Dose: Katapusan ng Sumpa

584 37 17
                                    

Yey! Medyo inspired si Kuya Author kaya napaaga ang aking update. :-) Sana dere-deretso ang momentum ko para everybody happy. :D


Nadagdagan tayo, 23 na likers ni Kuya Author sa kanyang FB Page. Support naman diyan pa-like, hehe. Bukod sa support ninyo iyan ang munting hiling ko mula sa inyong lahat :D


This goes out to @GorgeousJayd, hope you'll like it :)


Oh siya, ito na ang update! Wossh (enter supersonic wind BGM)!



-Kuya Lawrence :)


Napuno ng kakatwang presensya ang silid kung saan ginamit ni Sultana Bu'an ang kanyang kapangyarihan upang iatras ang takbo ng oras sa katawan ni Rani Lilagretha. Umihip ang malamig na hangin sa pisngi ni Lilagretha, at unti-unting nadama ng rani ang malakas at nag-uumapaw na enerhiya sa kanyang katawan.

Sa hindi kalayuan ay nakahanda na si Naida, tangan-tangan sa kanyang mga kamay ang kanyang higanteng palakol. "Anastacio, hindi ko na naman magamit ang kapangyarihan ni Mamiyo. Tanging ang aking palakol ang maari kong mapakinabangan sa labang ito." wika ng matandang babaylan na nakahanda na umatake sa Hantu Ribut ano mang oras na lumabas ito mula sa katawan ni Lilagretha.

"Naida, wala akong kakayahang mag-halmista at wala akong bertud. Magiging mahirap ang laban na ito, lalo pa't walang magiging silbi ang mga atake ni Kidu, na kidlat na elemental, laban sa Hantu Ribut na kuryente ang buong katawan." sagot naman ni Anastacio kay Naida.

Unti-unting napuno ng puti at nagniningning na liwanag si Sultana Bu'an. Umugong sa buong silid ang kanyang boses na nagsasambit ng mga orasyon sa lumang-dila. "Yapirgakim amt pamtih ag pula mt hampiyugam; uukomt amt garyo mt okah ha baomt ragadam!( Baliktarin ang langit at lupa ng sanlibutan; uurong ang takbo ng oras sa yaong katawan!)" sigaw ng sultana sa pagtatapos ng kanyang orasyon.

Biglang lumabas mula sa katawan ni Lilagretha ang isang demonyong yari sa asul na kuryente ang buong katawan; nagtaglay ito ng limang sungay na itim, limang namumula at nanlilisik na mga mata, tatlong itim na bunganga na may mga ngiting singtalas ng mga patalim at dalawang mahabang buntot na yari sa ginto at pilak. Ito ang tunay at ganap na anyo ng Hantu Ribut, ang demonyong lamanlupa na nakulong sa katawan ni Lilagretha sa loob ng labing-limang taon.

Nagwala ang Hantu Ribut at umalingawngaw sa buong silid ang nakakatakot nitong sigaw. Pinaliwanag ng naglalangitngit nitong kuryenteng katawan ang madilim na silid. Nagpakawala ng madaming kidlat mula sa kanyang katawan ang halimaw at kung hindi dahil sa harang na ginawa ni Ba'i Lakapati ay marahil giniba na nito ang mga kisame at pundasyon ng palasyo.

"Laamo manimt papayam amt sapinad ma igo? (Paano naming lalaban ang halimaw na ito?)" bulalas ni Ba'i Lakapati sa lumang-dila dala na din ng gulat at pangamba mula sa lakas na pinamalas ng Hantu Ribut. Hirap na hirap ang Ba'i na panatilihin ang harang na kanyang ginawa na yari sa liwanag at lupa. Kapareho ng suot ni Ba'i Arao at Tala ang kasuotan ni Lakapati, ang pinagkaiba lamang nila ay walang takip na tela ang mukha ng Ba'i at yari sa araw at tala na may walong sinag ang kanyang hikaw. Matangkad at morena si Lakapati, balingkinitan at malayang nakaayos sa kanyang balikat ang maitim at maalon niyang buhok. "Yitbam no la aro mt parah, Batungbayanahin! (Bigyan mo pa ako ng lakas, Batungbayanahin!)" samo ng Ba'i na nagbuhos ng bumabahang espiritwal na enerhiya sa kanyang harang na liwanag at lupa upang mapatatag pa ito ng lubusan laban sa makapangyarihang Hantu Ribut.

ATAS: Ang Misyon ng DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon