Alamat at Maikling Kasaysayan ng Lunsod ng Olongapo (isang salin)

751 1 0
                                    

Alamat at Maikling Kasaysayan ng Lunsod ng Olongapo

(salin mula sa isang English excerpt tungkol sa nabanggit na paksa)

 

    Ayon sa mga alamat at kwentong bayan, ang ngalan ng siyudad na OLONGAPO ay halaw sa pariralang “Ulo ng Apo”. Sinasabing noon ay may isang tribo na may mga di-nagkakasundong mamamayan. Isang matandang paham o ‘Apo’ ang nakabatid ng kasamaang dulot ng di-pagkakasundong ito kung kaya gumawa siya ng mga hakbang upang papagkasunduin ang bawat mamamayan. Ngunit may mga masasamang loob na hindi sumang-ayon sa kabutihang ginagawa ng matandang paham na ito; tahasan at buong kapaitan nilang hinadlangan ang pagkakaroon ng mga mamamayan ng isang mabuting pinuno. Isang araw, bigla na lamang naglaho ang matandang paham. Nagsagawa ang mga mamamayan ng masusing paghahanap, at natagpuan nila ang katawan ng matanda, ngunit wala na ang kanyang ulo. Ang mga mamamayang katutubo ay nagsagawa pa ng mas maigting na paghahanap, ngunit lahat ng mga ito ay pawang bigo.

    Ngunit di dito natapos ang lahat – isang batang lalaki ang nangakong hindi titigil hangga’t di niya nahahanap ang ulo ng kanilang ‘Apo’. Sa kalagitnaan ng kanyang paghahanap isang araw, natagpuan niya ang ulo ng isang matandang lalaki na nakatulos sa isang kawayan – ang ulo ng ‘Apo’! Marahil, ang mga masasamang-loob ay nagnais na wakasan ang nabuong diwa ng pagkakaisa ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpaslang sa matandang paham; Sa pamamagitan nito ay muling mamamayani ang takot at pangamba sa bawat isa. Nang makita ng batang lalaki ang ulo, lumuluha siyang tumakbo pabalik sa mga katutubo habang sinisigaw ang “ULO NG APO!”. Ang mga salitang iyon ay natanim sa isipan ng mga tao, hanggang sa ang lugar na ito ay tawaging OLONGAPO magpasahanggang ngayon. Ang ULO NG APO, ang siyang simbulo ng pagkakaisa ng bawat mamamayan.

*** ***

    Matagal na panahon na ang nakararaan, ang Olongapo ay isa lamang munting bayang pangisdaan ng Subic. Ayon sa mga tala ng kasaysayan, mga Ita ang unang nanirahan dito. Taong 1884, ang Olongapo ay sinakop ng mga Espanyol at ginawang base o panahanan ng hukbong-dagat ng España. Batid ng mga Espanyol ang kalamangang idudulot sa kanila ng maiinam na katangian ng look ng Subic tulad ng “pantay na lalim, malawak na katubigan, at tatlong mga bulubunduking pananggalang laban sa malalakas na hangin at bagyo” lalong lalo na sa larangan ng pakikidigma, kung kaya itinalaga ni Haring Alfonso II ang Look ng Subic bilang “Moog ng Kaharian ng España sa Malayong Silangan”. Samantala, si Almirante George Dewey ng Hukbong Pandagat ng America ay naakit sa malalim na pook daungan na ito, na sinasabing “walang kaparis sa kabuuan ng mga isla sa Pilipinas”, kung kaya sa Digmaang Kastila-Amerikano noong 1898 ay sinakop niya ang kabuuan ng Olongapo at Look ng Subic. Dahil sa mga pangyayaring iyon, ang tinatayang 283,280,200 kilometrong parisukat na laki ng kalupaan kabilang ang Olongapo, ay ginawang base-militar. Gumugol ang Estados Unidos ng milyong milyong dolyar upang tuluyang gawing base-militar ang nasabing sukat ng lupa noong 1951. Noong Ika-7 ng Disyembre, 1959, matapos ang pagkakasundong pag-ayaw ng mga mamamayan sa pagiging base-militar, ang Olongapo ay naging isang munisipalidad. Makalipas ang anim na taon, unang araw ng Hunyo 1966, ang Olongapo ay naging isang lunsod. Di naglaon, matapos ang pagsabog ng Bulkang Pinatubo noong 1991, tuluyang lumisan ang hukbo ng mga Amerikano at ang dating base-militar ay naging isang Freeport Zone. Ang mga mamamayan ng Olongapo ngayo’y masayang naninirahan sa isang maunlad, tahimik, at makataong kapaligaran kung saan namamayani ang patuloy na pag-unlad at pagsusumigasig pang mas maging maganda ang buhay.

Isinalin ni Ginoong Christopher S. Alonzo sa madaliang paraan.

Ika-6 ng Setyembre, 2012.

Mga Bungang Isip ni Christopher ZoloanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon