Chapter 33

206 21 3
                                    

Dumating kami sa ospital, pero sa morge  ko na naabutan si Lola na nakahiga at mistulang mahimbing na natutulog. Nanghihina akong lumapit sa kaniya at nilakasan ang loob upang buklatin ang puting tela na nakatakip sa katawan niya.

Sa kaloob-looban ng dibdib ko, umaasa ako na sana isang malaking biro lang ang lahat. Sana joke lang ito at kahit hindi nakakatuwa, pipilitin kong makitawa sa kanila.

Basta huwag lang ganito.

Hindi ko ito kayang tanggapin.

"L-lola..." nakangiti kong tawag dito at hinawakan ang malamig niyang kamay. Hindi siya nagsalita. Doon ay sunod-sunod na namang nagbagsakan ang mga luha mula sa mata ko. Nasa may pinto lamang sina Sam at nakatingin sa amin. As usual, umiiyak na naman ang madamdamin kong kaibigan.

Humalakhak ako at tarantang pinunasan ang luha sa mata pero wala iyong silbi. Dahil kahit anong gawin kong pagpupunas, may panibagong luha na naman ang tutulo. Sunod-sunod. Mas marami. Walang awat.

"L-lola... ang daya mo naman. Bakit nakahiga ka na agad diyan? 'D-di ba may usapan tayo? I-ikaw dapat m-magsasabit ng medalya sa akin sa graduation."

Ito ang isang bagay na hindi ko nagawang paghandaan kahit kailan. Alam kong matanda na siya, pero ni minsan ay hindi ko inisip na mangyayari ito sa kaniya ngayon mismo. Iniisip kong magtatagal pa siya at magkakasama-sama kami sa loob ng mas mahabang mga araw.

Pero masyadong madaya ang mundo. Kinuha na siya kaagad sa amin.

Tumigil ako matapos ng ilang oras na pag-iyak. Pagod na pagod na ang utak ko kaya saglit akong nakatulog. Pagkagising ko, namalayan ko na lang ang sarili na nakahiga na sa isa sa mga hospital beds.

"Ysabella, ayos na ba ang pakiramdam mo?" boses ni Papa ang bumungad sa akin nang magising ako. Nasa tabi niya si Tita Lucy na nakatingin na rin sa akin. Sumulyap ako sa wall clock, gabing-gabi na pala.

"B-bakit ako nandito?" nahirapan pa ako sa pagsasalita dahil sa pamamaos. Hindi naman ako sumigaw nang sumigaw kaya hindi ko alam kung bakit ako napaos.

"Nahimatay ka kanina kaya ka dinala rito." tugon ni Papa saka pagod na bumuntong-hininga. Napatango ako at mabilis na bumangon.

"P-pupuntahan ko lang po si Lola." anas ko at nagmamadaling hinagilap ang pansapin sa paa nang pigilan ako ni Papa. Kita ko ang awa sa mga mata niya.

Umiling siya sa akin.

"Dito ka na muna, inaakaso ko pa ang magiging libing ng lola mo." puno ng pag-aalinlangan aniya. Ramdam ko na hindi niya gustong buksan ang usapang ito.

Kaagad namang nanubig ang mata ko.

"D-doon po muna ako matutulog, P-Papa." ngumiti ako at pinunasan ang sariling luha. "Kahit isang beses na lang... t-tatabihan ko po siyang matulog."

Nakita ko ang pamumula ng mata ni Papa at umiwas ng tingin sa akin. Humigpit ang hawak niya sa kamay ko.

"Hindi pwede, anak." Umiling-iling siya sa akin. Napaluha ako at pinilit na tanggalin ang hawak sa akin ni Papa.

"L-last na 'to, please. Kahit ngayon na l-lang, tatabihan ko lang naman matulog eh. Papa, sige na..." pagmamakaawa ko pero hindi niya ako pinagbigyan.

Hindi ko namalayan na halos nagwawala na pala ako roon. Nakita ko na lang ang paglabas ni Tita Lucy at nang makabalik siya, may kasama na itong mga nurse at doktor. Tinurukan nila ako ng kung anong gamot hanggang sa tuluyan na akong kumalma. Hanggang sa tuluyan na akong nakatulog.

Hindi ko na rin namalayan kung paano ako nakauwi sa bahay kinabukasan. Tulala lang ako buong maghapon sa kwarto ko. Busy ang lahat sa ibaba habang inaayos ang burol ni Lola. Si Papa ang nag-asikaso sa lahat. Dumating si Mama nitong tanghali na mugtong-mugto ang mata. Hindi na siya makausap ng maayos. Sina Cye at Pia naman, nasa kwarto lang nila at hindi ko alam ang ginagawa.

I Like HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon