Kabanata 7
Gusto
"Sora!" Agad na dumalo sa'kin si Cherry at ang referee. Saglit na nag timeout at tinulungan ako ni Cherry tumayo para i-upo sa isang bench.
"Bwiset! Nanadya 'yon!" Singhal niya. "Mamamaga 'yan," sipat niya sa paa ko. "Masakit ba?"
Tumango ako. Iginalaw niya nang konti 'yon at napaigik ako. "M-Masakit, Cherry."
Hindi niya ako pinansin at muli niyang ginalaw. Buti na lamang at tinawag na siya dahil magsisimula na ulit.
"Huwag kang gagalaw muna masyado." Bumalik na siya sa laro at inikot ko naman ang tingin. Hindi ko na makita kung nasaan si Ate Mara.
Siguro umalis na kasama si Dolfo.
"Dapat tanggalin mo 'tong sapatos." Lumuhod si Garyo sa harap ko at dahan-dahang tinanggal ang sapatos ko. "Sorry," aniya at tumingin sa'kin.
"Si Sheena na naman." Dumilim ang tingin niya at binalingan si Sheena na naglalaro. "Anong sinabi niya?" Aniya at inikot ang paa ko.
"A-Aray!"
"Shit. Sorry," ngiwi niya.
Tinanggal niya ang isa ko pang sapatos. "Anong sinabi niya?"
Umiling ako.
Inikot niya ang paa ko. "Garyo!"
"Ano nga?"
"Rebound mo raw ako, okay? Pero huwag ka mag-aalala. Sinabi kong wala akong pakialam." Ngisi ko.
Sinipat niya 'ko ng tingin. "Hindi mo man lang itinanggi!"
"Bakit? Pakialam ko ba? Iyon na ang nasa utak niya. E 'di paniwalaan niya!"
"Alam mong hindi 'yon totoo."
"Alam ko."
Inirapan niya ako at marahang hinilot ang paa ko. Tinignan ko ang court at nakitang nakatingin si Sheena sa'min.
Tinignan ko si Garyo na nakapokus sa paghilot ng paa ko. Mahaba na ang kanyang buhok. Tamang kapal ng kilay. Tamang tangos ng ilong at ang perpektong pagkakahulma ng labi.
Inangat niya ang tingin at nadatnan niya ako sa ganoong posisyon. Ngumisi siyang muli. "Gusto mo na ulit ako?"
"I'd rather not."
Tumaas ang sulok ng kanyang labi.
"Huwag mo masyadong galawin." Ani Dolfo na may hawak na yelo. Hinanap ko si Ate Mara sa likod niya pero wala siya roon.
Kinuha ni Garyo 'yung ice at isiniksik sa medyas ko.
"Okay ka lang?" Tinignan niya ako gamit ang mapanuring mata.
Marahan ang tumango. "Nasa'n si... Ate Mara? Mukhang nasiko ko yata?"
Umiling siya. "Nasa canteen." Tinignan niya ang suot kong jersey, "e 'yang bewang mo?"
"Huh? Masakit din bewang mo? Sa'n tumama?" Tanong ni Garyo.
Hinawakan ko ang bewang at marahang pinisil. Masakit nga. "Okay lang."
"Bilisan mo na d'yan, Garyo. Susunod na kayo," inginuso ni Dolfo ang natitirang oras para sa laro. Tinignan ko ang mga kaklase ko at wala na sila ro'n. Marahil ay nag wa-warm up na.
Inilayo ko nalang ang paa ko at naintindihan naman 'yon ni Garyo. Ginulo niya muna ang buhok ko bago nagpaalam.
Nanatili naman si Dolfo sa tabi ko at wala akong balak na kausapin siya. Wala naman kaming pag-uusapan.