Habol habol ko ang hininga nang makaahon kaming dalawa sa dagat. Isinubsob ko ang braso sa buhanginan at doon kumuha ng lakas. Kalahati ng binti ko ay nasa tubig pa rin hanggang ngayon. Hindi ako nag-angat ng tingin. Subalit sa gilid ng aking mata, kita ko ang pagwawala niya.
"Anong pumasok sa kokote mo at ginawa mo iyon?! Nahihibang ka na ba?! Dahil sa lalaki ay magpapakamatay ka?!" galit na galit na aniya sa akin.
Ang kaninang sakit na nararamdaman ko ay napalitan ng takot. Ito ang unang pagkakataon na nakita ko si Andres na magwala ng ganiyan. Hindi siya ganito. Isa siya sa pinaka-kalmadong tao na nakilala ko. Malayo sa ipinapakita niya ngayon.
For another time, he saved me again. It was so close. Bibigay na sana ako. Kung hindi siya dumating, bibigay na sana ako. Wala na sana akong pakialam sa mundo. Hahayaan ko na lang sanang tangayin ako ng mga alon patungo sa mas payapang dalampasigan.
Pero dumating siya.
Siya na naman.
"Hindi ka na ba talaga nag-iisip ng tama?! Si Ibarra na lang ba palagi laman ng utak mo?! Ni hindi mo inisip kung anong posibleng mangyari kung sakaling hindi kita nahanap doon!" inangat ko ang paningin sa kaniya. Nakita ko ang mabilis na pagtaas-baba ng dibdib niya na alam kong dahil sa galit. Basang-basa ng tubig ang buong katawan niya. Nang bumaling siya sa akin ay nakita ko ang isang beses na pagkislap ng mata niya sa liwanag. "Ysabella naman... wala ka na ba talagang pakialam sa mga tao sa paligid mo? Paano kung natuluyan ka roon? Paano ang pamilya mo? Paano ang mga kaibigan mo? Paano... ako?"
Saglit akong natigilan at pilit na hinahanap ang mga salita na dapat kong bigkasin. Matagal akong tumitig sa kaniya bago umiwas ng tingin.
"Kung sakaling natuluyan nga ako kanina, ayos na iyong ilang araw niyo akong iyakan. Makakalimutan niyo rin naman ako pagkalipas ng ilang linggo-
Natigilan ako nang pasugod siyang lumapit sa akin at mariin akong hinawakan sa balikat.
"Naririnig mo ba iyang sinasabi mo?" kalmado subalit may diin ang bawat salita niya. "Kailan man ay hindi masu-solusyunan ng pagtakas ang anumang problema. Paano ang Lola mo kapag nagkataon? Paano ang mga kapatid mo? Paano nila tatanggapin kung mawawala ka?"
Natahimik ako at biglang naisip ang pamilya ko noon. Kahit may kulang, mas maayos ang buhay ko. Kinamuhian ko man sina Cye at Pia, sa huli ay natutunan ko silang tanggapin at mahalin bilang mga kapatid ko. Kung hindi nila makakayang mawala ako, mas hindi ko makakaya na hindi sila makita. Mahal na mahal ko sila lalo na si Lola. Kung sakali mang aalis ako malayo sa lugar na ito, isasama ko sila.
"Minsan ay hindi lang dapat sariling nararamdaman ang palagi mong isipin. Isipin mo rin kung anong mararamdaman ng mga tao sa paligid mo bago ka gumawa ng desisyon."
Napatawa ako at muling naalala si Ibarra.
"Wala naman silang pakialam sa akin."
"Walang pakialam?" sarkastiko siyang tumawa. "Paano ako? Sa tingin mo ba wala akong pakialam sa'yo?"
Napaiwas ako ng tingin sa kaniya.
"Iba ka."
"Paano ako naiba?"
Hindi na ako nagsalita. Nanatili ang mariing pagtitig niya sa akin. Lumapit siya at umupo sa harap ko.
"Huwag mo sanang sasayangin ang buhay mo dahil lang sa isang tao. Kung nasasaktan ka, pwede ka namang lumapit sa akin. Kasi kung pakiramdam mo palaging hindi ka nila pinipili, ako... palagi kitang pipiliin."
Mas lalo akong napipi sa sinabi niya. Ngayon ay nakakaramdam na ako ng matinding pagsisisi kung bakit naisipan ko biglang lumusong sa dagat at piniling ibigay sa mga alon ang buhay ko. Bigla akong nagsisi na naisip kong wakasan ang buhay dahil sa isang taong kagaya lang ni Ibarra. Sa isang taong palagi akong sinasaktan.
BINABASA MO ANG
I Like Him
Teen FictionBOOK 2 'Hihintayin kita hanggang sa dumating na ang tamang oras para sa ating dalawa.' Date started : June 3, 2021 Date finished : August 10, 2021