Kabanata 6

23 4 0
                                    

Kabanata 6
Foul


Parang walang nangyari noong sumunod na pasukan. Humingi sa'kin ng paumanhin si Garyo noong kaarawan ko noong bakasyon. Simula no'n, kinalimutan ko nalang ang ginawa niya.

Wala naman siyang ginawa...

Iyon nga! Wala man lang siyang ginawa para ipagtanggol man lang ako. Kahit konti. Pati si Dolfo na akala kong isa sa mga magtatanggol sa'kin. Nawala sila na parang bula.

Pero... naisip ko. Hindi naman nila 'yon trabaho. At hindi naman na importante 'yon. Sa pakiramdam ko nga, ang tanggal nang nangyari no'n.

Kahit na pinag-uusapan pa rin ako, lalo na ngayon na magkasama ulit kami ni Garyo at Hudson sa eskuwelahan, 'di ko nalang pinapansin. Lumipat pa ng eskuwelahan ni Nina, mas lalo tuloy dumami ang haka-haka tungkol sa ugnayan namin.

Hindi ko alam na gano'n pala sila ka-interesado sa buhay ko. Wala naman nangahas magtanong. Gumagawa lang sila ng sariling kuwento na walang katotohanan. Pinababayaan ko nalang. Basta ba hindi nila ako sasaktan.

"Sa Linggo nalang natin gawin. Sa ilog," pauna ni Garyo.

"Lalakarin lang naman mula sa bahay namin. Sige..."

"Sunduin ka na namin ni Hudson do'n."

"Hmmm. Anong oras?"

"Mga alas-dos. Okay na ba 'yon?"

Tumango ako. "Sasama ba si Dolfo?" Tanong ko naman.

Tinignan ako ng matiim ni Garyo. Sumimangot naman ako.

"Sasama ba si Kuya Dolfo?" Pag-ulit ko.

"Siguro," hindi niya siguradong tanong.

Tinignan ko ang field na puno ng mga estudyante. Umalis saglit si Hudson para bumili ng biskwit at kendi ko. Nakaupo kami ngayon sa damuhan.

"Sa tingin mo... sila na ni Ate Sofia?"

"Si Sofia? Bakit naman?"

"Nakita ko sila kailan lang. Sabay kumakain ng lunch."

"Sus! Kumakain lang pala! Sabay rin naman tayong kumain ah. Hindi naman tayo!" Tawa niya.

"Kilala ko ang kuya mo! Kala mo kung sinong pogi... mas pogi ka do'n," irap ko. Agad siyang sumang-ayon kaya agad kong binawi 'yon. "Mas pogi pala si papa niyo."

Nanlaki ang mata ni Garyo na tumingin sa'kin.

"Ayaw kitang maging mama!" Bulalas niya.

Kunot-noo ko siyang tinignan. Mama? Huh?

Pero agad nanlaki ang mga mata ko noong napagtanto ko ang ibig niyang sabihin.

"Yuck! Gaston Raio! Yuck!" Kinamot ko ang leeg ko at sinipa siya. "Dugyot ka! Paano mo naisip 'yon!"

"J-Joke lang!" Sinipa ko siyang muli. "Aray, Soraya! Isa!"

"Dalawa!" Sigaw ko pabalik at sinipa siyang muli.

Nasa ganoon kaming sitwasyon noong dumating si Hudson.

"Hanggang dito ba naman para kayong aso't-pusa."

Kasama si Dolfo.

Tumayo ako at agad na nagsumbong kay Dolfo. "Pagsabihan mo nga si Garyo! Gawin ba naman akong mama niyo!"

Hindi naintindihan ni Dolfo ang turan ko. Bahagya pang kumunot ang noo niya. Pero bago pa man siya makapagsalita ay inakbayan na ako ni Garyo at ginulo ang buhok ko.

River Over OceansTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon