Ang GIGO: Pagtanaw sa Lipunan, at ang Sistema ng Edukasyon

105 1 0
                                    

Ang GIGO: Pagtanaw sa Lipunan, at ang Sistema ng Edukasyon

-Judah Maccabeus Zoloan/ (Christopher S. Alonzo)

    Taong 1820, kasagsagan noon ng pagpapalawig ng kakayahan ng bagong imbensyon ni Charles Babbage, ang Difference Engine, nang ipasok niya ang ideya ng FIFO (First-in, First-out) bilang precursor sa lohika ng makabagong computer. Sinabi ni Babbage na ang lohika ng pagpasok ng datos sa computer ay sa paraang ang unang datos muna ang ipoproseso at lalabas bilang output bago pa ang ibang mga datos. Ngunit isang araw, habang siya any nagtuturo tungkol sa nasabing imbensyon, dalawang mag-aaral ang nagtanong sa magkaibang pagkakataon nang ganito:

    “Ginoong Babbage, kapag mga maling bilang o datos ba ang inilagay sa imbensyon niyo, makalilikha ba ito ng tamang sagot?”

    Hindi inaasahan ni Babbage ang ganoong uri ng tanong, maging ang kalituhang idudulot no’n sa mga susunod pang panahon. Hindi na rin nagawa pa ng dakilang Computer Philosopher na lutasin ang nasabing problema.

    Lumawig pa ang problemang idinulot ng katanungang iyon hanggang sa isang dalubhasa ng IBM, si George Fuechsel, ang gumamit ng acronym na GIGO (Garbage-in, Garbage -out) bilang pabirong pagpapaliwanag sa kondisyong ito ng computer; kung saan ang naturang elektromekanikal at digital na makina ay walang ingat na magpoproseso ng walang saysay na datos mula sa mga mali-mali at walang kabuluhang input.

                                                                 

    Naisip ko na ang pangyayaring ito ay di lamang paglalarawan sa computer, na siyang halos perpekto at lalo pang pinauunlad na makinarya, kundi paglalarawan din ng kakulangan ng mga tao.

    Maraming pagkakataon na ang tao ay nasisira nang dahil sa kanyang mga salita, ngunit higit na pagkasira ang naidudulot niya nang dahil sa pagtanggap at pagpapalaganap ng maling impormasyon. Sadyang malikot ang isip ng mga tao, at matagal na itong alam ng karamihan. Ang isipan ay madaling lumikha at pumuno sa mga nawawalang impormasyon ng anumang intriga at kataka-takang bagay.  Mas madalas kaysa hindi, tinatanggap ng karamihan ang maling impormasyon nang hindi na nangangailangan ng matibay na ebidensya, katulad din ng paniniwala natin na di magkakamali ang mga high-tech na makina. Sa kalaunan, sadyang huli na upang maisaayos pa ang kasiraang dulot ng pagproseso ng maling impormasyon sa lipunan ng tao, katulad ng kasiraang naidulot ng mga bugs at viruses sa computer.

    Gayundin naman, masasabi kong lalong laganap ang problema ng GIGO sa sistema ng ating edukasyon sa bansa. Sa pagkakataong ito ay di dapat sisihin ang mismong sistema ng edukasyon, dahil ito ay labis nang pinagbuti at dumaan na sa napakaraming pagbabago, trial-and-error, at mga dagdag na ideya ng pagsasaayos sa larangan ng etika at pilosopiya.

    Bagkus, masasabi kong ang pinag-ugatan ng pagkakamali dito ay ang maling pag-unawa ng mga tao sa pormulasyon ng ating lipunan at batas. Masyado nang maraming pagbabago ang idinulot ng mabilis na pagdaloy ng buhay at globalisasyon sa ating mga gawi at pang-unawa. Halos binago na ng panahon ang ating kultura at unti-unti na nitong binasag ang mga wastong pag-uugali at kagandahang asal na isa sa mga integral na katangian ng mga tao noong nagdaang panahon. Wala na halos panahong mag-isip o magmuni-muni ang mga tao sa panahong ito; ang buong buhay ng bawat Pilipino, ng mga kabataan, at lalong-lalo na ng mga matatanda, ay palagi nang okupado ng kung ano-anong mga bagay. Palagi nang abala ang mga tao – kung hindi abala sa kani-kanilang mga sarili at kung paano mabuhay, abala naman sila sa mga bagay na kalabisan na kung iisipin. Ang mga bakanteng bahagi ng oras ng mga kabataan ay nauuwi sa labis na paggamit ng teknolohiya upang malibang. Nang dahil dito, ang pakikipag-kapwa na hinding-hindi mawawala sa mga gawing Pilipino, ay hindi maingat na naisasagawa. Wala nang pagtitimpi at mali na nag pagpoproseso ng mga impormasyon masiyahan lamang ang mga guni-guni – kaya nauuwi sa tsismis.

    Nawawalan na nga ng panahon ang mga tao para sa kanilang kapwa, at bagkus sila ay nagiging makasarili. Hindi na nila iniisip ang kalagayan ng kanilang kapwa at ang buhay nila ay umiikot na lamang sa pag-iisip kung paano magiging mas mabuti ang kanilang buhay. Wala na rin silang panahon para sa kanilang mga anak, at ipinapasa nila ang hindi matugunang responsibilidad sa pinakamalapit na ahensya – ang paaralan, at ang mga guro nito. Nalilimutan na ng karamihan sa mga magulang na ang unang edukasyon ay nagmumula sa tahanan at hindi sa paaralan. Nalilimutan na nila na ang wastong pag-ugali ay nag-uumpisa sa wasto at matimping pagsubaybay sa mga bata. Ipinapasa nang lahat sa paaralan, maging ang mga kakulangan na likas sa mga kabataan ng bagong henerasyon, nang hindi pinag-iisipang mabuti ang totoong dahilan o aminin man lamang ang sariling kamalian. Dahil sa pagkasilaw sa kapangyarihan ng karapatan, ginagamit din ito ng mga magulang sa lihis na paraan – ang ipaggiitan ang mga nasabing karapatan upang punan ang kakulangan sa pagtatagumpay (dahil wala namang tagumpay na natamo sa labis na pagpapagal at pag-iisip ng pagkakakitaan).

    Masasabi kong kaawa-awa ang mga guro. Mga buhay na bayani silang halos walang iniwan sa mga pumanaw na dahil sa unti-unting pagpatay ng lipunan at kakulangan sa pagpapahalaga. Parang mga sundalong sumusuong sa panganib dahil nararapat lamang na nandoon sila. Labis na napapagod, nangungulila, nangangamba. Nakararamdam ng iba’t-ibang uri ng pisikal at mental na pagyurak sa dignidad, kawalang-karapatan, at napup’wersang pamanhirin ang pandama maging ang puso. Sumusunod na lamang sa mapanganib na agos ng pagbabago at kawalan ng katarungan. Tumatanggap ng iba’t-ibang panlilibak, bulyaw, paninisi, at mga walang saysay na pagbabanta, at higit sa lahat, uhaw sa tamang respeto, at pagkalinga.

    GIGO pa rin ang talagang problema sa edukasyon. Sa kabila ng mga pilosopikal na paliwanag na ang GIGO ay di uubra dahil sa maraming laganap na dulog (approach) at estratehiya sa edukasyon ay sadyang GIGO pa rin ang nananatiling problema. Kapag hindi ito natugunan nang maayos ay malapit na sigurong mapalitan ang titik “I” ng “A” at lalong lalawig pa ang problema.

    Garbage In, Garbage Out. Isang napakasamang paglalarawan! Kung mali ang naipasok, mahirap at madalang na tama ang kalalabasan.

    Ang paaralan ay maikukumpara sa isang processor, o di kaya’y pagawaan ng damit o anumang materyales. Ang mga kumakatawan sa datos ay ang mga kabataan o mag-aaral. Kung hindi tuwid ang kanilang pagpasok at pag-uugali sa simula pa lamang e malabong mabuti ang maging kahihinatnan sa huli, sa kabila ng pagsusumikap ng sistema ng edukasyon sa pagpoproseso at pagsasaayos. Ang mga guro ay pangalawang magulang lamang, hindi sila ang pangunahin. Hindi sila ang nagpasok, sila lamang ang nagproseso.  Kung sa umpisa pa lamang ay may problema na, problema pa rin halos ang kalalabasan sa halip na kalutasan. Hindi rin masasabing holistic education ang anumang pormulasyong walang tunay na sandigan – at ang pangunahing sandigan ay ang mga magulang at tahanan; hindi ang paaralan, lalong hindi ang sistema ng edukasyon, estado, o maging ang pamahalaan.

    Kung baga sa tela, kung ito ay nakasalansan nang maayos (kahit mumurahin pa ito) nang ipasok sa pagawaan, makalilikha ito ng matibay at magandang uniporme na mapapakinabangan sa matagal na panahon at maaring maipagmalaki. Ngunit kung gula-gulanit na ang tela kung ito ay ipapasok sa pagawaan, basahan ang kalalabasan, sa halip na uniporme.

    Tama na ang mga panlilito at mga debate! Kung mauunawaan lamang ito ng bawat isa, walang magiging sisihan at maaaring malutas pa ang laganap na problemang ito sa edukasyon.

Mga Bungang Isip ni Christopher ZoloanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon