Chapter 8

2.6K 140 39
                                    

A/N: I am writing this story without any outline. Kaya mabagal ang usad. Hoping for more patience, guys. ♡


Fault


Hindi ko alam kung saan sisimulan. Kung sa pagtatanong ba o sa pagsasabi ng mga nalaman. Nanatili akong nakatayo sa kanina pang puwesto, hindi mahanapan ng tamang tiyempo ang pagpasok sa loob. Sarado ang pinto ngunit kakatwang ramdam kong ang tumatagos na tingin na ibinibigay sa akin ng taong nasa loob.

Hindi ko maintindihan kung ano ba ang dapat na maunang maramdaman. Ang galit na para sa taong gumawa nito kay Tadeo na ngayon ay lumatad na. O ang mas panaigin ang awa para sa lalaki na habang buhay nang nakakadena sa sakit na nakuha mula sa mapait na insidenteng kinasasangkutan. O kung hayaan na sabay maramdaman ang awa at galit para sa taong naging ugat ng sanga-sangang problema ni Tadeo na nagpapahirap sa kaniya ngayon.

Gusto kong may sisihin subalit hindi ko mahanap ang dahilan para maramdaman 'yon. Nurse lang ako. Kaagapay at ang tungkulin ay umalalay. Hindi na sakop ng trabaho ko ang makaramdam ng kung anu-anong mga bagay na hind naman parte ng job description ko.

Kumatok ako, ipinagbibigay alam ang presensya ngunit walang lakas na pihitin ang seruda. Muli akong napabuntong hininga. Ilang sandali lang ay nakarinig ako ng papalapit na yabag mula sa loob na walang dudang kay Tadeo. Mukhang maging siya ay naiinip na rin sa mabagal na pagdating ko.

"Lunch's over, Clementine," bungad niya, kunot ang noo at halatang sira ang mood.

"Ano..." Napakamot ako sa sentido. "May nangyari kasi sa baba. Kailangan kong tumulong kaya hindi ako nakabalik kaagad," paliwanag ko.

Inaasahan ko na magsusungit pa siya at sisinghalan ako. Ngunit imbes na matalim na tingin ay pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ko habang ang mga mata ay kababakasan nang pag-aalala.

"Okay ka lang ba? May nangyari bang hindi maganda?" tanong niya sa mas malumanay ng tono.

Pilit akong ngumiti sa kaniya at nauna na sa pagpasok tulak-tulak ang metal trolley na may lamang pagkain naming dalawa. Inilapag ko ang lahat ng laman no'n sa center table dahil 'yon lang naman ang nag-iisang puwedeng pagkainan sa lugar na 'to.

"Kakain na," sabi ko na hindi siya nililingon.

Narinig ko ang paghakbang niya palapit sa akin at ilang sandali lang ay nakaupo na sa harapan ko. Maging ako ay naupo na rin sa bakanteng single sofa sa harapan niya. Sa pagitan namin ay naroon ang lamesa kung saan nakalagay ang mga pagkain na nakahain.

Tahimik ang naging simula nang tanghalian namin. At hindi ko itatangi na gano'n na lang ang ilang na nararamdaman ko habang kaharap siya. Ni sa hinagap ay hindi ko naisip na may makakasabay ako sa pagkain na maliban sa pamilya ko. At mas lalong hindi ko naisip na magiging si Tadeo ang unang makakasalo ko.

Sa sobrang ilang na nararamdaman, naging maya't maya ang naging pagnanakaw ko ng tingin sa kaniya. Sa sobrang hiyang nararamdaman, hindi ko nagawang enjoy-in ang pagkain ko dahil mas naaagaw ng presensya niya ang atensyon ko. Bagaman seryoso lang siya sa pagkain niya at halos hindi na ako tapunan ng tingin, hindi ko pa rin magawang kumalma.

At dahil sa pagtitig ko sa kaniya ay napansin ko na naman ang pagkain niya gamit lamang ang isang kamay. Ang isa ay nasa arm rest lang ng sofa at paulit-ulit na tumatapik doon.

"Ako na," pag-ako ko nang makitang hirap siyang maghimay ng isda.

Binigyan niya ako ng tipid na ngiti. "Salamat."

Tumikhim ako at kinuha ang pagkakataon para buksan ang paksa tungkol sa mga naging kaganapan kanina sa baba. "Paano kung makita mo ulit ang taong gumawa niyan sa'yo?" mahinang tanong ko, ang paningin ay nakapako sa ulam na hinihimay at inaalisan ng tinik.

A Manacled Patient (Rare Disorder Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon