26th Hunt: Retribution

4.2K 176 1
                                    

Patuloy ang pagtanggap ng CCS ng mga memo at warning mula sa mga sponsor at wala silang ibang sagot kundi na-handle na ng Citadel ang sitwasyon at walang kailangang ipag-alala ang mga sponsor sa umaandar na Annual Elimination.

Tatlong oras na ang nakalilipas mula nang makuha ang mahahalagang player sa Isle, maglilimang oras na ring binabyahe ng mag-asawang Zordick-Zach ang mga outside player.

Lalong lumalala ang kaba ni Cas dahil hindi pa niya nakakausap sina Sam at Hawkins na responsable sa pagbabago ng rules.

Pinilit siyang pagpahingahin ni Ara ngunit kahit ano'ng gawin niya ay hindi siya pinatatahimik ng problema nila. Nakaupo nga siya sa malambot na cream-colored couch ngunit hindi komportable ang pakiramdam niya. May kung anong makati sa katawan niya na hindi niya alam kung saan. Naiirita siya sa dami ng sakit ng ulong pinasukan ng buong mag-anak niya.

Wala nang makikita sa monitor dahil hihintayin na lang nilang makadaong doon ang barko ng Citadel na susundo sa mga agent ng association. Tapos na ang laban sa isla, at hindi madadala ni Cas ang lahat ng player na iyon para sa panibagong screening sa susunod na location.

"Lady Cassandra, nasa kabilang linya na si Xerez," paunawa ni Ara at inilapag sa kaharap na coffee table ni Cas ang isang nakabukas na laptop.

"Magandang araw, Lady Cassandra," pagbati ni Xerez at bahagyang yumuko.

"Xerez, alam nating pareho kung ano ang nangyayari ngayon. Gusto kong malaman kung bakit wala akong nababalitaan sa mga Guardian."

"Lady Cassandra, kahit gusto kong mangialam sa nangyayaring tournament, hindi ako puwedeng kumilos dahil ang bagong Fuhrer na mismo ang naglapag ng mandato na walang Guardian ang papagitna sa Annual Elimination ngayong taon."

"Sinisira na ng mga Superior ang mismong Annual Elimination!" singhal niya sa Guardian Centurion.

"At kikilos lang kami kapag natapos na ang napagkasunduang araw."

Napahugot ng hininga si Cas dahil kalmadong-kalmado pa si Xerez sa pagsasalita nito habang pulos problema na sila sa CCS.

"Bakit ibinigay mo si Arjo sa tao ni Keros?" pangangastigo ni Cas sa nalaman.

"Ipinagkatiwala ko si Lady Josephine sa Guardian na alam kong poprotektahan siya sa susunod na bahagi ng tournament, Lady Cassandra."

Napahimas ng noo si Cas. Nauubusan na siya ng isasagot sa lahat. Gusto na lang niyang magpahinga nang isang buong araw dahil pagod na ang buong sistema niya. Tapos makikita pa niya si Xerez na parang walang problema roon sa Citadel. Mukhang nakakapag-tsaa pa ito habang unti-unti na silang bumabagsak.

"Xerez, hindi mo ba kayang ayusin 'tong problema ngayon?" pakiusap ni Cas, halata na sa tinig ang pagod at pagsuko. "Nabago na ang rules, hindi na pabor sa Citadel ang laban. Wala na ang regulations na ang Annual Elimination ay para lang sa mga agent natin."

"Paumanhin, Lady Cassandra, ngunit hindi pa rin maaaring mangialam ang mga Guardian sa laban hangga't hindi pa natatapos ang itinakdang araw."

"Pero binigyan mo ng bantay si Arjo?" nanghahamong tanong ni Cas.

"Pag-aari ng Citadel si Lady Josephine at hindi siya kasama sa kasunduang binago para sa Annual Elimination ngayon. Nabanggit na hindi namin maaaring protektahan ang mga Superior na pinaglilingkuran namin, ngunit hindi binanggit sa kahit anong kasunduan na hindi maaaring protektahan ang mga hahanaping premyo. Ito lang ang maaaring magawa ng mga Guardian sa tournament na ito, Lady Cassandra."

Napapikit na lang si Cas at ang lalim ng buntonghiningang nagawa. Hindi na talaga alam ang gagawin dahil kahit si Xerez, hindi rin niya mabasa ang mga plano ukol sa Annual Elimination.

Hunting Project: ARJO (Book 8)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon