17.) Kape

2.9K 52 2
                                    

May mga gabing ginigising ka ng pag-alala laban sa mga mapangwasak na ala-ala. Gaya ngayong gabi, ginawa mo na namang bitamina ang kape. Alam mong hindi ka nito ihehele pero mas pinili mong lumagok ng kaba at higupin ang mga pangamba.

Kung bakit kasi hindi na lang ulit ang oyayi ng ina ang muling makapagpapakalma sa mga pusong tinakasan na- ng kahinahunan gaya ng mga bituin sa itaas.

Siguro nga, mas masarap kung mayroon tayong makakausap hanggang sa masaid ang pait at pakla ng pinaghalo-halong kwento sa anyo ng tula. Tipong titilaok na ang tandang dahil tapos na ang pagtatampisaw sa kalaliman ng pagkatao ng isa't-isa.

Isang susuko na dahil kailangan na niyang magpahinga- huminga sa bigat ng mga hinubad na kasuotan para malantad ang kadiliman na dala-dala.

At isang pipilitin na ipunin ang mga basag na piraso mula sa pagkawasak sa nagdaang diskusyo. Muling ibabalik ang mga piraso para mabuo na naman ang pagpapanggap.

May kakaiba nga sigurong epekto ang pait ng kape na siyang patuloy na gigising sa mga tulog na damdamin para muling dalawin ang kinalimutan ng mga ala-ala.

Kape

Mga Hinabing Talinghaga (Wattys2019 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon