The Friend II

758 22 7
                                    

THE FRIEND II

"Magkasig-edad kami ni Sally," panimula ng salaysay ni Keith. "Kung tutuusin, mga sanggol pa lang kami ay nagtagpo na kami dahil ako ay inaanak ng daddy ni Sally, pero noong mga pitong gulang na kami doon pala kami naging close sa isa't-isa.

Naging magkaklase kami sa isang private elementary school. Noong umpisa ay hindi kami nagpapansinan kahit alam naming kinakapatid namin ang isat't-isa.

Marami kaagad naging kaibigan si Sally dahil likas syang palakaibigan. Pag may nagustuhan syang tao, siya mismo ang lalapit para makipagkilala. Samantalang ako, nasa sulok lang, nag-aabang na may dumapong langaw para may makausap ako.

Isang araw, parang napansin nyang lagi lang akong mag-isa kaya nilapitan nya ko.

"Uy, Keith, bakit lagi kang nagsosolo, gusto mo bang sumama saming maglaro ng puzzles?"

"Ayos lang ako, Sally. Salamat."

"Sally, ano ka ba, bakit ba sinasama mo pa yang pangit na yan?" sabi sa kanya ng mga kaibigan nya.

"Hindi sya pangit. Saka kinakapatid ko sya kaya gusto kong kasali sya."

"Ayaw naman naming kasama yang pangit na yan. Pumili ka -- si Keith pangit o kami?"

"Hindi totoo yan. Maganda sya," pagtatanggol nya sakin. "Siya ang pipiliin ko, siya na lang ang friend ko. Ayaw ko na sa inyo. Mapanlait kayo! Ang bad nyo. Isusumbong ko kayo sa dad ko!"

Si Sally -- siya ang una kong kaibigan at kahit kailan hinding-hindi ko malilimutan ang pagtatanggol nya na iyon sakin. Dahil sa kanya, nagkaroon ako ng lakas ng loob. Kahit pangit ako, wala ng nanlait sakin. Ang kagandahan at kabaitan ni Sally ang hinangaan ko sa kanya.

Tumagal pa at hindi na lang basta magkaibigan ang turingan namin kundi magkapatid. Pareho kaming mga solong anak. Kung hindi lang nga ako pangit, sa dalas naming magkasama, baka isipin ng iba na kakambal ko siya.

"Keith, gusto mo ba kong maging kakambal?" bigla nyang itinanong sa akin isang beses.

"Ou naman, pero malabong mangyari yun, Sally, diwata at goblin ako."

"Naku naku ka, wag ka nga magsalita ng ganyan, para sa akin, maganda ka, kasing ganda ko, di ba?"

Kahit kailan, hindi nagbago ang pagtingin sa akin ni Sally. Pero nung grade five na kami, biglang siyang dinapuan ng sakit. Akala namin ay simpleng panghihina lang ang nararamdaman nya pero lumaon at naging cancer of the blood ang sakit niya.

Simula noon kailangan nya ng manatili sa hospital pero hindi sya tumigil sa pag-aaral. Kumuha sila ng tutor. Ganun din sana ang gusto ko para lagi pa rin kaming magkasama pero hindi pumayag si Papa. Kaya tuwing uwian at tuwing walang pasok ko na lang nakakasama si Sally.

Madalas ko siyang sinasamahan sa hospital, gumagawa ako ng paraan tuwing babawalan ako, at pinagdadalan ko siya bulaklak sa tuwing bibisita ako. Madalas rin nagsusumbong sya sakin dahil sa ginagawang mga panggagamot sa kanya ng doktor. Kaya nga matindi ang takot nya sa mga doktor at nurses.

Nanatili ako sa tabi nya kahit noong unti-unti ng nalalagas ang buhok niya.

"Keith," malambing nyang tawag sa akin isang beses. "Suklayan mo nga ako."

Nalusaw ang puso ko noon dahil sa sinabi nya. Sobrang nipis na ng buhok nya na ako mismo ay hindi ko sya magawang tingnan dahil naaawa ako.

"Mas lalo ka ng naging mas maganda sakin ngayon," ika pa nya na kahit ganoon na ang kalagayan nya ay hindi nya pa rin magawang iparamdam sa akin na pangit ako.

Dreamcatcher [Yatnihihgan]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon