The Insanity

1K 30 10
                                    

THE INSANITY

"Si Diane! Papatayin ako ni Diane!" nagsimula ng magwala si Mr. Torres habang paulit-ulit niyang binabanggit ang pangalan ni Diane. "Hindi ako mapapatawad ni Diane!"

"Dali, Sally," utos ni Dan. "Tumawag ka ng tulong. Puntahan mo si Mr. Lopez. Bilisan mo."

"E ikaw, Dan, paano ka?"

"Maiwan na ko dito. Titingnan ko kung anong pwde kong magawa. Basta humingi ka ng tulong."

"Ayoko, Dan, hindi kita iiwan dito."

"Kaya ko na ang sarili ko, Sally. Sa faculty room dun ka humingi ng tulong. Bilis!"

Napilitan man, nagmamadaling umalis si Sally at sinundan ang mga pasilyong may ilaw. Naiwan si Dan na nakasandal sa gilid, sa may pisarang malinis, malapit sa pintuan, habang pinapanuod si Mr. Torres na nagwawala sa loob ng kanina ay tahimik na silid.

"Si Diane! Papatayin nya ko! Papatayin nya ko!" pinaghahahagis ng nababaliw na guro ang mga upuan. Parang nasasapian siya dahil sa kakaibang lakas o sadyang nasisiraan na lang talaga ng bait. Pinagkakakalmot niya ang sarili niyang balat na para bang hayop na kinasusuklaman ang sarili niyang mga laman. "Papatayin nya ko."

Hindi makapagsalita si Dan at hindi alam ang gagawin. Pero sa loob niya ay nahihiwagaan siya kung sino nga ba si Diane at ganoon na lang kung magwala si Mr. Torres nang marinig niya ang pangalang iyon. Kinalkal niya ang bag niya, naghanap ng kung anumang bagay na magagamitin niya. "Stun gun, putek! Ngayon ko pa yata naiwan yon." Nasa isang parte lang ng bag niya ang hinahanap niya subalit dala ng tensyon, hindi niya iyon mahanap.

Namumula at nagdudugo na ang mga kayod sa balat ni Mr. Torres. Tadtad ng kalmot ang mukha niya at tagaktak ng namumuong dugo. Napatingin siya sa salaming nakasabit sa pader kaya huminto siya saglit at tila gustong tumawa. "Hindi na ko makikilala ni Diane! Iba na ang itsura ko. Hindi na nya ko mapapatay!" Sunod-sunod ang malalakas niyang tawa habang unti-unting siyang lumalapit kay Dan. "Kilala mo pa ba ko Diane? Hindi ako to. Hindi. Hindi ako si Mr. Torres."

Palapit siya ng palapit kay Dan pero sa dream catcher na nasa leeg ng binata, doon siya nakatingin. Animo ay hindi si Dan ang kinakausap niya kundi ang dream catcher.

"Papatayin mo ko? Sino ba ko?" sabay tawa. "Tingnan mo ang mukha ko. Hindi mo na ko makikilala." Ang focus ng tingin niya ay nasa kwintas pa rin. "Ano? Kilala mo ko? Kilala mo na ko? Hindi ako yun. Hindi ako yun, maawa ka!" nagbago na muli ang tono ng boses niya na tila ngayon ay gusto naman ngayong umiyak. "Si Diane! Papatayin nya ko."

"Wag kang lalapit," binalaan siya ni Dan ng nagwawala na naman ito habang palapit sa kanya. "Baka ako ang makapatay sayo kung hahakbang ka pa," habang itinututok ni Dan ang mapurol na lapis sa mukha ng guro bilang pandepensa. Nanginginig siya pero hindi pinapahalata.

"Uunahan na kita, Diane, hindi mo ko mapapatay," mabilis na itinaas ni Mr. Torres ang kanyang kamay. Akala ni Dan ay kakalmutin siya nito ngunit ang mga mata ng baliw ay nakatitig sa kanyang dibdib, sa bagay na nasabit sa kanyang leeg. Nang akma ng hahablutin ni Mr. Torres ang dream catcher, makapa ni Dan ang stun gun. Sa braso nakuryente si Mr. Torres at bumulagta sa sahig.

Nang mawalan ng malay ang guro, agad na tumakbo si Dan sa lagayan ng mga walis at panlinis. Alam niya na naroon at nakatago ang ilang piraso ng mahabang panali.

Tama naman ng direksyong tinatahak ni Sally. Patungo siyang faculty room, sa pagkakaalam niya nandoon si Mr. Lopez, ayon na rin sa pagkakasabi ng binata. Nag-aalala rin siya kay Dan kaya nagdadalawang-isip siyang tumuloy at napapaisip din kung babalikan ang kaibigan na kasama ang nababaliw na guro.

Nang malapit na siya, nakita niyang may dalawang taong nag-uusap sa harap ng faculty room. Iyon ay si Mr. Lopez at ang ikalawa, isang babaeng hindi niya kilala ngunit ang kapansin-pansin sa kanya ay ang buhok nitong hanggang balikat ang haba. Mabuti nga at mas maraming tao ang mahihingan nya ng tulong. Subalit, hindi niya magawang lapitan ang dalawa.

May kung anong pwersa, may kung anong hindi malamang dahilan na hindi niya magawang malapitan ang dapat sana ay tulong kahit na sa isip niya paulit-ulit ang pagdidikta na kailangan nya ng tulong para kay Dan.

Tuod sa kanyang kinatatayuan, bigla na lang niyang naramdaman na may kung anong matigas na bagay ang tumama sa kanyang likuran at ang huli niyang natatandaan ay nawalan na siya ng malay.

Ilang minuto lang, dumating naman si Dan at Mr. Torres para saklolohan si Sally ngunit wala silang ideya ng nangyari sa kanya. Mag-isa lang si Sally doon, wala siyang ibang kasama, nakaupo sa isang tabi at natutulog.

Si Mr. Torres naman ay nasa silid, nakatali ang kamay at paa, wala pa ring malay.

Naguluhan ba kayo sa takbo ng mga pangyayari? makibasa nalang ang next chapter, The Questions, para maintindihan. Salamat sa mga followers.

Dreamcatcher [Yatnihihgan]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon