Chapter 22

1.8K 96 17
                                    

Blood

Kung kailan ako umamin sa sarili ko ng totoo kong nararamdaman ay saka naman naging magulo ang lahat. Imbes na tamis ay nauwi sa pait ang mga araw na lumipas. Pareho kaming may gustong gawin na salungat sa gusto ng isa't isa. Pareho naming gustong pagaanin ang mga bagay ba nakaatang sa balikat ng bawat isa ngunit imbes na kaginhawaan ay mas lalo lamang iyong bumigat.

Hindi ko alam kung bakit parang nananadiya na ang tadhana na hindi ako kailanman sinag-ayunan. O kung talaga bang dumudulas na lang ang pagtatago ni Tadeo nitong mga nakalipas kaya lumalantad na sa akin ang mga bagay na ayaw niyang ipakita noong mga nakalipas na araw.

"Did you cook something for dinner today?" tanong niya mula sa likuran ko gamit ang tonong gamit niya rin noon, malambing at maingat.

Mula sa likod ko ay pumulupot ang isang braso niya sa baywang ko at sinakop iyon ng buo. Ilang sandali lang ay naramdaman ko na ang ulo niyang nakasiksik sa pagitan ng leeg at balikat ko. Sa ganoong puwesto siya nakuntento at pumirmi habang naghihintay na matapos ako.

Ganito ang nakagawian niya sa loob ng apat na araw matapos niyang binitawan ang mga salitang iyon sa harap ko. Walang pagrereklamong tinatanggap iyon dahil sa loob-loob ko ay naroon ang takot na baka bigla na lang siyang mawala.

Gusto kong iparamdam sa kaniya na alam kong may mali. Na sa kabila nang paglilihim niya ay alam kong may plano siyang panigurado ay tututulan ko. Ngunit natatakot ako na kapag ginawa ko iyon ay matutuldukan ang mga bagay na mayroon kami ngayon.

"Nilaga," sagot ko sa tanong niya sa tono na hirap ngunit sinisikap na maging normal.

"Clementine..." paos na sambit niya sa pangalan ko na hindi binibigyan ng pansin ang isinagot ko. "I'm tired," mahina, totoo, at walang bahid ng kahit anong kasinungalingan na sagot niya.

Alam ko na hindi pisikal na aspeto ang tinutukoy niya ngayon. Malinaw na nakukuha ko ang punto niya kahit na hindi buo ang detalye ng mga pahayag niya.

Mabilis na nag-ulap ang paningin ko sa luha na agad pumuno sa mga mata ko. Dati nang mabigat sa dibdib. Noon pa man ay nagdudulot na sa akin ng kirot at sakit. Pero sa mga nagdaan na araw ay mas lalo pa iyong dumoble, naging triple na sa sobrang bigat ay tanging pag-iyak na lang ang nagiging solusyon ko tuwing gabi.

Hindi ko alam kung paano kong nakayanan ang mga nakalipas na araw na pinipilit na lang naming maging normal ang lahat. Ngingiti kahit na mahirap. Aakto na hindi apektado pero ang totoo ay lunod na lunod na sa mga emosyong bumabalot sa aming dalawa.

"Ganito na lang ba kahirap tanggapin ang mga katulad ko?" naghahanap ng kasagutan ang naging tono niya. Takot at walang kinakapitang seguridad kung ang sagot ba na makukuha ay aayon sa kaniya. "Wala na ba kaming lugar sa mundo?"

Pinatay ko ang induction at napayuko nang hindi na napigilan pa ang pagdaloy ng mainit na likido sa magkabilang pisngi ko.

"May lugar ka sa mundong 'to. May halaga ka... may importansya. Kaya huwag mong maliitin ang sarili mo dahil lang may mga nagagawa kang hindi mo naman kailanman ginusto."

"Hindi ko alam. Masyadong magulo ang utak ko ngayon. Hindi ko inaasahan na gano'n ang sasalubong sa akin nang araw na iyon." Humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. "Hindi inakala na tatratuhin nila ako na para bang walang kapatawaran at sinadiya ko ang mga nangyari gayong hindi ko naman iyon intensyon. Ganoon na ba kasama ang nagawa ko? Kailangan ko pa bang manlimos ng kaunting oras para lang maipaliwanag sa kanila ang totoo?"

Hindi ako nakaimik dahil maging ako ay ganoon rin ang iniisip. Kung ako ang ilalagay sa sitwasyon ng mga taong nakikita lang ang produkto ng mga pangyayari sa nakaraan ni Tadeo, ano nga ba ang mararamdaman ko? Kung ni katiting na impormasyon tungkol sa kaniya ay wala akong alam, huhusgahan ko rin ba siya katulad nang pagbato ng masasakit na salita ng mga taong nakasalamuha niya?

A Manacled Patient (Rare Disorder Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon