Hi guys! Medyo matagal po akong nawala sa sirkulasyon, kaya maiintindihan ko kung mababawasan ang aking mga mambabasa. Medyo madami akong pinagdaan nitong mga nakaraang buwan kaya't hindi ko nagawang mag-update. Ngayon, nasa sarili na ulit ako. :-) At bukod sa magiging regular na muli ang aking update, nais ko kayong sabihan lahat na sa March 31, 2015, matatapos na ang Book 2 ng Dayanghirang! Yup, roughly 34 days until the major major ending of the novel you all loved and supported. Salamat for bearing for me with the long hiatus, pero ang maipapangako ko lamang sa iyo ay sinugurado kong sulit ang matagal ninyong paghintay sa akin. Salamat muli!
Oh siya, ito na mag-uupdate na ako. :-)
-Kuya Lawrence
---
Balot na balot ng kadiliman ang buong kapaligiran ng palasyo ng Namayan. Nakakabingi ang katahimikan; kahit ang mabanayad na ihip ng hangin ay hindi nadidinig. Tanging ang mga tibok ng kanilang mga puso ang pumuno sa silid.
“Ito na po ba ang Namayan?” nagtatakang bungad ni Haliya sa kanyang grupo. Kahit saan niya kasi ibaling ang kanyang mga mata ay wala siyang makita kundi kadiliman. Walang-hanggang kadiliman.
Nainis si Venus sa kapaligiran kaya’t napabulalas siya ng pasigaw. “Tama ba ang pinagdalahan sa atin ni Dok? Parang hindi naman yata. Teka, gagawa ako ng apoy para—”
Mabilis na hinablot ni Zenaida ang kamay ni Venus at mabilis na naapula ng matanda ang binubuong apoy ng dalaga. “Mahigpit na pinagbabawal sa Namayan ang liwanag.”
“Bawal makita ng kahit sino man ang sultana. Kamatayan ang naghihintay sa sino mang makakabanaag sa sultana, sinasadya man o hindi.” dagdag naman ni Anastacio sa paliwanag ni Zenaida.
“Bakit lubha nilang kinukubli ang pagkatao ng sultana? May alam ba kayo kung bakit?” nagtatakang tanong naman ni Rosendo sa dalawang matanda. Sa kasamaang palad, hindi alam ng binata kung saan titingin dahil hindi niya makita ang kanyang kapaligiran, ngunit kahit ano pa mang mangyari ay alam na niya kung sino ang dahan-dahang gumagapos sa kanyang kanyang braso. “Vivi, stop clinging on me.”
Natawa naman si Haliya sa ginawa ni Venus kay Rosendo. Pakapa-kapang pinanghanap ng dalaga ang kanyang mga kamay upang matagpuan ang kaibigan. Makalipas ang ilang sandali ay nayapos din niya ang mukha ng kaibigan. “Ikaw talaga, Venus. Kahit kailan, kahit saan, alang-alang sa kalandian, lahat hahamakin mo masunod mo lang.”
“Tsk, kainis ka naman, Iya, moment ko na ‘to eh. Saka ikaw, Rosy ah! Ito na nga ang love-love time natin tinabla mo pa ako!” na sinundan naman ng mabigat na buntong-hininga ni Venus sabay malungkot at mabagal na pagbitaw sa braso ni Rosendo.
“Kailangan na nating magmadali. Magtungo na tayo kay Sultana Bu’an.” pahayag naman ni Lilagretha.
“I hate to break it to you; Rani, pero wala po tayong makita. Paano po tayo makakagulapay sa lugar na ‘to kung wala naman po tayong makita?” buwelta naman ni Venus na may halo pang inis sa kanyang tono.
“Mga bata pa talaga kayo. Gamitin ninyo ang espiritwal ninyong lakas. Halina, hindi na dapat tayo mag-aksaya pa ng oras dito.” tungon naman ni Zenaida na mabilis na naglakad sa kadiliman.
“Halina.” segunda ni Lilagretha. “Hindi din ako mapalagay na mawalay sa Minolo ng matagal. Mas mabilis tayong matatapos sa Namayan, mas mainam para sa ating lahat.”
“Anong ibig sabihin ni Tandang Naida sa paggamit sa espiritwal na lakas namin?” naguguluhang wika ni Haliya na pilit iniisip ang nais ipahiwatig ng matandang babaylan. Sa huli, kamuntikan nang mag-overheat ang kanyang utak sa tindi at lalim ng kanyang pag-iisip. Sa kasamaang palad, wala siyang napalang sagot.
BINABASA MO ANG
ATAS: Ang Misyon ng Dayanghirang
FantasíaTunghayan muli ang ang kuwento nina Haliya, Sidapa, Venus at Rosendo! Maghanda na sa digmaang magpapasya ng kapalaran ng sanlibutan! Mabibigyan na ng katuparan ang napagkasunduan ng mga dakilang Lakan at Lakambini ng Mutya ng Liwanag at Dilim!