Pag-uwi namin ni Mama sa bahay ay ginamot niya ulit ang sugat ko. Hindi na kasing sakit kanina dahil nalinis na naman ni Kuya Jace. Akala pa ni Mama ay nasugatan ako dahil hindi ako binabantayan ni Tito Mau habang naglalaro. Kaya ako na mismo ang nag-kwento sa kanya.
"Maggy, mag-iingat ka kasi sa paglalaro. Nasugatan ka tuloy.." sabi ni Mama habang binibigyan ng betadine ang sugat ko.
"Sorry po Mama..." ngumiti lang siya sa akin.
"Ingatan mo ang sarili mo, Maggy. Hindi sa lahat ng oras ay mababantayan ka namin ng Tito Mau mo"
"Opo Mama..." hindi na ako sinermunan pa ni Mama. Pinatulog niya na ako pagkatapos at maagang ginising. Ang sabi ni Mama ay may trabaho na daw siyang bago. Umalis siya sa dati dahil masyado daw malayo at kung magpapatuloy ay hindi siya agad makakauwi.
"Mama tumawag na po ba si Papa sayo? Miss ko na po siya" tanong ko habang kumakain kami ng agahan.
"Ah....anak kasi ang Papa mo busy sa trabaho kaya hindi siya makatawag. Pero sigurado akong miss na miss ka na rin niya"
"Sana naman po okay lang siya doon. Bakit ba kasi hindi nalang tayo sumama sa kanya doon, Mama? Para magkakasama na tayo nina Lolo at Lola. Miss ko na rin sila"
"Maiintindihan mo rin balang araw Maggy. Kapag malaki ka na dadalhin ka ng Lolo at Lola mo doon..." at ngumiti siya sa akin.
"Kasama ka di ba Mama?" hindi na siya sumagot at nagpatuloy nalang siya sa pagkain. Hinatid na ako ni Mama sa daycare center. Nang makita niya na akong pumasok ay saka lang siya umalis. Nadatnan kong nakaupo sa upuan ko si Cede. Napatayo siya ng makita ako. Kumaway ako sa kanya at ngumiti.
"Ang aga mo ngayon!" sabi ko sa kanya.
"Sinabay na ako ni Kuya dahil umalis sila Mama at Papa para sunduin si Ate..." nagulat ako ng malamang may Ate pa pala siya. Akala ko ay silang dalawa lang ni Kuya Jace.
"May Ate ka?" tanong ko sa kanya habang linalapag ang bag ko.
"Oo...She's studying abroad. Umuwi lang para magbakasyon. I'll bring you to our house if you want to meet her so I can give you chocolates too!" sabi niya sa akin. Gusto ko ng chocolates! Pero ayokong masira ang ngipin ko.
"Kung papayag si Mama" sabi ko sa kanya.
"I'll ask my Mama na ipagpaalam ka niya na pumunta sa amin" ngumiti siya sa akin. Papayag kaya si Mama? Maya-maya pa ay dumating na si Teacher Emy. PE Day namin ngayon kaya pinagpila niya kami ng by height at lumabas kami. Dinala niya kami sa open area. Dahil maaga pa ay hindi pa masyadong mainit.
"Mag-stretching muna tayo mga bata. Gayahin niyo si Teacher okay ba 'yon?" sabi ni Teacher Emy sa amin.
"Opo Teacher!" sabay-sabay naming sabi. Ngumiti si Teacher Emy at nagsimula na siyang ipakita ang mga galaw na gagayahin namin. Iba-iba ang ginawa namin na stretching. Pagkatapos ay tumakbo kami paikot sa lugar ng daycare center ng dalawang beses. Nang matapos kami ay nagpahinga muna saglit. Naupo ako sa damuhan at dala ni Cede ang water bottle ko. Iniabot niya iyon sa akin. Ngumiti ako sa kanya.
"Ano kayang gagawin natin pagkatapos?" tanong ko sa kanya.
"Siguro ay maglalaro? Pero hindi sa playground" tumango lamang ako sa kanya. Ako na ang nagdala ng water bottle ko sa loob para ilagay iyon sa bag. Pagbalik ko ay nakapila na ulit sila. Pumila na rin ako. Naglaro kami ng Simon Says. Pagkatapos ay mga larong pinoy gaya ng piko, patintero at tumbang preso. Masaya kaming lahat sa paglalaro. Nang matapos ay pagod na pagod kami.
Pumasok na kami sa loob ng classroom at masaya si Teacher Emy dahil naging active kami sa mga activities. Nagpaalam na siya sa amin at pinayagan na kaming umuwi. Paglabas namin ni Cede ay napatakbo siya sa isang babae. Ang Ate niya siguro iyon. Yumakap siya sa kanya at nakangiti ang babae. Pinagmasdan ko silang dalawa ngunit hindi maalis ang titig ko sa Ate niya. Maganda ang ate niya at maputi din ito. Napatingin ang Ate niya sa akin kaya natigil sila sa pagyayakapan. Napalingon naman si Cede at ngumiti siya sa akin. Lumapit siya at hinila ako papunta sa Ate niya.
BINABASA MO ANG
After The Sunset
RomanceElementos Series #1 Maeve Gabriella Valderrama was always defeated by the charming Jack Evander de Silva. She was always the second best while He was always the first. From being classmates in kindergarten to being groupmates in a particular competi...