Chapter 10

167 16 1
                                    

"Anong ginagawa mo rito?" malamig na tanong ko sa kaniya, pilit itinatago ang kaba at pagkagulat na nararamdaman ko oras na makita siya sa labas ng pinto.

Sumilip siya sa likod ko na parang may hinahanap doon. Nagulat na lamang ako ng bigla siyang pumasok ng hindi nagpapaalam sa akin. Diretso siyang naupo sa salas at prenteng pinagkrus ang kaniyang mga binti.

Kumunot ang noo ko.

"Ibarra." nagbabantang tono ko. "Bakit ka ba nandito?" sa halip na sagutin ako ay ipinatong lamang niya ang dalang paper bag sa center table at hindi ako pinansin.

Iginala niya ang tingin sa kabuuan ng salas at mahinang sumipol. Sa iritasyon ay mabilis akong lumapit at tumayo sa harap niya.

"Umalis ka na, Ibarra. Walang nagsabi sa'yong pumunta ka rito-

Napasinghal ako nang tapunan lamang niya ako ng tingin saka tumayo at dumiretso sa may kabinet na pinaglalagyan ni Lola ng ilang libro niya. Sa ibabaw niyon ay kinuha niya ang isang picture frame na may larawan ko noong sampung taong gulang pa lamang ako.

Sa kahihiyan ay mabilis akong tumakbo at sinubukang agawin iyon subalit mas mabilis niya itong naitaas sa ere.

"A-ano bang problema mo? A-akin na nga 'yan!" nakakahiya. Hindi naman masagwa ang itsura ko sa larawan na iyon pero nakakahiya pa rin na makita niya ang itsura ko noong bata pa ako. "A-ano ba?!" pagrereklamo ko at tinalon pa iyon upang agawin sa kaniya.

Bumaba ang tingin niya sa akin at nakita ko ang pinipigilang ngiti sa labi niya.

"Ysabella, ano ba't sumisigaw ka pa riyan-

Nanlaki ang mata ni Lola nang makita si Ibarra sa harap niya. Hindi ko siya masisisi, ngayon na lang ulit niya nakita ang taong ito. Umayos naman ako ng tayo at tumikhim upang itago ang kahihiyan.

"Ibarra, hijo? Ikaw pala iyan." aniya at mabilis na nagtungo palapit sa amin. Umayos din ng tayo si Ibarra pero hindi pa rin binibitawan ang picture frame.

"Lola, kumusta po?" nakita ko ang pagngiti niya sa matanda. Saglit namang tinantya ni Lola ang sitwasyon saka inakit si Ibarra na maupo. Palihim pa siyang sumulyap sa akin dahil alam niya ang nararamdaman ko para sa binata. Siya lang naman ang nakukwentuhan ko ng mga bagay-bagay tungkol sa buhay ko.

"Aba mabuti naman hijo. Heto't matanda na kaya marami ng nararamdaman."

Nanatili akong nakatayo sa harap nila at hindi maunawaan kung ano ang gagawin. Hindi ko alam kung magbibihis ba ako, maliligo o makikiupo sa tabi nila.

Sa huli ay napagpasyahan ko na lang na maupo rin sa isang upuan sa harap nila. Nakita kong ipinatong ni Ibarra ang picture frame sa center table sa harap niya. Kaagad akong bumwelo upang kuhain iyon subalit hindi pa man ako tuluyang nakakatayo ay nahawakan na ulit niya ito at inilagay na lamang sa kaniyang tabi.

Napabaling ako kay Lola na abala pa rin sa pakikipag-usap sa binata. Kumunot ang noo ko at nagmartsa na lamang paalis doon. Kahit matagal ko ng hinintay ang sandali na makita ulit si Ibarra ng harapan, hindi ko pa rin naman nakakalimutan ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw.

Kailangan kong tandaan na hindi na siya kagaya ng Ibarra na nakilala ko noon. Mas hindi ko na mabasa ang nasa isip niya ngayon. Mas unpredictable na ang mga kilos niya kumpara noon. Kahit gusto ko siyang makita, hindi ko pa rin maiwasang manibago sa kaniya.

Kaya naman matapos kong maligo at mag-ayos sa loob ng kwarto, hindi ko na tinangka pang lumabas hanggang hapon. Kinatok ako ni Lola pero hindi ako lumabas. Nalaman ko na lang kinahapunan na umalis na pala si Ibarra. Nagtaka si Lola sa mga ikinilos ko, alam niya na gustong-gusto kong bumalik si Ibarra noon pa man. Kaya hindi niya maunawaan kung bakit pinili kong huwag lumabas ng kwarto habang nasa bahay pa si Ibarra.

I Like HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon