Ikaapat ng Nobyembre, usap-usapan na talaga ang tungkol sa mechanics, pero marami pa ring sumasali. Bukas na kukunin ang mga player para dalhin sa lugar na paggaganapan. Tatlong araw din ang biyahe bago makarating sa isla at may dalawang araw pa sila sa isla para bigyan ng official mechanics bago magsimula ang pinakalaban.
Usap-usapang lalaban sina RYJO at Shadow bilang players na ikinagulat ng mga nasa association. Lalo pa't alam nilang mga Superior na ito at siyang namamahala sa Annual Elimination. Hindi pa bumababa ang memo tungkol sa pagkakatalaga ni Maximilian Joseph Zach bilang bagong Fuhrer dahil bababa lang ang announcement pagkatapos ng tournament.
Hindi lang iyon, pati sina Razele at Mephistopheles ay lalaban din. Kareretiro lang ni Razele, Setyembre ng taong iyon at kapo-promote lang ni Mephistopheles bilang board member ng Assassin's Asylum: Capitol branch. Wala silang ideya sa binabalak ng mga ito kaya bigla itong sumali.
Akala nila, doon na natatapos ang sorpresa. Ang daming nagulat sa pagsali nina Aspasia, Reaper, at Smoker na labas sa jurisdiction ng Citadel. Iniisip nilang marahil ay gawa iyon ng pagbubukas sa lahat ng laban kaya kahit sino ay maaari nang sumali.
Hindi lang sila pamilyar sa tatlong babaeng noon lang nila narinig ang pangalan. Pero base sa lineup, malamang na hindi rin ito biro para isali sa hilera ng mga delikadong tao.
Wala pa man ang opisyal na pagbiyahe patungo sa isla kung saan gaganapin ang tournament, bugbog-sarado na si Max gawa ng pag-eensayo.
Napapansin siya ni Cas kapag nakakasabay siya nito sa tanghalian. At iyon ang huling tanghalian na makakasama niya ito bago magsimula ang laban. Kapansin-pansin na nga ang namumulang pasa sa cheekbone ni Max.
"Maximilian, hindi mo kailangang puwersahin ang sarili mo sa pag-eensayo," paalala ni Cas habang hinahainan siya ng tanghalian ng mga butler sa dulo ng mesa. Nakapuwesto lang si Max sa kanang upuan niya.
"I need to train, Oma," malamig na tugon ni Max at inisa-isa ang hinahanda para sa kanila ng lola niya.
"Pinagsabihan ko si Xerez na huwag kang puwersahin pero hindi yata ako pinakinggan."
"Hayaan n'yo na si Xerez. Hindi nga niya ako sineseryoso."
Napabuntonghininga na lang si Cas dahil matigas talaga ang ulo ng apo niya. Wala pa man sa laban, gusto nang mapuruhan.
"Naririnig kong may kumukuwestiyon ng pagkakasali ni Papa sa independent players kahit na nasa official mechanics na bawal sumali ang mga Serving Guardian," kuwento ni Max sa lola. "Napag-usapan na ba 'to ng ibang sasaling Superiors?"
"May death penalty na ang Papa mo. Si Xerez ang nag-revoke ng pagiging Guardian niya sa unang penalty pa lang. Hindi naman iyon concern ng mga Superior kundi ng Oval. Wala rin namang rights for the prize ang team ng Mama at Papa mo kaya wala silang dapat alalahanin."
Napatungo si Max nang marinig ang death penalty sa mga magulang niya. Kung sabihin iyon ni Cas sa kanya, parang wala itong pakialam na may parusang kamatayan ang mga magulang niya.
"Oma . . ." Nag-angat siya ng tingin. "Hindi ka ba nalulungkot na parurusahan sina Mama pagkatapos nito?"
Saglit na natahimik si Cas. Napatungo na lang siya at tinitigan ang plato. Isang buntonghininga sa kanya at ibinalik ang tingin kay Max nang may pag-aalala na. "Ginawa ko ang lahat para sa mama at papa mo. Kahit gustuhin ko mang tulungan sila, wala na akong magagawa. Alam nila ng batas ng Citadel, at pinili nilang labagin 'yon."
"Kahit na tama naman sila?"
Tumiim lang ang pagkakatikom ng labi ni Cas at tumango. "Alam ng mga magulang mo ang tama at mali. Desisyon na lang nila kung susundin nila ang Credo."
BINABASA MO ANG
Hunting Project: ARJO (Book 8)
ActionWala na ang pinakamatinik na magnanakaw. Wala na ang pinakamagaling na manunubos. Nagunaw ang mundo nya sa pagkawala ng buo nyang pamilya Ngayon, magbabayad ang dapat magbayad. Maniningil na sya ng pagkakautang ng may atraso sa kanyang buong pamilya...