Chapter 20

153 15 0
                                    

Humarap ako sa salamin at tinitigan ang sarili ko. Nang makitang walang pagbabago matapos kong maligo ng maligamgam na tubig kanina, mabilis kong kinuha ang liptint na regalo sa akin ni Sam at naglagay nito sa aking labi. Nilagyan ko rin ng kaunti ang pisngi ko para mabawasan ang pamumutla nito.

Ngumiti ako sa salamin na parang walang nangyari. Na parang hindi ako unti-unting kinakain ng sakit at matinding sama ng loob. Mahina kong kinusot ang mata at inayos ang pagkakasuklay ng aking buhok.

Pagkatapos ay naging matamlay ang pagbaba ko ng hagdan upang daluhan sina Lola na kumakain na ng almusal.

"Ysabella, kumain ka na rito." saad ni Lola nang makita ako. Kaagad akong nagtungo papunta sa lamesa at umupo sa tabi nina Pia. Nakasuot na ng uniform  ang babae kong kapatid ngayon. Dahil panghapon ang pasok ni Cye sa kindergarten, ipinapakisuyo na lamang  ito ni Lola sa kapitbahay naming kaklase ni Cye.

"Ate, bakit ka ginabi ng uwi kagabi? 'Di ba sabi mo tutulungan mo ako sa assignment?" bulong sa akin ni Pia sa aking tabi.

Bumaling ako sa kaniya at nag-isip ng idadahilan.

"Maulan kasi kahapon kaya nakisilong muna ako sa bahay ng kaklase." pangangatwiran ko. Ito rin ang ibinigay kong rason kay Lola kahapon.

"Nakisilong? Eh bakit basang-basa ka ng ulan kahapon?" takang tanong naman niya sa akin.

Umiwas ako ng tingin at napalunok.

"Naabutan kasi kami ng ulan sa paglalakad kaya ayon."

"Hinatid ka ba ni Kuya Ibarra?"

"Oo, h-hinatid niya ako." pagsisinungaling ko. Kagaya dati ay madalas pa rin nila sa aking hanapin si Ibarra. Anila'y hindi na ito bumibisita sa bahay katulad dati. Hindi na rin nakikipaglaro pa sa kanila. Sinasabi ko na lang na busy ang tao.

Ayaw ko ring siraan si Ibarra sa kanila. Masyadong mataas ang tingin nila sa lalaki at ayokong basagin iyon sa isang iglap lang.

"Kayo na bang dalawa ni Kuya Ibarra? Kasi alam mo ate... gustong-gusto ko talaga siyang maging kuya! Kaya kapag ikinasal na kayo-

"Kumain ka na, hindi pa nangangalahati ang pagkain mo." pagputol ko sa kaniya. Tumigil naman siya sa pagsasalita pero nanataling busangot ang mukha. Hindi na ako nagsalita. Ayoko ng pahabain pa ang usapan tungkol sa lalaki.

Mabanggit pa lang ang pangalan niya, kusa ko nang naaalala ang nangyari kahapon. Ang pagpupumilit kong makisabay sa kanila. Ang pagpapapansin na ginawa ko sa harap niya. Ang mga kakaibang kilos ko para lang bumalik ang samahan namin sa dati. Pati na rin ang pagsama niya kay Kate at pagsabing babalikan niya ako.

Pero hangin ata ang kausap niya noon.

Kasi hindi niya ako binalikan.

Inabot ako ng alas nuebe ng gabi kahihintay sa kaniya habang nilalamig at basang-basa ng ulan. Ang sikip sa dibdib, sobra. Pilit kong pinapalakas ang sarili at sinasabi sa sarili na darating siya dahil iyon ang sinabi niya sa akin. Pero wala akong napala.

"Matamlay ka yata ngayon? Nakatulog ka ba ng maayos kagabi?" pagpuna sa akin ni Lola. Akma niyang hihipuin ang leeg ko pero mabilis akong umiwas.

"N-nakatulog po ako ng maayos. Hindi lang maganda ang gising ko." pangangatwiran ko. Mabilis akong tumayo kahit nanatili ang nagtatakang mukha sa akin ng matanda. "Uuna na po ako, late na ako sa first subject." mabilis akong nagpaalam sa kanila na aalis na.

Kapag nalaman ni Lola na nilalagnat ako ngayon, hindi niya ako papapasukin. Paniguradong maghapon niya akong papatulugin sa kwarto ko. Ayoko no'n. Gusto kong pumasok kahit nahihilo na ako sa paglalakad.

I Like HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon