Dayuhan ako sa Sarili kong Teritoryo
ni Ruben Manansala IIIMagsimula tayo,
sa unang beses na nagtagpo ako
at ang iyong maliit na dila.
sa maliit mo pang mundo
kung saan ang mga kaaalaman ay limitado.
Bumalik tayo,
no'ng ginagamit mo pa ako
na tila isang kasangkapan nang pagkatuto
dahil sabi pa nga ng nanay mo
dapat saulo mo ang abakadang pilipino.
Mula A Ba Ka Da
at matapos sa Sa TA U Wa Ya,
hanggang sa kaya mo nang maglaro
ng ibat-ibang salita-- oo bokabularyo.Natutong sumulat sa bawat pintig ng mundo
salita na naging sugnay
sugnay na naging ganap na pangungusap
pangungusap na ginamit para maging talata't sanaysay.Tuluyan mo na ngang binigyan ako ng espasyo,
tuluyan mo na ngang inangkin ang bawat hulma ng aking pagkatao.
Isinaulo mo ngunit hindi naman ako isinapuso.
Inilagay dito, hindi sa puso.Akala ko pa nga, ako lang.
Tulad ka rin pala nila na salawahan.
Isinantabi ako.
Iniwanan.
Ipinagsawalang-bahala.Sino nga ba naman ako?
Isang wikang gagamitin lang 'pag kailangan.
Gagamitin kapag kailangang mong gumawa ng tula't sanaysay.
Gagamitin kapag hindi na kayang idepina ng mga wikang banyaga ang iyong nararamdaman.
Gagamitin...kapag buwan na naman
kung kailan laganap ang mga huwad na manananggol at taga-suporta raw
Nagbibihis makata
nagsasayaw sa liriko ng mga talinghaga
nagpapakalasing sa serbesang hatid ng mga salita.
Kumakanta ng pagbabago
pero sila itong binabago ng bansa
kung saan ang sistema'y mas higit na pinapahalagahan
ang wikang banyaga kaysa sarili nitong wika.Naalala ko pa,
'nong unang beses din akong ihalo sa mga asignatura.
Nagreklamo ka pa, ang sabi mo'y "Mahirap na nga ang matematika, mas pinahirap pa ng mga terminolohiya."
Puro ka reklamo, kaya walang progresibo!Naalala ko pa,
nang tinuro sa'yo kung ano ang kaibahan ng 'rin' at 'din'
Kung kailan dapat bibigyan ng diin--
ang bawat bantas na gagamitin.
O 'di kaya'y ang tamang paggamit ng mahabang 'nang' at sa maigsing 'ng'
Kinalimutan mo na yata ang balarila ng sarili mong wika.
Akala mo yata na ang tunay na sukatan ng talino
ay ang pagkadalubhasa sa wikang banyaga
kapalit nang paglimot mo sa wikang pambansa.Ginawa mo akong dayuhan sa sarili kong bansa.
Ako... na sumisimbolo sa buo mong pagkatao.
bawat pantig, baybay at pagtaas ng tono
na siyang nagbibigay ng kakaibang silikdo sa iyong dugo.
Ako na magpapatunay na isa ka ngang pilipino.Ginawa mo akong dayuhan sa mahal kong bansa.
Ako na wikang pambansa.
Dahil heto ka,
patuloy na nakaangkla sa barkong hindi naman natin ari.
Dahil heto ka,
patuloy na nakayakap sa kultura't sining ng mga singkit at kanluraninGinawa mo akong dayuhan.
Dahil heto ka,
Habang sumisigaw ka ng pag-unlad at progreso para sa pagbabago,
may iilan naman na lumalaban gamit ang tinta, pluma at mikropono.Ikaw na rin siguro ang may problema,
isinuko mo ang perlas ng silanganan
at ang wika na iyong pinagmulan
kapalit ang ibang paraan ng kaunlaranPatuloy mo akong ginagawang banyaga sa sarili kong bansa.
BINABASA MO ANG
Mga Hinabing Talinghaga (Wattys2019 Winner)
PoesíaWattys 2019 Winner: Poetry Hawakan mo na ang iyong pluma at pasayawin mo ito sa blangkong papel, sa saliw ng ritmo ng mga salita. Dadanak muli ang tinta para likhain ang mga hinabing talinghaga, ito ang panimula.