BUMABA mula sa puting limousine si Danieca. Napatunganga siya sa gusaling nasa harap niya. Tatanungin sana niya si Atty. Perrin, ang abogado ni Lord Korudon na sumundo sa kanya mula sa airport, pero nasa loob pa ito ng limousine. At mayroon itong kausap sa cell phone nito. Binalingan na lang niya ang driver na nagbababa ng mga maleta niya mula sa limousine.
"Are you sure this is the right place?" alanganing tanong niya sa lalaking mukhang ni hindi pa yata dapat binibigyan ng lisensiya. Parang napakabata pa kasi nito; tila wala pang dalawampung taong gulang. At tila sadyang nagpatubo ito ng bigote para magmukhang matanda.
Inaasahan niyang may sasalubong sa kanya kanina sa airport dahil ayon kay Lolo Nemo ay tinawagan nito hindi lang si Lucien kundi maging ang abogado ni Lord Korudon na si Atty. Perrin at si Lady Gladiola upang ipaalam ang pagdating niya at ang tungkol sa pakay niya sa mga ito. Nangako diumano si Lucien na aasikasuhin siya sa pananatili niya sa Hamiranzi. Hiningi niya ang bagong numero ng binata mula sa lolo niya pero nang tawagan niya si Lucien ay ang sekretarya lang nito ang nakausap niya. Sa wari ay numero iyon sa opisina ng St. Cyr's Toy Company sa France at wala na diumano roon ang binata dahil umuwi na sa Hamiranzi. Ayon sa sekretarya, hindi nito maaaring ibigay ang mga private number ng boss nito. Mag-iwan na lang daw siya ng mensahe at ipo-forward nito iyon kay Lucien. Kaya kaysa makipaghabulan pa sa binata sa telepono, ipinasya niyang hintayin na lang na personal silang magkaharap at saka niya ito kakausapin.
Paglapag pa lang niya sa airport kanina ay agad na siyang inasikaso ng mga opisyal doon. Nakakaaliw pala talaga kapag isang maharlika ang kilala sa Hamiranzi. Hindi lang one-day processing ang visa niya, halos ipaglatag pa siya ng red carpet pagbaba niya ng eroplano. Gayong marami ang nahihirapang makapasok sa bansang iyon na mahigpit sa pagpapapasok ng mga dayuhan lalo na kung turista. Kailangang may kakilala munang Hamiran citizen at magpapatunay sa mabuting karakter ng isang tao bago ito makapasok sa bansa.
Ang hindi inaasahan ni Danieca ay isang limousine ang sasakyang susundo sa kanya sa airport. Ang akala tuloy ng ibang kasabay niya sa flight ay international celebrity siya. May panakaw pang kumuha ng picture niya. Ngunit hindi si Lucien ang sumundo sa kanya kundi ang abogado ng lolo at lola nito.
Ipinagtaka niya iyon. Bakit hindi isa sa mga tauhan ni Lucien ang sumundo sa kanya? Ngunit nawala ang pagtataka niya nang sabihin ni Atty. Perrin na ipinasabay na rito ni Lucien ang pagsundo sa kanya dahil patungo rin ito sa Estancia nang gabing iyon. May kailangan daw itong papirmahan kay Lady Gladiola. Doon na rin pala nakatira ngayon si Lady Gladiola sa halip na sa dating tahanan nito sa Arachne City. Marahil ay napilitan na lamang ang matandang babae na makitira sa poder ng apo nito pagkatapos maipambayad sa mga utang ang lahat ng pag-aari nito at ng yumaong baron.
"Yes, Miss, this is Estancia. This is Lord Lucien's house," tugon ng batang-batang driver.
Kinailangan muna niyang limiing mabuti ang mga sinabi nito bago niya ito maunawaan. Hindi niya maintindihan agad ang pananalita nito dahil sa makapal na English accent nito. Ang alam niya ay French, English, Russian, at Spanish ang mga wikang ginagamit sa Hamiranzi. Sa apat na iyon, sa Ingles lang siya fluent bagaman marunong siya ng kaunting French base sa mga pagsisikap niya noong makausap si Lucien. Subalit sapat lang ang nalalaman niya para itanong kung nasaan ang banyo at kung magkano ang pamasahe ng taxi na sinakyan niya.
"I see," aniya nang ma-decode niya sa wakas ang sagot ng driver.
Hindi masasabing simpleng "bahay" lang na matatawag ang Estancia. Ni hindi rin nga iyon maaaring tawaging mansiyon; literal na palasyo iyon. It looked twice as big as her family's ancestral house. Hindi niya matantiya kung ilang palapag iyon, pero nasisiguro niyang mas mataas iyon kaysa sa Aseron Castillo. May apat na nagtataasang tore iyon, matatarik ang bubong na tulad ng sa mga katedral, at may mga tsiminea. It looked like a castle from the medieval times. It only needed a moat and a drawbridge to make her believe she was transported back in time.
BINABASA MO ANG
ASERON WEDDINGS-YOU CAN LET GO
RomanceDanieca had loved and lost two men five years ago. One was the man she was about to marry, the other her dearest friend. Si Nikolas ay kinuha sa kanya ni Kamatayan habang si Lucien naman ay bigla na lamang nawala sa buhay niya sa kadahilanang ito la...