THE PATIENT
Ang talop na mansanas ay nakalapag sa mesa, sa tabi ng basket ng mga prutas. Dahil nahahanginan, ang kulay nito'y nagbago na.
"Pambihirang babae to, tulugan ba naman ako," hinanakit ni Dan habang tinititigan ang kaibigan. "Ang cute mo pala, Sally," biglang paghanga ni Dan habang unti-unting pinagmamasdan ang mahahabang pilik-mata at maputlang labi ng dalaga. "Pag di ka pa nag-aayos, mas lalong lumalabas ang natural mong ganda" mahina lang ang pagkakasabi niya, sapat para marinig ng sarili. "At kahit gulo pa ang pula mong buhok-"
Hindi na natapos ni Dan ang sasabihin at pumasok ang mama ni Sally. May dala itong tinake-out na pagkain.
"Sally, bumangon ka na, kumain ka na," anyaya ng nanay. "Sabayan mo na rin siya Dan."
"Pero nakatulog po siya ulit," wika naman ni Dan.
"Naku, iho, isang tingin ko lang diyan, alam ko na kung natutulog o nagtutulog-tulugan lang."
"Pero po-"
Biglang may tumilampong puting unan kay Dan bago pa siya tuluyang makapagdahilan. Pagkatapos ay tinawanan siya ng dalagang gising na gising. "Cute at natural pala ha."
Sunod ay pinulot ni Dan ang unan at mahinang inihampas sa nagbato. Pareho silang napatigil ng mapansing pinanunuod sila ng kasama nila sa silid.
"Pasensya na po, Mrs. Bansil," ani Dan.
Ngumiti lang naman ang ginang at hindi minasama ang ginawa ni Dan. "Oh mamaya na kayo mag-asaran at maghampasan baka matamaan pa ito at matapon," habang hawak at hinihipan niya ang mainit na sabaw. "Sumabay ka na Dan, kanina mo pa binabantayan ang nagtutulug-tulugang prinsesa. Isa pa, Tita Tess na lang itawag mo sakin.
"Cute at natural pala ha," muling pag-aasar ni Sally. "Syempre mana ko kay Mama, di ba, 'Ma?"
Pinandilatan naman siya ng mata ng di-pikong binata.
Habang kumakain ang dalawa, sa sarkastikong mga ngiti at sa kakaibang ekspresyon ng mukha nila ay tahimik at patuloy silang nag-iinisan. Ang ginang naman ay nagliligpit ng ilang mga gamit.
Patapos na rin silang kumain nang maya-maya'y bumukas ang pinto. Pumasok ang isang nurse at kasunod ay isang lalaking doktor na nasa trenta y singko ang gulang, seryoso ang mukha at panot ang noo.
Nang pumasok sila at makita ni Sally, bigla niyang hinawakan ang gilid ng damit ni Dan. "May problema ba?" tanong ni binata.
"Hayaan mo lang akong humawak sa damit mo," tugon naman ni Sally. Naunawaan kaagad ni Dan na may kinatatakutan ang kaibigan.
"Magandang umaga po," binati ng nurs ang nanay ni Sally. "Kukunin ko lang po ang vital signs ni Sally para masiguro nating ayos na nga siya."
Tumango ang ginang at pinatuloy naman ang doktor, "Kayo po pala, Dr. Bernaldo."
"Good morning po, Mrs. Bansil," binati rin niya ang ginang. "Hindi ko po inaasahang magkikita tayo muli," saka niya iniliko ang tingin niya kay Sally.
Lalo namang hinigpitan ni Sally ang hawak sa ng kaliwa niyang kamay sa tela ng damit ni Dan habang ang kanan niyang braso ay kinukuwahan ng blood pressure reading. Hindi binati ni Sally ang doktor kahit pa nang lapitan siya nito.
"Wag kang matakot, wala na itong kinalaman sa nakaraan. Mukhang aksidente lang ang nagdala sa'yo rito sa pagkakataong ito."
Si Dan ay nakikinig lang at sinusubukang unawain ang sinasabi ng doktor.
"Hinimatay ka lang," pagpapatuloy ng manggagamot. "May minor na bukol ka sa likod ng ulo na lumiliit na rin. Posibleng may matigas na bagay na tumama dyan. O kung may nanadya mang humampas sayo ng matigas na bagay, hindi nya intensyong patayin ka. Marahil gusto ka lang patulugin. Pwde ring sadyang mahina lang talaga ang nanakit sa'yo."
Lalong nadagdagan ang panginginig ng kamay ni Sally na nakakapit kay Dan.
"Maayos naman na po ang vital signs nya, dok," wika ng nurs.
"Kung gayoon ay irerekomenda ko ng ma-discharge na ang paborito kong pasyente ngayon ding umaga."
"Salamat po naman, Dr. Bernaldo," tuluyan ng nakahinga ng maluwang si Mrs. Bansil.
"Sally, sana naman nagsawa ka ng makita ako," wika niya sa dalaga. "Ingatan mo na yang ikalawang buhay mo."
"Ano pong ikalawang buhay?" biglang naitanong ni Dan na kanina pa tahimik.
Tila nag-iba naman ng pinta ng mukha ni Sally ng mang-usisa ang binata.
Natawag naman ni Dan ang pansin ng doktor. Isang minuto rin siyang tiningnang mabuti ng lalaki. "Alam mo, pamilyar ka," aniya. "Hindi ikaw mismo pero yang suot mong dream catcher. Parang nakita ko na yan dati, yan mismo."
"Saan po?" gusto rin sanang itanong ni Sally pero naunahan na siya ni Dan.
"Pasyente ko din. Lalaki. Hindi ako pwedeng magkamali. Kung sino siya at kung kailan, hindi ko na maalala," sagot niya. Naiwan namang tulala ang dalawang magkaibigan, umaasang may idadagdag pang impormasyon ang mangagamot pero wala na. "Siya nga pala," pinatutungkulan niya ay si Dan. "Wag mong seryosohin ang huli kong sinabi kay Sally kanina, nagbibiro lang ako."
Lumabas ng tahimik ang dalawang medical persons at dun pa lang bumitiw si Sally kay Dan. Dalawang minuto lang ay muli namang may pumasok, sa pagkakataong ito ay isang delivery man.
"Magandang araw po!" wika niya ng makapasok. "Delivery po para kay Ms. Sally Bansil," ipinasok niya ang bigkis ng korona ng patay.
"Kanino galing yan?" kunot-noong tanong ng ina. Nagtaka din si Dan.
"Pasesnya na po, taga-pagdala lang ako," nahihiya namang sagot ng delivery man. "Ang alam ko lang po ay malaki ang ibibayad ng nagpapabigay para lang ilihim kung sino siya."
"Ma, wag ka nang magulat," pagpigil ni Sally sa emosyon ng nanay niya. "Isa lang naman kilala nating gagawa nyan, di ba?"
May maliit na puting sobreng nakadikit sa koronang bulaklak. Kinuha ito ni Dan at iniabot sa kaibigan. Marahang binuksan ni Sally ang sobre at binasa ang laman:
Evil Sally, hihintayin kita sa school.
Next Chapter: The Enemy
![](https://img.wattpad.com/cover/3409212-288-k111157.jpg)
BINABASA MO ANG
Dreamcatcher [Yatnihihgan]
Mystery / ThrillerLanguage: Filipino | At the beginning of another academic year, Dan and Sally with their twisted fate will be involved in a series of murder where they initiated their own investigation to reveal the identity of the killer. As victims were strangled...