Iaalay ko ang piyesang ito para sa mga taong patuloy na nilalamon ng kadiliman.
Para sa'yo, para sa akin, para sa ating muntik nang bumitiw pero pilit na kumakapit.
Ito ang boses ko, boses mo, boses ng mga tulad nating nakita na ang wakas pero pinili na ipagpatuloy ang laban.
Lumaban ka, lumaban tayo, may laban tayo.Sisimulan ko ang tulang ito sa kung paano unang naglaban ang liwanag at dilim sa mundo mo.
Noong unang beses na may nagtanong sa'yo, "Kumusta Ka?" Pero mga dila tila baga'y naputol, mga labi'y unti-unting tumikom.
Dahil hindi mo alam kung paano sasagutin ang mga katagang "Kumusta ka?"
Kaya heto ka, sinusuot ang iyong maskara, kumukurba ng kusa ang mga labi. Pilit pinagniningning ang mga mata.
Wala kang boses, wala kang boses para sabihin sa lahat na "Ayos lang ako," na "Masaya ako."
Dahil para sayo, malayo ang depinisyon ng ayos at masaya sa kung anong tunay na kahulugan ang pilit na kumakawala sa kaloob-looban mo.Nalilito. Naguguluhan. Naliligaw.
Nagtatanong kung bakit? Kung ilang ulit, pinilit, humanap ng mga kasagutan kung bakit.
Kung bakit hindi mo makuhang maging masaya sa kabila ng mga biyayang abot-kamay mo, nasa palad mo, ipinagkalooob sa'yo.
Dahil heto ka, malungkot ka.Sa kabila ng mga salitang pilit ibinabato sa'yo ng mapanghusgang mundong ito, "Bakla, bading, bayot." Hindi pa rin natinag.
"Tomboy, negra, kalapating mababa ang lipad."
Pilit mong tinatakpan ang mga tainga mo."Tanga. Bobo. Wala kaming pakinabang sa iyo."
Hindi mo ipinapakitang nakakaapekto ang bawat salitang sumisira ng kompiyansa mo.Hinuhusgahan ka, kinukutya, kahit ang nais mo lamang ay ang pagtanggap sa'yo ng mundo.
Pero heto ka, nakangiti, nanatiling nakatayo, matatag... nagpapakatatag.At sa harap ng iyong mga kaibigan ay isa kang maningnging ba bituin, sa kanilang paningin,
Isang makulay na bahaghari na hindi maalis ang mga ngiti sa labi.
Pero mali, dahil hindi ka pa nila kilala. Pilit mong itinatago ang bawat hinagpis at pananaghoy sa pekeng mukha na ipinapakita mo sa kanila.
Na sa likod ng mga halakhak at pilit na pagpapatawa ay heto ka.
Na sa tuwing natatapos ang pagsilip ng haring araw at ang dilim na ang namamayani sa abuhing kalangitan.Heto ka, nakatulala... nakatingala... mag-isa...
Pilit na binabalot ng kalungkutan habang pinagmamasdan ang pagkislap ng mga tala sa iyong kalawakan.
Naghahari ang katahimikan, katahimikan na pilit ninanakaw ang natitirang buhay sa kalooban mo.
At heto ka nanatiling nakatayo sa pamamagitan ng dalawang mga paa. Nakasandig sa natitirang lakas.
Heto ka, kahit pagod ka na.Pagod ka nang ipilit sa mga magulang mo na, "Ma, pa... hindi ako si ate't kuya na tutupad sa mga pangarap ninyo, dahil ako ito... ang anak ninyo.
Ang anak ninyong gustong kumawala sa anino ng ekspektasyon ninyo para sa sinasabing pangarap ninyo.
Ang anak ninyong gustong gumawa ng sariling daan na malayo sa nilikha ninyo para sa mga kapatid ko, dahil ako ito.
May sariling mga pangarap at plano na walang ibang hinangad kung hindi ang maipagmalaki ninyo.
Sa kung sino ako at kung anong kaya ko.
Ako ito na hindi isang prinsepe o prinsesang nakakakulong sa kastilyo na kailangan sundin ang gusto ninyo kapalit ang kalayaan ko.
Dahil ako ito, na ang tanging inaasam ay ang maging malaya at maging masaya. Ako ito, ang anak ninyo."Pagod ka na, pagod ka nang ipaliwanag sa mga guro mo ang mga bakit,
Kung bakit sa pagpasok mo'y tinanghali ka na naman muli,
Kung bakit hindi mo nagawa ang takdang-aralin,
Kung bakit hindi ka na naman nakikiisa sa talakayan sa silid-aralan.Dahil pagod ka na, pagod ka nang magsalita... dahil walang boses na gustong kumawala.
Natatakot na hindi mapakinggan, na hindi ka nila maintindihan...Dahil pagod ka na, pagod na sa pakikipagbuno sa halimaw na nakakapit sa'yo.
Halimaw na sumisibasib sa kulay at buhay ba natitira sa loob mo.
Halimaw na nananahan hindi sa ilalim ng iyong kama kundi sa loob mo.
Halimaw na ikaw lang din ang lumikha, na siyang bumubulong sa'yo.
"Hindi ka mahalaga." "Bumitiw ka na." "Wala kang kwenta." "Mag-isa ka na." "Walang nagmamahal sa'yo." " Sumuko ka na."
Mga boses na nag-uudyok para gawin ang mga bagay na tatapos ng lahat.
Mga tinig na nagsasabing, "Tumalon ka na!" , "Gawin mo na." "Malaya ka na."At ang gabing hawak mo'y lubid, patalim at botelyang puno ng ipinagbabawal na gamot ay may dumating.
Siya na nagligtas sa akin na magliligtas din sa'yo. Sa muling pagkakataon ay ililigtas ka ng mga bisig niya mula pa sa krus ng kalbaryo.
Dumating Siya, para ang madilim na kaulapan ay hawiin.
Dumating Siya, para ang napapagal mong tinig ay marinig
Dumating Siya, para iparamdam sa'yo na kailanman ay hindi ka naging mag-isa, hindi ka na mag-iisa dahil kasama mo Siya.
Dumating Siya, para iparamdam sa'yo na hindi ka niya bibigyan ng suluranin na hindi mo kakayanin.
Dahil alam niya...
Na sa likod ng nauupos na pagkatao
At sa bawat impit na paghinga mo ay heto ka...
Isang matapang na sundalo na kayang tapusin ang laban na ito
Dahil matapang ka at mahal ka Niya.Muli, inaalay ko ang piyesang ito para sa mga taong nasa kalagitnaan pa nang paglaban ng buhay at patay, mga taong nasa bingit nang pagsuko at mga taong sinubukang wakasan ang lahat ngunit pinili pa rin na ipagpatuloy ang laban. Hindi ka nag-iisa, hindi ka na mag-iisa. Tuldok-kuwit.
BINABASA MO ANG
Mga Hinabing Talinghaga (Wattys2019 Winner)
PoetryWattys 2019 Winner: Poetry Hawakan mo na ang iyong pluma at pasayawin mo ito sa blangkong papel, sa saliw ng ritmo ng mga salita. Dadanak muli ang tinta para likhain ang mga hinabing talinghaga, ito ang panimula.