Mabilis akong tumakbo papunta sa comfort room ng building namin. Mabuti na lang at kalagitnaan ng klase kaya walang magtataka kapag may nakakita sa itsura ko ngayon. Pinaghalong sakit, selos at sama ng loob ang nararamdaman ko ngayon habang nanghihina ang mga daliring binuksan ang pinto papasok sa banyo.
Mabibilis ang hiningang pinakawalan ko at kaagad na itinuon ang dalawang kamay sa lababo saka tumingin sa salamin. Tinitigan ko ang sarili ko na hindi ko na makilala ngayon.
"Bakit bigla kang naging ganiyan? Hindi ka naman ganiyan kahina dati ah?" naluluhang ani ko sa sarili. Ihinilamos ko ang palad sa mukha upang dayain ang pagbabadya ng luha. "Hindi ka iiyak para lang sa isang lalaki!" mariing ani ko sa sarili.
Kahit kailan ay hindi ko iniyakan ang mga lalaking nakarelasyon ko noon. Wala akong pakialam kung makipaghiwalay sila sa akin. Wala akong pakialam kung mambabae o magloko sila habang kami pa. Wala akong pakialam kung anong gusto nilang gawin dahil hindi naman ako apektado. Hindi ko naman sila totoong nagustuhan.
Ipinangako ko sa sarili ko na hindi ako magseseryoso dahil ayaw kong masaktan. Ayaw kong matulad sa ibang babae na nasira ang buhay dahil sa pag-ibig. Ayaw kong matulad sa kanila na magdamag na umiiyak dahil inayawan sila ng taong gusto nila. Wala akong balak na maging kaawa-awang kagaya nila.
Kaya hindi ko sineseryoso ang mga relasyon ko noon dahil ayokong masaktan.
Pero bakit ngayon... hindi naman kami ni Ibarra ah? Wala naman kaming relasyon. Kaya bakit ganito ang nararamdaman ko?
Napatingin ako sa may gawing pintuan nang biglang bumukas ang pinto. Ang akala ko ay mga estudyante lamang ito na gagamit ng banyo. Nagulat na lamang ako nang makita na si Andres pala ang taong pumasok. Ikinandado niya ang pinto bago humakbang palapit sa akin.
"A-anong ginagawa mo rito?" nanghihinang anas ko. Bumakas naman ang matinding pag-aalala sa mukha niya nang makita ang mata ko na pinangingiliran na ng luha.
"Ysabella-
"Lumabas ka na! Bigyan mo muna ako ng oras, hayaan mo na ako rito."pagmamakaawa ko sa kaniya. Ayoko muna ng kasama. Mawawala rin naman itong sama ng loob na nararamdaman ko ngayon. Paniguradong hindi ito magtatagal. Kayang-kaya ko ito, kailangan ko lang ng oras.
Imbes na lumabas ay humakbang pa siya at mas lalong lumapit sa akin. Napalitan ng kaseryosohan ang ekspresyon niya habang mariing nakatingin sa mukha ko.
"L-lumabas ka na muna please-
Nagulat na lang ako nang bigla niya akong yakapin at ikulong sa bisig niya. Isinandal niya ang ulo ko sa dibdib niya at saka marahang hinaplos ang buhok ko.
Natulala ako saglit, ramdam ko ang pamumuo ng luha sa mata ko. Nanlabo ang paningin ko at nang hindi ko na makayanan, tuluyan na akong napaiyak ng wala sa oras.
"Shh..." pang-aalu niya sa akin. Mas lalo akong napaiyak sa matinding sama ng loob.
"A-ang sabi niya gusto niya raw ako. B-bakit ngayon may iba na siyang nililigawan?" umiiyak na ani ko. Tandang-tanda ko pa ang pag-amin niya sa akin noong gabing iyon. Kahit kailan ay hindi ko iyon nagawang makalimutan. Marami ng mga lalaki ang nagsabi sa akin na gusto nila ako pero ang mga sinabi niya ang pinakatumatak sa akin. Simpleng mga salita lang naman iyon.
'Ysabella... gusto kita.'
Pero bakit hindi ko magawang balewalain? Bakit hindi ko magawang makalimutan? Bakit umaasa ako na sana hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang nararamdaman niya para sa akin?
"S-sinungaling talaga iyang kaibigan mo. Puro lang satsat, wala naman palang isang salita."
Hinawakan niya ako sa balikat at tinitigan ako sa mukha. Bakas ang lungkot sa mukha niya habang pinagmamasdan akong umiyak para sa ibang tao.
BINABASA MO ANG
I Like Him
Teen FictionBOOK 2 'Hihintayin kita hanggang sa dumating na ang tamang oras para sa ating dalawa.' Date started : June 3, 2021 Date finished : August 10, 2021