3rd Hunt: In the Name of the Father

8.6K 244 42
                                    

Dalawang taon na lang at magreretiro na si Giuseppe Devero bilang ikalawang Xerez na consigliere ng mga Zach at Guardian Centurion ng Fuhrer. Namimili na sila ng hahalili sa kanya sa puwesto at napipisil na ng Oval si Xylamea Desimougne bilang kapalit. Kapapalit lang ng Guardian Decurion ni Cas at ang panganay na Sellem-Gale ang pumalit bilang bagong Ara. Ang ibang Decurion ay napalitan na noong nakaraang taon. Ang iba naman ay nananatili pa rin sa posisyon habang wala pa ang mga pinaglilingkuran ng mga ito.

Hindi lingid sa mga Guardian ang kasaysayan ng Citadel at ng Criminel Credo at kung bakit taunang ginaganap ang Annual Elimination para sa apat na association. Ngunit sa kasaysayan ng buong lugar, iyon ang unang beses na lalahok ang mga Superior na mismong tagapagpatupad ng batas. At ang butas ng Criminel Credo ay walang nabanggit doon na bawal silang sumali sa taunang labanan.

Kaya hindi alam ni Xerez kung paano niya gagawin ang trabaho kung ang bagong halal na Fuhrer ay sasali sa Annual Elimination.

Sampung taon din niyang napaglingkuran ang unang Fuhrer na si Adolf Zach. Apatnapu't pito naman siya noong mapagsilbihan si Richard Zach. Dalawampung taon din iyon. Animnapu't walo na siya at masasabi niyang si Richard Zach lang talaga ang napaglingkuran niyang Fuhrer na hindi siya binigyan ng maraming sakit ng ulo dahil halatang marunong itong kumalkula ng trabaho pagdating sa pagha-handle ng tao at organisasyon. Isa rin sa pinakamabait, gaya ng laging sinasabi ng mga tao sa Citadel. Kaya laking gulat niya sa kinahinatnan ng tagapagmana nito.

Limang araw pa lang mula nang iluklok si Maximilian Joseph Zach, parang binaligtad nito ang palakad ng buong Citadel sa isang iglap lang.

Habang naririnig niya ang lahat ng inuutos nito at binabasa ang mga dokumentong pinauulit nito sa kanya mula sa iba't ibang opisina ng ibang Superior, pakiramdam niya, nagbalik ang founder ng Citadel sa katauhan ng isang binata.

Ang daming pinaulit, pina-review, ni-reject na proposal. Nakalagay ang butas ng konteksto ng bawat papeles, ano ang mali, ano ang hindi dapat ilagay roon, ano ang consequences para sa Citadel at sa nag-propose.

Sa sunod-sunod na ginagawa nito, napapansin na niyang wala itong ginawa kundi hanapan ng butas ang lahat. Parang humahanap ito ng dahilan para makakita ng isang bagay na maaaring makapagpabagsak sa mga kalaban nito—o sa lagay na iyon, sa ibang Superiors.

Hindi niya alam kung bibilib ba rito o kakabahan dahil masyado pa itong bata para maging ganoon. At kung ito ang magpapalakad sa Citadel sa mga susunod na taon, nag-aalala siya sa hahalili sa kanyang bagong Xerez, lalo pa't babae ang pagpapasahan ng posisyon.

"Lord Maximilian, nakarating sa amin ang balitang ipina-auction na ang Project ARJO at nabili na rin ito ng isang bidder na may pangalang Lena Amvito," paalala niya sa Fuhrer na kasalukuyang may sinusulat na naman sa mesa nito. Ni hindi siya nito nagawang sulyapan man lang.

"Background sa buyer," sabi lang nito.

"Estudyante siya sa Hill-Miller University."

Saglit na natigilan sa pagsusulat si Max pero nagpatuloy rin pagkatapos. "Guardian ba?"

"Civilian. Upper middle class ang social status, pero hindi aabot ang net worth para bumili ng item sa auction sa halagang 50 billion."

Tuluyan nang napahinto si Max sa ginagawa at sumandal sa swivel chair saka tinitigan nang maigi si Xerez na puno ng pagtatanong. "Where's Arjo?"

"Ang balita ng Citadel, hawak na siya ng mga Zordick."

"Binili ni Oma?"

"Binili ni Erajin Hill-Miller."

Biglang hugot ng hininga ni Max at dinampot agad ang telepono niya sa kanang panig para tumawag. Nag-dial siya ng number at wala pang tatlong ring ay may sumagot na.

Hunting Project: ARJO (Book 8)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon