Chapter 25

162 18 10
                                    

Pagkagising ko ng umaga, mabilis akong napabalikwas ng bangon at iginala ang tingin sa kabuuan ng kwarto ko. Kaagad akong dinapuan ng matinding pagkadismaya nang hindi ko madatnan ang taong hinahanap ko.

Wala si Ibarra.

Napatawa ako sa sarili, bakit nga naman siya magpapaiwan dito hanggang umaga? Malamang kailangan niyang umuwi sa kanila. Paniguradong pagkatulog na pagkatulog ko pa lang kahapon, umalis na kaagad siya sa tabi ko.

Bigla ko na namang naalala ang mga nangyari kagabi. Masyado iyong masakit para sa akin. Meron pa ring galit na nanunuot sa dibdib ko. Aaminin kong mas lalong nadagdagan ang galit ko para kay Papa. Galit ako sa kaniya noon dahil ilang beses niya akong itinanggi sa harap ng pamilya niya. Muntik ko na sana siyang mapatawad. Hanggang sa heto na naman. Nadagdagan na naman dahil palagi niyang ipinapakita na mas mahalaga ang pamilya niya kaysa sa akin.

Sino nga ba naman ako para maghangad 'di ba? Wala akong karapatan para magreklamo.

"Ysabella..." napatingin ako sa may pintuan at nakita roon si Lola. Nakatingin na siya sa akin ngayon. "Maayos na ba ang pakiramdam mo?" aniya.

Alanganin naman akong tumango.

"Maayos na po." matapos niyon ay hindi na ako nagsalita pa. Nahihiya ako sa kaniya. Nahihiya ako sa inasta ko sa harap nila kagabi. Nahihiya ako sa lahat ng sinabi ko. Pakiramdam ko, masyado na akong sumobra sa pagsagot kay Papa.

Narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga ni Lola, matapos niyon ay naramdaman ko na lang ang paglapit niya sa puwesto ko.

Mas lalo along napatungo dahil doon sunod-sunod na nagsibagsakan ang luha mula sa mata ko.

"S-sorry po, Lola. Alam kong dismayado ka sa akin ngayon, h-hindi ko lang talaga napigilan na maglabas ng sama ng loob kagabi. H-hindi ko na po kaya, La. Palagi na lang ako ang naiiwan, palagi na lang ako ang may kasalanan. A-ayaw ko na rito."

Humikbi ako sa mga palad at nagpatuloy sa pag-iyak. Masyado na akong nahihiya kay Lola sa lahat ng ugaling ipinapakita ko. Hindi niya ako ganito pinalaki.

"Ayaw mo na rito? Ibig sabihin ay iiwan mo na ako at sina Pia?" malumanay na tanong ni Lola.

Kaagad akong umiling.

Mas gusto ko pa na kami lang apat ang magkakasama basta huwag lang dito. Kahit wala na akong magulang, basta kasama ko sina Pia at Cye okay na ako. Kaya ko ng makuntento. Kasi kung puro ganito lang din naman ang mararanasan ko, kahit huwag na lang. Kahit huwag na silang bumalik sa buhay ko.

"Hindi pwedeng dahil lang sa may problema ka ay tatakasan mo na, Ysabella. Hindi ka ba hihingi ng tawad sa Papa mo?"

Hindi ako sumagot. Alam ko sa sarili kong hindi ko iyon gagawin. Hindi pa sa ngayon. Hindi ngayong nadagdagan na naman ang sama ng loob ko sa kaniya.

Mas lalong lumapit sa akin si Lola at niyakap ako. Tumigil na ako sa pag-iyak. Nanatili kaming tahimik sa loob ng mahabang oras.

"Malapit na pala ang kaarawan mo... balak mo bang maghanda?" umiling ako.

"Dito lang po ako, ayokong maghanda ng kung ano." tumawa si Lola sa sinabi ko.

"Magkatulad talaga tayo, apo. Noong ka-edad mo ako ay hindi ko rin gusto ang mga handaan. Hindi naman sa nagtitipid kami, talagang ayaw ko lamang na mag-abala pa ang pamilya ko para sa mga okasyon." tumawa siya habang marahang hinahaplos ang buhok ko. "Gusto mo bang makarinig ng kwento, Ysabella?"

Umangat ang paningin ko sa kaniya.

"Tungkol saan?"

"Tungkol sa unang pag-ibig ko."

Doon ako tuluyang naging interesado. Ang totoo ay hindi mahilig magkwento si Lola. Puro lang siya mga payo at paalala sa akin. Never siyang nagkuwento ng tungkol sa buhay niya pati na rin ang tungkol sa usaping ito.

Bumuntong-hininga siya at tumingin sa malayo na parang inaalala ang nakaraan niya.

"Sekondarya nang magkatagpo ang landas namin ni Ignacio. Noong una, hindi ko siya napapansin hanggang sa magkaroon kami ng maraming interaksyon kahit hindi kami magkaklase. Ayaw ko sa kaniya, iyon ang totoo. Masyado siyang masigla at mas madaldal pa sa akin. Kaya nang mag-akit siya ng ligaw, hindi kaagad ako sumang-ayon."

