Kabanata 18
Selos
"Akala ko ba," napalabi siya bago nagpatuloy, "ako ang gusto mo?"
Napaawang ang labi ko. "S-Saan mo naman nalaman 'yan?" Pagak kong tanong at bahagya pa akong tumawa nang hilaw.
"Hindi na 'yon importante."
Tumawa ulit ako at iniwas ang tingin. Tinignan ko sila Garyo na naliligo. Malaman ko lang talaga na si Garyo ang nagsabi!
Pero ano naman ngayon? I liked him! Totoo naman 'yon.
"Outdated na 'yang nalalaman mo. Matagal na 'yon, high school pa ako. Uso naman ang crush dati." Pag-amin ko.
Ngumisi siya dahil sa turan ko. Agad ko namang dinagdagan ang sinabi ko. "At nagustuhan ko rin naman si Garyo dati. Tignan mo, nawala rin pagkatapos ng ilang linggo..."
Nawala ang ngisi niya. "Tss." Lumapit siya sa akin at umupo sa tabi ko.
"E, ako? Ilang linggo mo akong nagustuhan?"
Nakagat ko ang labi ko. Bakit ba ganito ang usapan? At hindi lang linggo, Dolfo! Taon!
"Hindi ko na maalala. Matagal na 'yon." Pirmi kong saad.
Hindi siya umimik at nagpunas lamang ng katawan gamit ang tuwalya ko. Kinuha ko ang librong bigay ni Kristoff at nagkunwaring babasahin ang mga unang pahina. Ngayon lamang ako ulit naging aligaga sa presensiya niya.
"Kaya ba pumayag kang magpaligaw?"
Nilingon ko siya at isinara ang pahina ng libro. "Hindi ako pumayag. Sadyang makulit lang siya."
Medyo natahimik siya. "Bukod sa kanya, may kailangan pa ba akong ilagay sa listahan?"
"Listahan?"
"Listahan ng mga manliligaw mo."
Umirap ako. Kunwari ay naiinis pero sana pala ay sumama na lang ako kila Shiela na lumalangoy ngayon! "Wala. Sabi ko naman sa'yo, siya lang ang nanliligaw."
"Hindi ko alam kung matutuwa akong isa lang ang nanliligaw sa'yo o maiinis dahil mas malaki ang tsansang maging kayo."
"Wala naman akong planong sagutin," pabulong kong sabi. Anong ibig niyang sabihin? Mas maganda kung maraming nanliligaw? Maaari ba 'yon? Sabay-sabay akong ligawan?
"May nararamdaman ka ba para sa kanya?" Usad niya pagkaraan ng ilang sandali.
"Bukod sa pagkakaibigan, wala."
"E, sa'kin?"
Tumitig ako sa kanya. "Mahirap kang gustuhin. Ang labo mo."
Nawala ang ngisi sa labi niya. "Ano?"
Hindi na lang ako sumagot muli lalo na't palapit na sila Shiela at mukhang magpapahinga na mula sa kalalangoy.
"Soraya," tawag sa akin ni Dolfo pero hindi ko siya pinansin at binalingan si Shiela.
"Malamig ba ang tubig? Parang gusto ko na ring maligo." Para makaiwas ako sa mga tanungan ni Dolfo. Ngayon na nga lang kami muling nagkita tapos napaamin pa ako ng wala sa oras!
Hindi pa man nakakasagot si Shiela ay tinanggal ko na ang suot na bestida at lakad-takbong lumusong sa dagat.
Nanatili ako roon at paminsan-minsang sinisilip kung nasaan si Dolfo. At lagi ring nagtatama ang tingin namin kahit na ang layo ko na sa kanya.
Hindi na ulit kami nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap. Inabala ko ang sarili sa pakikipag-usap kay Hudson.
Akala ko ay ilang buwan ulit bago kami muling mag-uusap o magkikita. Pero nagulat ako noong sumunod na Linggo ay nasa labas na ng gate namin si Dolfo.