Hiya guys! Salamat sa iyong walang sawang suporta sa Dayanghirang! Dahil nakita kong dinagdag mo sa library mo ang Atas, ibinabahagi ko ang kabanatang ito sa iyo, @SinipHayo. Sana maibigan ninyong lahat ang mas tumitindi pang mga kaganapan sa mundo ng Dayanghirang!
- Kuya Lawrence =)
---
Bumagsak ang mga dambuhalang tore ng buhawi mula sa langit na siyang tumapos sa mga buhay ng mga lumilipad na mga manananggal at ek ek sa himpapawid. Sa bawat kumpas ng kamay ni Paros ay sunud-sunod namang binayo ng mga ipo-ipo ang kalangitan na siyang tumulong kina Simeon at kay Selena sa pagbawas ng mga lumulusob na halimaw sa Minolo. Sa kabilang-banda naman ay pinipira-piraso ni bawa gamit ang kanyang matatalas na kuko ang mga aswang sa lupa. Nadudurog ang mga katawan ng mga aswang sa malakas na tilaok na pinakakawalan ng bibig ng higanteng ibon. Mabilis na nalagas ang bilang ng mga kalaban.
“Salamat sa tulong, Paros!” wika ni Simeon sa heneral habang ginagamit niya ang Piedras Platas na kulay kristal upang durugin ng malalakas na hampas ng sanga ng puno sa mga halimaw.
“Madami pa sila, Simeon! Ituon mo muna ang iyong pansin sa ating laban ngayon!” galit namang sambit ni Selena kay Simeon. Masamang tinitigan ni Selena ang mga aswang at sa isang iglap ay bigla silang nakulong sa yelo. Pumitik naman ang babaylan sa kanyang daliri at nabasag ang niyebe kasama na din ang katawan ng mga kalaban.
Pasugod dapat si Paros sa papalapit pang batalyon ng mga aswang ngunit nakadama siya ng kakaibang presensya mula sa malayo. “Si Kasimira…” sambit niya sa kanyang sarili. “Simeon! Selena! Kayo muna ang bahala sa lugar na ito! Tila kailangan ako ni Kasimira!” pahayag niya na maliksing lumipad patungo sa kinaroroonan ni Kasimira.
“Simeon! May masama akong kutob. Masyadong madali ang lahat ng nagaganap sa Minolo.” Bulalas ni Selena matapos niyang magpakawala ng malalaking tipak ng patalim na yelo laban sa mga papalapit na mga aswang. Hindi pa siya nakuntento sa kanyang atake ay humawi pa siya ng malakas gamit ang kanyang kanang kamay na gumawa ng malakas na bugso ng hanging nagtataglay ng mga niyebeng binirada ang mga lumilipad na manananggal at ek ek sa himpapawid na isa-isang bumagsak sa lupa bilang mga malalamig at walang buhay na mga bangkay.
“Selena, batid ko ang pag-aalala mo. Kailangan na lamang nating maniwala na hindi pa ito ang buong puwersang lulusob sa Minolo. Kahit kasama pa natin ang mga heneral ng Kayumanggi ay hindi natin kakayaning pigilan silang lahat. Kailangan natin ang lakas ng dayanghirang.” tugon naman ni Simeon kay Selena.
Magiting na lumaban sina Selena at Simeon upang ipagtanggol ang istasyon nila. Mahalaga ang kanyang lugar sapagkat malapit sila sa tore kung saan naroroon sina Bidasari at Jamil na sa kasalukuyan ay kinukumpuni ang nasirang kurtinang kidlat ng Minolo.
“Sa ngayon ay kailangan nating magapi ang lahat ng halimaw na pumasok sa Minolo. Walang-silbi ang kurtinang kidlat kung nasa loob naman ang ating mga kalaban, Selena.” pahayag ni Simeon habang nagtatapon siya ng mga binhi sa lupa. Sumuntok siya pataas gamit ang kanyang kaliwang kamao at mabilis na tumubo ang mga buto ng halaman. Naging malalaking punong dilaw na may bulaklak na kulay pula ang mga ito na mayroong matatalas na ngipin na kumain sa mga aswang sa paligid. Humahaba at nanghahabol ang mga halamang kumakain sa mga halimaw kaya’t walang kawala ang mga ito mula sa atake ni Simeon.
“Naiintindihan ko, Simeon!” naiinis namang sagot ni Selena sa sinabi ni Simeon. Matapos niyang sigawan ang doktor tinaas niya ang kanyang mga kamay at nag-usal siya ng isang orasyon. “Ikumot sa niyebe ang sanlibutan! Pawalan ang mga mapighating punyal ng kalangitan!”
BINABASA MO ANG
ATAS: Ang Misyon ng Dayanghirang
FantasiTunghayan muli ang ang kuwento nina Haliya, Sidapa, Venus at Rosendo! Maghanda na sa digmaang magpapasya ng kapalaran ng sanlibutan! Mabibigyan na ng katuparan ang napagkasunduan ng mga dakilang Lakan at Lakambini ng Mutya ng Liwanag at Dilim!