Kabanata 17

469 28 4
                                    

Matapos na itakbo si Leonardo ng ama niya patungong ospital kaagad akong sumunod, mabuti na lang ay sinamahan ako ni kuya Ignacio papunta roon. Maging si Esmeralda at si Carol ay dumating din sa ospital pagkatapos ng ilang minuto.

Ang akala ko ay magiging maayos na ang lahat matapos madala ni Leonardo rito ngunit nagkamali ako dahil magmula pa kanina, magda-dalawang oras na rin, hindi pa rin siya nagigising.

Panay ang patahan ng ama ni Leonardo sa asawa nito na magmula pa kanina ay hindi na matigil sa pag-iyak. Naririnig ko ang iyak niya hanggang sa labas ng kwarto ni Leonardo kung na saan ako ngayon at patuloy na iniintindi ang mga nangyayari.

Hindi ko rin maiwasang maiyak matapos kong makita si Leonardo kanina na walang malay habang isinasakay siya ng kaniyang ama sa kanilang kotse. Nababahala ako na baka mayroong masamang mangyari sa kaniya at hindi ko na masabi sa kaniya na pareho ang pintig ng mga puso namin.

Ramdam ko na naman ang unti-unting pamumuo ng mga luha sa mata ko. Kasabay ng pagyuko ko ay ang kamay ni Esmeralda na marahang tinapik ang likuran ng palad ko. Ni hindi ko manlang namalayan na nasa tabi ko na pala siya. "Magiging ayos lang siya." isang tipid na ngiti pa ang pinakawalan niya ngunit hindi ko na nagawang tugunan pa dahil sa labis na lungkot.

Hindi ko nagawang sumagot dahil tuluyan nang pumatak ang mga luha kong kanina ko pa pinipigilan. Saka ko naramdaman si Carol na umupo rin sa tabi ko. Marahan niyang hinagod ang likuran ko, mas lalo tuloy akong naiiyak. "Siguradong maya-maya lang ay magigising na siya. Alam mo bang dalawang beses nang nagawang lampasan ni Leonardo ang mga operasiyon niya. Sigurado akong mas malalampasan niya iyon ngayon lalo na at mas malakas na ang katawan niya ngayon."

Alam ko namang pilit nilang pinapagaan ang loob ko ngunit tila ayaw pa rin tanggapin ng isipan ko ang mga pangyayari. Sa huli ay pinunasan ko na lang ang luha ko at piniling palakasin ang loob. "G-gagaling naman siya 'di ba?"

Parehas silang tumango. "Walang duda. Matapos lang ang operasiyon niya, siguradong gagaling na siya. Ipagdasal na lang natin na kaagad siyang gumaling matapos ang operasiyon," saad pa ni Esmeralda.

Tumango ako.

Parehas kaming napalingon kay Carol nang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Pagkatapos ay pinagtaka ko ang pagtapat ng kamay niya sa dibdib niya. "Pero mawawala na ang dahilan kung bakit parati kong gustong marinig ang tibok ng puso ni Leonardo," saad niya.

Kumuot ang noo ko. Ang ibig niya bang sabihin ay tuluyan niya nang kakalimutan ang nararamdaman niya para kay Leonardo? Naalala ko ngang sinabi niya kanina na gustong-gusto niyang naririnig ang tibok ng puso ni Leonardo. Hindi ko pa rin malaman kung ano ang ibig niyang sabihin.

Gusto ko pa sana siyang tanungin tungkol sa sinabi niya pero sabay-sabay kaming napatingin kay kuya Ignacio nang lumabas siya mula sa kwarto ni Leonardo. "Gising na siya," kaagad niyang bungad.

Kasabay nang pagtayo ko ay ang paglabas ng mga magulang ni Leonardo. Kaagad na ako ang tinignan nila.

Hindi ko maitindihan ang lungkot na naramdaman ko nang lumapit sa akin si Aling Delia, mas lalo ko tuloy nakita ang namumugto niya mga mata. Mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay ko. "Nais ka raw niyang makausap mag-isa."

Tanging tango lang ang isinagot ko saka ko hinawakan ang siradura ng pintuan at pumasok sa loob ng silid ni Leonardo.

Nasilayan ko kaagad ang sitwasiyon niya. Mukha naman siyang malakas pero sa panlabas lang pala iyon. Kaagad ko ring napansin ang dextrose na nakatusok sa kamay niya. Naramdaman ko pa ang saglitang pagtalbong ng puso ko nang magtama ang mga mata namin.

That Summer Day In April 1949 ✔︎Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon