Kabanata 19
Pangako
Buong linggo ay pinagsisihan ko kung anong pinagsasabi ko noong Lunes ng gabi.
Ano bang pumasok sa isipan ko para aminin 'yon?
Ang buong akala ko ay magiging abala siya sa mga susunod na araw. Pero... hindi ko naman inaasahan na makikita ko pa rin siya sa mga susunod na Linggo dahil sa liga!
"Soraya!"
Kahit nakapikit ako ay kilala ko na ang boses niya. Nilingon ko siya.
"Dolfo."
Ngumiti siya at lumapit pa sa akin.
"Sabi ni Garyo hinahanap mo ako kahapon?"
Araw-araw naman kitang hinahanap. Bulong ng isip ko.
"Hindi. Nagtanong lang ako kung kasama ka sa liga."
"Manonood ka?"
"Hindi."
"Eh bakit ganyan ang gayak mo?"
Tinignan ko ang suot kong bestida. Ganito naman ang madalas kong suotin tuwing Linggo. Hindi niya ba 'yon napapansin?
"Nagbalik lang ako ng libro." Iniwas ko ang tingin sa kanya.
Hindi ba siya... naaasiwa?
"Sige, mauna na ako." Mahina kong turan.
"Maglalakad ka?" Tanong niya. "Nasaan ang bisikleta mo?"
"Gusto kong maglakad pauwi ngayon."
"Ihahatid na lang kita." Tinuro niya ang traysikel.
"Sige."
Nakagat ko ang labi ko. Bakit ba kusang sumasagot ang bibig ko?! Ni hindi ko inisip ang sinabi ko!
Ngumisi siya kaya nag-iwas ako ng tingin.
Lihim akong ngumiti at sumakay sa traysikel niya.
"Oh? Bakit d'yan ka sa loob? Dito ka sa tabi ko! Dito ka naman lagi ah."
"Hahanginin ang bestida ko."
"Nakatagilid ka naman. At kailan ka pa umupo d'yan sa loob?"
Naiinis akong lumabas at pumunta sa likod niya. Umusbong ang ingay ng makina ng traysikel.
"Pero bago kita i-uwi, may pupuntahan tayo. Mukhang nakalimutan mo kung anong araw ngayon?"
Linggo. Sa lahat ng araw, ito ang pinaka-inaabangan ko. Kaya bakit ko iyon makalilimutan? Akala ko ay siya ang nakalimot!
Nakarating kami at agad niyang itinigil ang traysikel sa karaniwang espasyo.
Umakyat ako ng traysikel at umupo sa taas. Nanatili siya sa baba.
Hindi tulad dati, tahimik kami ngayon. Ayokong magsalita dahil hindi ko pa rin nakalilimutan ang sinabi ko noong nakaraang linggo.
Bakit... umaakto siyang parang wala akong sinabi?
"Malapit ka nang magtapos. Anong plano mo?"
"Huh?"
Naputol ang pag-iisip ko.
"Kapag nakapagtapos ka, anong plano mo?"
Tinignan ko siya.
"Pupunta sa siyudad. Doon ako maghahanap ng trabaho."
"Ayaw mo ba sa bayan? Mayroon namang eskuwelahan doon."
Umiling ako.
Tiningala niya ako at sumilay ang ngiti. "Sigurado akong matutupad 'yan. Kung gusto mo, samahan pa kita."