Kabanata 5
Titig
Pinili kong hindi na lang umimik. At iyon ang nangyari hanggang sa hindi ko namalayan ay huling eksaminasyon na namin para sa pasukan.
Ang pagtatapos ng isang baitang ko sa hayskul ay naging mabilis. Hindi tulad nang inaasahan ko na magiging masaya o kaya'y makahahanap ng kaibigan bukod kay Hudson. Hindi ko naman inakala na dahil lang sa isang pangyayari, mababago nito ang takbo ng mga karanasan ko.
"Sabay tayo ha?"
Si Hudson lamang ang nanatili sa tabi ko. Hindi naman na bago 'yon. Pero mas ramdam ko na ito ngayon.
Ni hindi niya nilubayan ang tabi ko. Kahit rin magkaiba ang daan namin pauwi, madalas ay sinasabayan niya ako.
Si Garyo naman ay hindi na sa likod ko nakaupo. Pumasok na lang ako isang araw na wala nang humihingi ng papel sa likod ko. Paglingon ko, nasa kabilang sulok ng silid si Garyo.
Hindi ko na rin 'yon inusisa pa.
Pero paminsan-minsan ay natatanaw ko siyang kasama si Nina.
Hindi naman masakit sa akin 'yon. Hindi rin ako naiinis sa kanila.
Nahihiya ako.
Sana nakinig nalang ako kay Mama.
Naririnig ko palang ang mahinang bulungan ay naiisip ko na agad ang nangyari noong araw ng mga puso.
Alam ko man na hindi totoo ang mga sinasabi nila, nawalan ako nang lakas para itama pa 'yon.
Dahil sa pag-iisip ko ng mga gano'n, minsan naiisip ko na rin, na totoo... na may inagaw nga ako.
"Hindi naman na kailangan," lingon ko kay Hudson na nagwawalis.
"Ayoko pa umuwi!"
"Sus! Alam kong may hinihintay ka! Puwede mo na akong iwanan sabi 'e."
"Wala nga 'yon, Sora!" Umirap siya kaya natawa ako.
Ilang beses pa kaming nagpilitan at siya ang nanalo. Ngayon, tanaw na namin ang dagat. Isang liko lang sana ay makakauwi na si Hudson pero eto siya at sinasabayan ako sa lakad.
Minsan na kasing nakita niyang nakaabang si Nina at ang kanyang mga kaibigan. Simula noon ay lagi na niya akong sinasamahan.
Alam kong gusto niyang magtanong. Pero alam ko ring ayaw niyang ungkatin. Pero kung magtatanong siya, hindi ako magdadalawang-isip na ikuwento.
Nagpapasalamat lang ako dahil hindi niya ako iniwan kahit hindi niya alam ang buong kuwento.
Ang sabi-sabi ay matagal nang nililigawan ni Garyo si Nina. Noong Nobyembre o Setyembre pa. Pero dahil daw sulutera ako, inagaw ko raw. Iyon ang dahilan kung bakit daw kami ni Garyo ang nagkasama noong mga nakaraang buwan.
Pero dahil mahal na mahal daw ni Garyo si Nina, nagpanggap si Garyo bilang kaibigan ko para hindi ko sila guluhin.
At sa huli, naniwala naman daw ako.
Hindi ko alam anong pinagbabasa nila at umabot sa napakawalang-kuwenta ang kuwento.
Nagustuhan ko lang naman. Iyon lang 'yon. Wala akong alam na mayroon siyang nililigawan. At sa huling pagkakaalam ko, dalawang linggo lang naman niya niligawan si Nina.
Dapat ay tumambay na lang sila sa silid-aklatan kasama si Ma'am Salome at baka gumanda pa ang pagkakahanay ng mga pangyayari.
Pero iyon ang mahirap sa tsismis. Hindi natatapos. Nababawasan at nadadagdagan lang. Isang araw, naririnig ko nalang ang isang kuwento na hindi ko alam ay tungkol pala sa'kin.