"Sige ingat kayong dalawa!" sigaw nina Miguel habang papasakay sila ng tricycle. Kumaway ako sa kanila at ngumiti rin.
"Ingat din! Pagaya ako sa exam bukas!" pahabol ko habang hindi pa tuluyang nakakaalis ang sinasakyan nila. Nawala lang ang ngiti ko nang tuluyan na silang mawala sa paningin ko.
Bumaling ako kay Andres at tumango sa kaniya.
"Tara na?" pang-aakit ko. Tumango siya at sinabayan ako sa paglalakad. Walang nagsasalita sa aming dalawa. Naubos na ang mga sasabihin ko kanina pa lang habang nasa bahay kami nina Sam.
Nang makalampas kami sa Ibabang school, nagtaka ako nang lumiko kami ng daan.
"Bakit hindi doon?" itinuro ang palagi naming dinadaanan. Mas mailaw doon kahit gabi.
Tumigil siya sa paglalakad at tumingin sa akin. "Baka nandoon na naman iyong stalker mo. Nakalimutan mo na kaagad ang nangyari ha?" masungit na aniya.
Napatango naman ako. Muntik ko nang makalimutan. Hindi ko na rin kasi naiisip ang tungkol sa lalaking iyon. Kinikilabutan kasi ako sa tuwing naaalala ko ang sinabi ng lalaki na inaabangan niya ako sa labas ng bintana ng kwarto ko. Kaya para hindi ako matakot, hindi ko na lang iniisip.
"Wala naman na siguro iyon. Hindi ko na nga nakikita eh."
"At talagang hinahanap mo pa?"
Napasimangot ako. "Hindi ko hinahanap. Ang sabi ko lang, hindi ko na siya nakikita."
Suminghal lamang siya. "Ganoon na rin iyon."
Ewan ko sa'yo, Andres. Ang talino mong tao wala ka naman sa katwiran. Hindi na ako tumugon sa kaniya. Nanatili lang akong nakitingin sa daan. Mas maliit ito kumpara sa kalsada. Hindi naman delikadong dumaan dahil may mga bahay na nakatirik sa gilid. Daan ito patungo sa likod ng palengke. Kung gusto mong mapabilis ang paglalakad patungko sa palengke, dito ka dadaan.
Kusang huminto ang mga paa ko sa paglalakad nang makita sina Ibarra na naglalakad papunta sa direksyon namin. Nagtatawanan silang dalawa ni Kate kaya hindi pa nila kami nakikita. Kumunot ang noo ko sa pagpipigil ng inis.
Tumikhim ako para mapansin nila. Tumigil na rin sa paglalakad si Andres. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya sa tabi ko.
"Ginabi kayo ah?" ngiting anas ko sa dalawa. Napatigil sila sa pagtatawanan at saka bumaling sa akin. Nakita ko ang isang beses ng paglipat ng tingin ni Ibarra sa aming dalawa ni Andres.
"Hindi namalayan oras eh." nakangiting tugon sa akin ni Kate. As usual, wala na naman siyang kadala-dalang gamit dahil hawak ito ni Ibarra.
Lumunok ako at pinigilan ang sariling emosyon. Kaya naman pala wala siya kanina sa birthday ng kapatid ni Sam dahil magkasama na naman silang dalawa. Palagi na lang. Hindi ba sila nagsasawa sa mukha ng isa't-isa?
"Ganoon ba? Sayang hindi kayo nakapunta kanina sa bahay nina Sam."
"Huh? Hindi naman kami invited." kahit na! Sina Miguel nga pumunta kahit hindi invited. Sana gumawa sila ng paraan tutal birthday naman iyon ng kapatid ng kaibigan nila! "Isa pa, kumain din naman kami ni Ibarra kaya okay lang." dagdag pa ni Kate na mas lalong nagpainit ng ulo ko.
"Ganoon ba?" buti hindi kayo nabilaukan. "Sige una na kami." pagpapaalam ko. Nakakaumay din palang makipagplastikan.
Bumaling ako kay Ibarra na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita. Nakatingin lang siya sa akin. Wala sa sarili kong ikinawit ang kamay sa braso ni Andres. Nagulat ang isa sa ginawa ko. Hindi naman ako nagpatinag. Pinanood ko ang reaksyon ni Ibarra at tiningnan kung nagseselos ba siya o ano. Wala akong nakita. Basta lang siya nakatingin sa amin, at iyon ang mas nagpainit sa ulo ko.
BINABASA MO ANG
I Like Him
Teen FictionBOOK 2 'Hihintayin kita hanggang sa dumating na ang tamang oras para sa ating dalawa.' Date started : June 3, 2021 Date finished : August 10, 2021