagawa ng apoy ang players na hindi sanay sa gubat, lalo na't maulan. Wala silang magagawa kundi maghanap ng masisilungan. May mga nakarating sa quarters at mess hall. Mga nagkasundong doon muna mananatili habang malakas ang ulan. Ang iba ay hindi piniling dumoon at sumilong sa ibang lugar dahil alam nilang kahit pa magkaroon ng sandaling kasunduan, pagsikat ng araw, hindi sila sigurado kung mabubuhay pa ba sila.

Walang sumubok gumawa ng apoy sa gubat. Dahil oras na may makitang apoy, para na rin nilang sinabi kung nasaan sila para patayin. Marami ang nagtiis sa lamig ng maulang gabi. Mas delikado para sa mga sugatan pero hindi pa natuluyan.

Hunting Project: ARJO (Book 8)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon