Dos: At Dumilim ang Minolo

758 49 9
                                    

Hiya guys! Salamat sa mainit ninyo suporta sa Atas, ang book 2 ng Dayanghirang. I am giving out this update to Edgie, hope you like it. :) Ito na ang hinihintay ng lahat; Minolo War Arc, commencing!

-Kuya Lawrence =)

---   

     Kubli ng mga kakahuyan ang mga nilalang na magdadala ng kaguluhan sa Minolo: sina Caylao Sinagan, Mauricio Acas at Galang Kaluluwa. Bumukod ang Dakilang Kaluluwa sa katauhan ni Urduja, mayroon daw itong pupuntahang ibang lugar at pinaubaya na sa tatlo ang paghatol sa taksil na bansang sumuporta sa dayanghirang.

     Gamit ang kanyang espiritwal na lakas ay natanaw ni Caylao ang kurtinang kidlat ng Minolo. Maliit lamang na babae si Caylao, balingkinitan, morena, maikli ang buhok at matangos ang ilong. Nakasuot ng puti, asul, at berdeng magarbong bestida ang miyembro ng Konseho at may hawak siyang itim na salamin sa kanyang kaliwang kamay. “Mauricio, Galang Kaluluwa, kayo na ang bahalang lumusob sa Minolo. Wawasakin ko ang kurtinang kidlat hanggang sa walang matira sa tanging bagay na nagtatanggol sa bansa ni Lilagretha.” pagtatapos ni Caylao na tinaas ang salaming tangan ng kanyang kamay at nagsambit ng, “Manahan sa aking katawan; gagamitin ka panandalian, Hanan!

     Binulag ng liwanag ang buong kagubatan. Nagningning ang kalangitan at makalipas ang ilang sandali ay umulan ng mala-espadang mga sinag mula sa araw. Unti-unting binasag ni Caylao ang kurtinang kidlat ng Minolo. Makalipas ang ilang sandali ay naging matagumpay ang babaylan ni Hanan at nagawa niyang bumutas ng lagusan papasok ng Minolo. Ito ang pagkakataong hinihintay ng kanyang mga kasama.

     “Sugod aking mga kaperoso’t kaperosa! Parusahan ang mga taksil sa sanlibutang pumanig sa dayanghirang!” sigaw ni Galang Kaluluwa sa kanyang batalyon ng mga kaluluwang sapilitan niyang ginamit bilang mga kawal upang lumusob sa Minolo.

     Nanatiling tahimik si Mauricio na balot ng espiritwal niyang lakas na kulay itim. Nagmistulang balot sa madilim na baluti ang babaylan ni Saragnayan kaya’t hindi makita ang buo niyang katawan. “Mauuna na ako sa loob. Sumunod ka kapag tapos ka na, Caylao.” sambit ni Mauricio na makalipas ang ilang sandali ay biglang naglaho na parang bula sa kagubatan.

***

     “Ang sakit ng buong katawan ko sa paggamit ng temporyal mo ah, Simeon.” reklamo ni Selena habang minamasahe niya ang kanyang mga kalamnan matapos mapadala ang grupo ni Haliya sa Namayan.

     Bago pa man nagawang tumugon ni Simeon sa usal ni Selena ay nayanig ang bubong ng tore. Dinig ang dumadagungdong na pagsabog sa labas ng kaharian. Tila pinauulanan ng malalakas na bala ng kanyon ang mga halaging nagtatanggol sa Minolo. Napaluhod sina Sarry at si Jamil na biglang nakadama ng mahapding pagdaloy sa buo nilang katawan.

     “Prinsesa,prinsepe, anong nangyayari?” nag-aalalang tanong ni Saavedra habang hinahagod nila ang likuran ng dalawa sa pag-asang mapapawi nito ang sakit na nararamdaman ng dalawang Indrapura.

     “Napunit na siya…” daing naman ni Sarry habang nakayakap siya sa buo niyang katawan at napapikit sa sobrang sakit na nararamdaman.

     “Ang kurtinang kidlat, Saavedra… May sumira ng harang…” dagdag naman ni Jamil na pinilit makatayo kahit nanginginig ang kanyang mga tuhod. “Bidasari, tumayo ka. Kailangan nating ibalik ang kurtinang kidlat ng Minolo. Panahon na upang maging ganap ang ating pananagutan sa ating bansa, kapatid ko.” wika pa ng determinadong prinsepe.

     “Ang bilis kumilos ng Konseho.” umpisa ni Simeon matapos niyang maunawaang mabuti ang sitwasyong kanilang kinasasadlakan. “Nasa kani-kanilang mga istasyon na sina Melinda, Paros at Kasimira. Saavedra, tapusin na ninyo ang paglikas sa mga mortal.” pagtatapos niya. Mabilis na tumakbo palabas ng tore si Simeon at dumakot ng madaming binhi mula sa kanyang bulsa. Gamit ang kanyang pulseras na bertud, ang Taphagan, inutusan niya ang mga ito. Nilapit niya ang mga buto sa kanyang labi at binulungan ang mga ito. “Igapos ninyo lahat ng kalaban.” wika niya. Binato niya ang mga ito sa himpapawid at tinangay sila papalayo ng malakas na ihip ng hangin mula sa kalangitan.

ATAS: Ang Misyon ng DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon