PAPA
Nagising ako dahil sa isang halakhak na nagmula sa labas. Napapikit ako nang natamaan ako sa sinag ng araw. Ngayon ko lang napansin na umaga na pala at hindi pa ako nakapagsaing. Binalingan ko ang gilid ko at napanguso nang nakita na wala na si Amer sa tabi ko. Siguro ay naglalaro na naman iyon sa bakuran.
Kinusot ko ang mata ko at bumangon. Inayos ko ang unan at kumot at saka tamad na lumabas ng kuwarto. Pupunta na sana ako sa banyo nang may napansin ako na kumot na nakatupi sa sala. Kumunot ang noo ko noong una pero nang marinig ko ang halakhak ni Harry ay muntik ko nang nakalimutan na narito pala siya.
Kunot-noo akong naglakad patungo sa may pinto palabas. Sinilip ko ang labas at umawang ang labi ko nang nakita ko si Harry at ang anak ko na naglalaro ng bola. Parang may humaplos sa puso ko sa nakita. Kitang-kita ko mula rito sa puwesto ko ang malaking ngiti ng anak ko. Ang saya-saya niya.
Hindi mahilig sa bola ang anak ko pero ngayon ay halos hindi na ibigay kay Harry ang bola. Napangiti ako habang pinagmamasdan sila kaya hindi ko namalayan na may bola na pala na paparating sa akin at natamaan ang noo ko.
"Aray!"
Napaatras ako at sinapo ang noo ko. Napapikit ako sa sakit at nagulat na lang nang may biglang yumakap sa tuhod ko. Naibaba ko ang tingin ko at bumungad sa akin ang nakatingala na si Amer.
"Sorry, Mama!" Tinuro niya ang noo ko. "Kiss ko po ang noo mo, Mama!"
Umupo ako para mahalikan niya ako sa noo.
Kinurot ko ang tagiliran niya sabay pisil sa kanyang pisngi. Natigil lang kami nang may biglang tumikhim. Agad akong tumayo at inayos ang magulo kong buhok.
Nakita ko si Harry na hawak-hawak na ang bola habang nakatingin sa akin.
"Are you okay?" tanong niya at akmang lalapitan ako ngunit agad akong umatras.
Agad kong kinagat ang ibabang labi ko sabay baba ng tingin sa kanyang sugat.
"Uh...W-Wala ka bang balak magpa-ospital? O hindi kaya ireklamo sa police ang nangyari s-sa iyo?" nauutal ko na tanong sabay iwas ng tingin.
"I'm totally fine..." Ngumiti siya at nagbaba ng tingin sa anak ko. "Maglalaro pa tayo?"
Masiglang tumango ang anak ko at naunang bumalik sa puwesto nila kanina. Wala akong magawa kundi ang pagmasdan na lang ang dalawa. Kung alam lang ni Amer na daddy niya ang kalaro niya.
Bumalik na lamang ako sa loob at nagtungo sa kusina para magsaing. Plano ko ring magluto ng tinola ngayon. Hindi ko alam kung kakainin ba ni Harry ang mga lulutuin ko ngayon pero wala akong pakialam kung hindi niya kakainin. Hindi naman ako ang magugutom at marami naman siyang pera para bumili ng masasarap na pagkain. Para sa anak ko naman itong lulutuin ko kaya hindi pa rin sayang kung sakaling ayaw niyang kainin.
At saka wala akong trabaho ngayon. Hindi rin ako sanay na wala si Tiya Elena rito. Maglalaba na lang siguro ako at maglilinis.
Habang niluluto pa ang kanin, kinuha ko ang isda na binili namin ni Tiya sa palengke noong nakaraan at nilinisan at hiniwa. Magluluto ako ngayon ng tinolang isda na siyang isa sa mga paborito ni Amer.
Natigil lang ako sa paghihiwa nang tumunog ang selpon ko. Nang sinilip ko ay pangalan ni Anna ang bumungad sa akin. Bumuntonghininga ako at saka sinagot ang kanyang tawag.
"Hello, Anna, napatawag ka?" tanong ko at ni-loud speak para matuloy ko ang ginagawa ko.
"Okay ka lang ba na mag-isa diyan?" nag-aalala niyang tanong sa akin. "Medyo magtatagal pa si Tiya, eh, kinumusta na lang kita."
BINABASA MO ANG
Runaway #4: The Runaway Wife (COMPLETED)
RomanceStarted: February 10, 2021 Finished: August 13, 2021