Naluluha ako nang hilahin ako ni Sam palabas ng classroom. Nakadagdag na rin siguro ang sama ng pakiramdam ko kaya ganito ako ngayon. Mas lalo pang nadagdagan ng sama ng loob ang pakiramdam ko dahil kay Ibarra. Siya na lang palagi ang nasa isip ko. Siya na lang palagi ang gusto kong makasama. Siya na lang palagi ang gusto kong makita.
Pero hindi ko naisip na marami na nga palang nagbago sa kaniya simula nang bumalik siya. Hindi naman talaga niya ako priority noon pa man. Wala siyang responsibilidad sa akin. Pero at least, walang hadlang sa tuwing magkasama kami noon. Hindi katulad ngayon. Palagi na lang may nakaharang. Palaging hindi pwede.
"Ysabella!"
Boses ni Ibarra ang narinig ko sa likod namin. Tumigil si Sam sa paghila sa akin at lumingon. Naroon pa rin ang inis sa mukha niya. Nakita ko rin ang mga kaibigan naming nagsilabasan at humabol sa amin.
"Mag-usap tayo..." parang dinudurog ang puso ko sa tono ng boses niya. Pero imbes na lumapit, tumitig lang ako at hindi nagsalita. "Mag-usap tayo." pag-uulit pa niya. Nasa likod niya si Kate na palaging nakasunod sa kaniya. Masama ang tingin nito sa amin.
"Huwag na lang, Ibarra. Saka ka gaganiyan kung kailan sinaktan mo na ang kaibigan ko? Huwag na lang dahil baka paghintayin mo na naman ng matagal ito tapos sa iba ka rin naman pala pupunta!" pagalit na saad sa kaniya ni Sam.
Nakita ko naman ang pagmamakaawa sa mata ni Ibarra habang nakatingin sa akin. Naninikip ang dibdib ko, nagagalit... pero hindi ko pa rin maiwasang hindi maawa para sa kaniya. Hindi ko pa rin maiwasang mag-alala sa mararamdaman niya dahil sa mga sinasabi sa kaniya ni Sam.
"Kailangan kong ihatid pauwi si Kate no'n! Babalikan ko rin naman si Ysabella kung hindi lang-
"Oh edi diyan ka na lang kay Kate. Akala ko ba nagliligawan na kayong dalawa? Unahin mo na siya palagi dahil iyan naman talaga palagi ang ginagawa mo. Hindi na ako magtataka na hinayaan mong maligo sa ulan itong kaibigan ko kahapon."
Nakita ko ang pagtatangis ng bagang ni Ibarra. Mukhang hindi siya natuwa sa sinabi ni Sam. Kita ko ang matinding frustration sa mukha niya.
"Bakit kung magsalita ka, parang may pananagutan ako kay Ysabella?" bumaling siya sa akin. Natigilan ako sa sinabi niya at natulala. "Wala naman 'di ba? Bakit ako lang ang may kasalanan dito? Hindi ba't kaibigan din naman kayo? Kung sisihin niyo ako para bang kasintahan ko siya at hindi ko nagampanan ng maayos ang tungkulin ko sa kaniya." pinasadahan niya ng dila ang labi at nanatiling nakatingin sa akin. Ako naman ay nakatulala lang din sa kaniya. "Magkaibigan lang naman tayo 'di ba?" nakangising tanong niya sa akin.
Para akong nabingi. Ang sakit na nararamdaman ko ay mas lalo pang nadoble. Alam ko, wala naman talaga siyang pananagutan sa akin. Wala siyang responsibilidad sa akin. Magkaibigan nga lang talaga kami. Pero bakit kailangang ganiyan ang tono na gamitin niya? Na para bang wala na siyang pakialam sa nangyari kahapon. Na parang wala na siyang pakialam sa nararamdaman ko?
Nanatili akong nakatulala sa kanila. Hindi nagtagal, narinig ko na lang ang gulat na sigaw ni Kate. Doon ko tuluyang nakita ang pagsuntok ni Andres kay Ibarra. Natumba ang isa sa lupa. Ang isa naman ay nanatiling nakatayo at mabilis ang pinapakawalang hininga. Nakakuyom ang mga kamao at galit na nakatingin kay Ibarra. Mabilis na lumapit sina Antonio para umawat. Tinulungan naman ni Gregorio na makatayo si Ibarra.
"Ano ba! Bakit kailangan niyong mag-away? Mag-sorry ang may kasalanan at mag-usap ng maayos, hindi iyong nagsasampalan at nagsusuntukan kayo!" pagalit na anas ni Miguel sa aming lahat. Ngayon ko lang siya nakita na ganito kaseryoso. Mataman niyang tiningnan ang dalawang lalaki na para bang sinasabi na wala na siyang balak na makasaksi pa ng panibagong suntukan.
Natahimik saglit ang lahat. Puro masasamang tinginan lamang ang nagiging tugon ng bawat isa. Marahas na nagpunas ng labi si Ibarra at galit na tinitigan ang sumuntok sa kaniya. Ganoon din naman ang tingin na ibinibigay sa kaniya ni Andres.
BINABASA MO ANG
I Like Him
Teen FictionBOOK 2 'Hihintayin kita hanggang sa dumating na ang tamang oras para sa ating dalawa.' Date started : June 3, 2021 Date finished : August 10, 2021