Sampung mga daliri, lumakbay ang lima.
Hinanap ko, hinanap ko.
Nakahawak na pala.Hindi malalim ang gabi, pero may halimaw.
Wala sa ilalim ng aking kama, gaya ng mga nasa pelikula.
Walang pangil, walang sungay.
Pero kilala ko siya.Sampung mga daliri, naglakbay pa ang kabilang lima.
Hinanap ko, hinanap ko.
Nasa loob ng T-shirt ko na pala.Walang pinipili ang halimaw.
Naglakbay ang munti niyang mga daliri.
Sa dib-dib, sa puson, pababa— hindi mo dapat ipahawak.
Sumaklolo!Pero pipi ang tanghali.
Traydor ang sarili, dahil hindi ka sasaklolohan ng mga boses.
Impit ang pagnguyngoy, hindi makapalag.
Walang tali, posas o tanikala
Pero nakakulong ka— sa takot, sa pagkabigla at sa pandidiri.
At ang apat na sulok ng kwarto ang naging saksi,
Kung paaanong may halimaw sa katanghalian tapat.Nakangiti.
Patay-malisya.
Patuloy ang paglakbay ng mga daliri.
Bumibinyag sa sariwang karne na nasa loob ng salawal.
Sinusubukang gisingin.
Kumagat pa siya, sa likuran
Nagpumiglas ako.
Tumigil—sumandali.
Pero hayok ang halimaw.
Nagpatuloy ang pagsalakay.
Gustong sumibasib.At ngayong gabi, ginagambala pa rin ng halimaw sa isipan.
Paulit-ulit ang pag-alingawngaw, "May ginawa ka sana."
Nananatiling nakamarka ang bawat daliring naglaro sa katawan—mantsa.Gumagala pa rin ang halimaw.
Kasama ko, sa iisang hawla.
Nag-aabang ng panibagong karne.
Gusto ko nang kumawala. (Hindi makahinga)(Tula alay para sa lahat ng biktima ng pang-aabusong sekswal at nananatiling tikom ang bibig at tahimik na nilalamon ng trauma )
BINABASA MO ANG
Mga Hinabing Talinghaga (Wattys2019 Winner)
PoetryWattys 2019 Winner: Poetry Hawakan mo na ang iyong pluma at pasayawin mo ito sa blangkong papel, sa saliw ng ritmo ng mga salita. Dadanak muli ang tinta para likhain ang mga hinabing talinghaga, ito ang panimula.