"Ignacio po?" tumango si Lola. Hindi Ignacio ang pangalan ni Lolo, ibig sabihin, hindi si Lolo ang first love niya.

"Hanggang sa isang beses, niligtas niya ako noong muntik na akong mapahamak. Gumaan ang loob ko sa kaniya, hanggang sa tuluyan na akong nahulog." nakita ko ang pagngiti ni Lola habang nakatingin sa malayo. "Sinundan niya ako hanggang sa kolehiyo. Kung anong kinuha kong kurso ay iyon din ang kinuha niya para raw magkasama pa rin kami. Maraming pag-aaway at marami kaming problemang pinagdaan pero sa huli ay naaayos naman naming dalawa. Minahal ko ng labis ang lalaking iyon. Nagkahiwalay kami matapos ng kolehiyo dahil kinailangan niyang magtrabaho sa ibang lugar at ganoon din naman ako. Kampante akong kaming dalawa na hanggang sa dulo..." tumigil siya sa pagsasalita saka malungkot na ngumiti. "Pero hindi kami nagkatuluyan."

Doon ako kumalas sa pagkakayakap kay Lola at tinitigan siyang mabuti.

"Bakit hindi kayo nagkatuluyan?" kuryosong tanong ko.

"Nakabuntis siya ng ibang babae."

Natigilan ako sa isinagot ni Lola. Nanatili siyang nakangiti subalit naroon ang lungkot sa mga mata niya.

"Pagbalik niya, hindi niya ako pinuntahan at hindi siya nagpaliwanag sa akin. Wala siyang ginawa at sinabi. Sa isip ko noon, ayos lang sa akin na mag-alaga ng anak ng iba basta magkasama na ulit kaming dalawa. Napatawad ko siya kahit hindi siya humihingi ng tawad sa akin. Ang mahalaga lang sa akin noong mga panahong iyon, kami na ulit. Kakalimutan ko lahat basta kami pa rin. Pero hindi pala ganoon kadali iyon. Nagpakasal siya sa iba at naiwan akong mag-isa. Wala siyang binigay na paliwanag kung bakit niya ginawa iyon sa akin. Basta na lang niya ako iniwan. Ilang taon akong nawalan ng gana sa lahat ng bagay dahil sa kaniya. Hanggang sa lumipas ang mga taon, doon ko tuluyang natanggap na wala na nga talaga. Hindi talaga kami para sa isa't-isa. Ang Lolo mo ang nakatuluyan ko na siyang palaging nasa tabi ko noon para patigilin ako sa pag-iyak."

"A-ano na pong nangyari kay Ignacio?"

"Nagkaroon sila ng mga anak ng babaeng napangasawa niya. Mula noon ay hindi na kami nagkitang dalawa. Nakuntento na rin ako sa Lolo mo dahil siya iyong taong hindi ako iniwan kahit kailan. Minsan kasi ay kailangan mo lamang lumingon sa paligid mo at pahalagahan ang mga bagay-bagay hangga't hawak mo pa ito. Malay mo... iyong taong hindi mo inaasahan, siya pala ang makakatuluyan mo sa huli." ngumiti siya sa akin bago ako iniwan sa kwarto.

Buong maghapon akong nanatili sa kwarto. Nakatulala sa kisame at iniisip ang mga sinabi sa akin ni Lola kanina. Magkaibang tao naman kaming dalawa. Pero hindi ko maiwasang kabahan. Mayroong mumunting takot sa dibdib ko na hindi ko maipaliwanag kung para saan.

Bakit ako natatakot? May dapat ba talaga akong katakutan?

Isang linggo akong hindi pumasok sa eskuwela dahil sa nangyari noong nakaraan. Nag-iipon ako ng lakas ng loob dahil hindi ko pa sila handang harapin. Pakiramdam ko ay wala akong mukhang maihaharap sa mga kaibigan ko matapos ng ugaling ipinakita ko sa harap nila. Ilang beses din silang bumisita sa akin sa bahay pero hindi ako lumalabas ng kwarto at nagpapakita sa kanila.

Lunes ng umaga nang magpasya akong pumasok. Wala na akong sakit. Lumipas na rin ang sama ng loob na iniipon ko. Handa na akong pumasok ngayon.

Hanggang sa mga oras na ito ay hindi ko pa rin nagagawang makalimutan ang sinabi ni Lola. Iniisip ko ang nangyari sa kaniya at sa unang pag-ibig niya. Natatakot ako sa maraming bagay. Masyado pa namang maaga, pero ang hirap pa ring maniwala.

Kasi hindi ko alam kung ako ba ang pipiliin niya kapag nagkataon.

Nang makarating ako sa tapat ng classroom, napatigil ako sa paglalakad nang mabungaran si Ibarra na nasa labas ng pinto at mistulang may hinihintay. Nang dumapo ang tingin niya sa akin, kaagad na nabuhay ang mukha niya at naglakad palapit sa akin.

Pero hindi ako kumilos. Lumampas ang tingin ko sa kaniya. Dumiretso iyon sa taong nakatayo sa may hamba ng pinto at nakatingin sa amin. Nagtagal ang titig ko sa taong iyon. Nakatitig din siya sa akin. Hindi ako ngumiti o ano. Wala rin siyang ginawang kahit na ano.

"Andres..."

I Like HimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon