Entry #21 - The Writers' Journal

22 1 0
                                    

**THIS IS A WORK OF FICTION. MY B-DAY GIFT FOR EVERYONE WHO HAVE GIVEN ME A SMILE TODAY.**

Nakatitig lamang siya sa pulang ilaw ng traffic light. Naghihintay kung kalian pwede na siyang makatawid . Malimit lamang ang mga taong nasa labas ng syudad dahil sa malakas na buhos ng ulan.

May mga nakasilong sa gilid ng nagtataasang gusali, naghihintay na tumila ang ulan para makauwi galing sa eskwela o trabaho. Tanaw din niya sa kabilang dako ang mga café at restaurant na puno dahil sa mga taong nagpapalipas ng oras. Masisilayan ang saya at init ng kanilang kwentuhan habang mayroon din naman ang mag-isa at mas gusto ang manahimik sa isang mesa, dinadama ang init na hatid ng kanilang kape at minsa'y nlilinga ang buhos ng ulan sa labas.

Ang iba naman, katulad niya, nagtitiis sa gitna ng ulan. Walang ano mang emosyon ang kanyang maamong mukha, hindi alintana ang lamig dala ng masamang panahon na naghahatid lungkot sa paligid. Ang itim niyang payong ay tila sumasalamin sa madilim na kalangitan. Napapawi ng kanyang makapal na suot ang lamig na dala ng panahon ngunit hindi ang lamig sa kanyang kalooban.

Tumingala siya na tila nakikita niya ang repleksyon ng kaniyang malulungkot na mga mata sa madilim na ulap at ang bawat butil ng ulan ay ang luhang hindi niya kayang mailabas. Hinangaan niya ang madilim na ulap, mabuti pa ang mga ito, kaya nilang ibuhos ang kanilang sariling ulan ng walang pag-aalinlangan. Hindi sila kayang pigilan nino man, hindi sila natatakot bumuhos kahit alam nilang may masasaktan.

Napabuntong hininga siya sa kaniyang mga iniisip, nababaliw na siguro siya, pati ang ulap at ulan ay binibigyan niya ng emosyon. Nakakamanhid ang lamig ng paligid, pati na ang kalungkutang nadarama niya, tila nilalamon siya nito, tila bato na nga rin ang kanyang puso.

"Madaming taon na nga ang lumipas." bulong ng kanyang isip.

Nagising ang kaniyang diwa nang magkulay berde ang pulang ilaw ng traffic light. Nagpatuloy na siya sa pagtawid at pilit winaksi sa isip ang panandaliang pagsagi ng lungkot sa kanyang isipan. Dinala siya ng kanyang mga paa sa isang lumang gusali, sa loob nito ay isang lumang silid-aklatan kung saan siya ay madalas na nagpapalipas oras. Natigil lamang ang pagbisita niya rito noong mangyari ang insidenting iyon.

Bukod sa pagpipinta ay mahilig siyang magsulat kaya sa lugar na iyon siya kumukuha ng inspirasyon. Tahimik siyang sinulyapan ng Librarian ng gusali, tila nakasanayan na nitong makita siya roon.

Matanda na ang Librarian, madalas lamang itong nakaupo habang nagbabasa o di kaya'y nasa harap ng kanyang computer at sinasaayos ang mga aklat na hinihiram ng iilang mga taong nagagawi sa aklatang iyon.

Pumunta siya sa mesa kung saan siya madalas na pumupwesto at hinayaan ang sariling malunod sa bawat salitang binibigay ng aklat na hawak niya.

"Pweding tumabi?" isang mahinahong tinig ang panandaliang umabala sa kaniyang taimtim na pagbabasa.

Itinaas niya ang kaniyang paningin at sumalubong sa kaniya ang maamong mukha ng binata. Kasing-kulay ng takipsilim ang mga mata nito na tila nangungusap. Binigyan siya nito ng isang nahihiyang ngiti na tila naghatid ng panandaliang paglundag ng kaniyang puso.

Mukha itong desenti at kagalang-galang sa kulay puti nitong suot na tila hindi nababagay sa lumang lugar na iyon.

Agad niyang binalik ang kaniyang tingin sa kaniyang binabasa nang mapagtanto niyang napatagal pala ang pagtitig nito sa mata ng lalaking nasa harapan niya ngayon.

"Ikaw ang bahala." Malamig na sagot nito na hndi ito tinitingnan.

Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit ang kaniyang kalooban ay tila tumatalon sa pamilyar na mukha ng binata kahit unang beses pa lang niya itong nakita.

Things in my Mind - POEMS & SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon