"Tinititigan mo na naman iyan?" pagpuna sa akin ni Lola nang pumasok siya sa kwarto ko. Mapait akong napangiti sa kaniya.
Halos isang taon na rin ang nakalipas... pero heto ako't nakakulong pa rin sa isang gabing iyon. Isang gabi lang iyon. Pero binago nito lahat ng paniniwala ko sa buhay. Isang gabi na parehas nagbigay ng kakaibang tuwa at sakit sa akin.
Dahil pagkatapos ng gabing iyon, hindi ko na ulit siya nakita.
"Nagsisisi ka pa rin ba hanggang ngayon?" bumangon ako sa pagkakadapa sa kama ko at saka itinuon ang buong atensyon kay Lola. Muli ko siyang binigyan ng isang malungkot na ngiti.
"Akala ko tama ang mga sinabi ko noon. Natakot kasi ako na baka kapag sumugal ako sa kaniya, iwan din niya ako sa huli kagaya ng ginawa ni Papa." mapait kong anas. Ilang beses ko na ring inisip ang tungkol sa bagay na ito.
Paano kung hindi ko iyon sinabi sa kaniya noong gabing iyon? Paano kapag iba ang ginawa kong pagtugon? Paano kapag sinabi kong... gusto ko rin siya?
Mababago ba noon ang lahat?
Hindi ba siya aalis?
Napailing ako a sarili. Saka ako nagsisisi kung kailan huli na ang lahat. Hindi ko alam kung kailan siya babalik. Wala pang kasiguraduhan kung babalik ba siya o hindi. Halos isang taon na rin akong nag-iintay habang unti-unti akong kinakain ng konsyensiya dahil hindi ko nagawang magdesisyon ng tama noong gabing iyon.
"Ang galing niyang magpinta 'di ba?" naramdaman kong umupo sa tabi ko si Lola. Pinagmasdan din niya ang sketchpad na palagi kong pinagmamasdan simula nang ibigay niya sa akin ito noong kaarawan ko.
Ito iyong sketchpad na binili ko para sa kaniya noon. Ibinalik niya sa akin noong birthday ko. Pero may mga nakapinta na sa loob niyon.
Sa bawat pahina ay iginuhit niya ang mukha ko sa iba't-ibang anggulo. Nakakainis dahil kuhang-kuha niya ang mukha ko. Wala akong salitang maipipintas sa kaniya. Kung nakita ko kaya ito bago niya sinabi sa akin ang mga katagang iyon, may magbabago kaya sa pananaw ko? May magbabago kaya sa mga sinabi ko sa kaniya noon?
Hindi ko na nagawa pang tumugon kay Lola. Natatakot ako na baka bigla akong pumiyok. Mula noong gabing iyon ay gabi-gabi ko na itong iniiyakan. Ilang buwan bago ko tuluyang nasabi kay Sam ang tungkol sa nararamdaman ko. Marami naman siyang payo na sinasabi sa akin pero hindi ko naman maiwasang maging paranoid. Hindi ko na rin kailangan pang sabihin kina Miguel ang tungkol sa nararamdaman ko dahil alam kong nahahalata na nila. Palagi akong nagtatanong sa kanila kung kailan babalik ang taong iyon. Iisa lang ang palagi nilang itinutugon sa akin sa tuwing magtatanong ako.
'Hindi nila alam.'
Nakikita ko naman ang lihim na pagtitinginan nila sa tuwing gagawin ko iyon.
"Bumaba ka na. Naghihintay na sa'yo sina Pia." hinagod muna ni Lola ang likod ko bago siya walang imik na lumabas ng kwarto.
Napabuntong-hininga naman ako nang muli akong maiwang mag-isa sa loob. Saglit ko muling pinagmasdan ang mga nakaguhit kong mukha sa sketchpad.
Gusto kong kiligin dahil kuhang-kuha niya ang mukha ko kahit sa iba't-ibang anggulo. Pero dahil wala na siya ngayon, puro lungkot na lang ang nararamdaman ko. Huli na nang mapagtanto ko ang tunay na nararamdaman ko para sa kaniya.
Yeah.
I admit it.
I like him.
Mabibigyan pa kaya ako ng pagkakataon na masabi ito sa kaniya? Muli akong nagpakawala ng malalalim na hininga. Inayos ko muna ang aking sarili bago ako bumaba sa salas kasama sina Lola. Ngumiti kaagad ako nang bumaling sa akin si Pia. Mabilis siyang lumapit sa akin at niyakap ako.
BINABASA MO ANG
I Like Him
Teen FictionBOOK 2 'Hihintayin kita hanggang sa dumating na ang tamang oras para sa ating dalawa.' Date started : June 3, 2021 Date finished : August 10, 2021