Nakakasawa 'Di Ba?

11 1 0
                                    

Nakakasawa 'Di Ba?
Agosto 31, 2017

Nakakasawa di ba?
Iyan ang nararamdaman ko tuwing umaga,
Habang naglalakad patungong eskwela,
Nasa isip ang matitigas na ulong mga bata.

Nakakasawa di ba?
Itong araw-araw na pagdidisiplina
Sa mga batang ni utang na loob ay wala,
Sa huli'y lalabas pa kaming masama.

Lagyan ko man ng sitenta'y singko,
Ang card ng ilan sa mga batang tulad mo;
Ikatutuwa pa ang markang ibinigay ko,
Pumasa nang di naman talaga natuto.

Namaos na sa kasisigaw si Madam,
Sa mga pangaral at pagdaramdam -
Kapakanan mo na nga ang iniisip niya,
Di mo pa nakuhang makinig, ni mahiya?

Ginalingan na sa visual aids, ayan sa iyong harapan -
Dagdag na unawa sa iyong napakikinggan;
Leksyong pinagpaguran at pinagpuyatan,
Sa klase'y inuna mo pa rin ang pakikipagdaldalan.

Wala na nga siyang tulog kagabi,
Kakaisip sa suliranin niyang pansarili;
Sa eskwela, kanya itong isinasantabi,
Ikaw naman itong walang paki.

Araw araw ka ngang pumapasok,
Doon ka lang naman lagi sa isang sulok;
Kapag may pagsusulit na inilalahok,
Wala ka namang sagot kundi itlog.

Kung kailan ka naman pinagagalitan,
Nakuha mo pang makipagngisian;
Ikinatutuwa pa ang kasalanan,
Nasa'n na ba ang kahihiyan?

Ngunit kapag ang tulad mo ang nakanti,
Lintik lang ang walang ganti!
Iiyak na parang inapi -
Tila ba walang dungis ang iyong budhi...

Mga magulang na di makaintindi,
Magsusumbong sa DSWD;
Magpopost sa social media, diyaryo at TV,
Si Ma'am at Sir, na-trial by publicity.

Inaalagaang dignidad sa loob ng maraming taon,
Sa maitim na burak bigla na lamang nabaon,
Kakarampot na kita ng guro, pantustos sa pamilya,
Biglaang inagaw nang walang konsensya...

Pilit na ngang itinutuwid ang asal mo,
Buhay niya'y isinadlak mo sa impyerno;
Mabuti mong guro, sa huli'y nadehado
Kung di magutom at maghirap, gusto mo pa rin ba siyang makalaboso?

Sa lahat ng kapalpakan at kalokohan mo,
Mga guro mo'y pilit nagtitiyaga sa iyo;
Kapakanan mo lang talaga ang punto dito
Na ika'y lubos na matuto.

Nakakasawa di ba?
Ngunit ako rin ay nagtataka
Kung bakit sa lahat ng ito, ako at sila
Patuloy pa rin na nakikibaka.

Kapos na sustento mula sa gobyerno,
Sa anumang paraan namin hilingin ito;
Tinambakan ng paperworks at iba't ibang trabaho,
Pinagserbisyo kahit na sabado at linggo.

Hindi kami nagkulang sa pagpapaalaala,
Sa mga magulang man at mga bata;
Isinisisi na nga ang kakulangan mo sa pag-unawa;
Sa huli'y nagagawa pa kaming paratangan at ipahiya...

Patuloy kami na naririto -
Kahit halos sumuko na kami sa pagtuturo;
Kaya kami naman ay tulungan nyo,
Hindi puro na lamang daldal at reklamo.

Hiling namin, ang inyong respeto,
Hindi pagpapasa ng tungkulin ng magulang mo:
Bukas ang silid namin sa pakikinig sa inyo,
Bakit sa panig namin isip ninyo'y sarado?

Nakakasawa...
Paulit-ulit na lamang kaming lumuluha;
Sa iilang hiling na salita -
Kailangan nami'y respeto at pang-unawa.

Mga Bungang Isip ni Christopher ZoloanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon