Every 17th
•••
SA PISTA NG IDIYANALE, hindi mawawala ang souvenirs na mga sumbrero pati na ang mga koronang gawa sa bulaklak. Nagsukat-sukat kami ni Rafael ng mga ito, may mga sumbrerong gawa sa upo, o tinatawag na gourd hats na may iba’t ibang kulay. Personal kong pinili kay Rafael ang kulay kahel na gourd hat, bagay kasi iyon sa kutis n’ya, habang ako naman ay korona na gawa sa hydrangea. Suot-suot namin iyon habang nanunuod ng parada. Maswerte kaming dalawa dahil nakasingit kami ng pwesto sa bandang unahan.
Bukod sa makulay, ay syempre, maingay din ang parada. Malalaki ng mga koronang suot ng mga babaeng sumasayaw, at laking gulat ko nang makita ko si Mayor na kasama sa parada. Ang daming role ni Mayor, kaya pala s’ya nagmamadali kanina.
Kasama sa parada ang nanalo sa beauty pageant ngayong taon na ginanap lang kagabi. Naalala ko si Miran na nagsabi sa’kin noon na balang araw ay sasali raw s’ya rito at kakabugin n’ya ang lahat. Ang nanalo kasi sa beauty pageant ay si Karina Monteloyola, kilala ito sa Idiyanale dahil sa ganda n’ya at dahil na rin sa pamilya n’ya. Ang alam ko ay may poultry farm ito sa ikalawang distrito at halos kasing laki ng isang barangay ang lupain nila. Sa pagkakatanda ko rin, naging kaklase s’ya ni Paeng noong high school pa sila.
Tumingkayad ako para makalapit sa tainga ni Rafael, hindi kasi ako maririnig nito dahil sa ingay ng mga tambol at ibang instrumentong tumutugtog.
“Ang ganda ni Karina,” puri ko sa babae. Lumilitaw ang kaputian nito, mukhang may halo kasi s’yang intsik at kita iyon sa hugis ng mga mata n’ya.
Napasaglit ako ng tingin kay Rafael, pero imbis na sa tinutukoy ko ito nakatingin ay na sa'kin nakatuon ang mga mata n'ya. Doon ko lang napansin na ang lapit pala ng mukha namin sa isa't isa.
“Mas maganda ka pa rin,” bola nito sa’kin. Ngumisi ‘to bago magpatuloy. “Ikaw ang Dayang ng Idiyanale, ‘di ba?”
Pabiro kong sinuntok ang braso nito at umiling. Binalik ko ang atensyon ko sa parada para doon mapunta ang ngiti ko na hindi ko mapigilang ilabas, at itago ang mga pisngi ko na nag-iinit.
Tatakas na dapat kami ni Rafael nang matapos na ang parada, alam na kasi namin ang susunod na mangyayari. Magkakaroon ng basaan, tradisyon ‘to sa Idiyanale na sumisimbolo ng iwas tagtuyot at masaganang ani. Pero ayoko namang umuwi na hindi ako tuyo. Kaso lang, huli na ang lahat, nagkagulo ang mga tao sa kulitan at kung sino-sino na rin ang nagtapon ng tubig kung kanino.
Inalis ni Rafael ang maong na jacket n’ya sa pagkakasuot at ginawa itong pantakip sa ulo ko, inakbayan n’ya ‘ko para makaalis na kami sa kasiyahan.
Gaya ng plano, pagkatapos ng parada ay dumiretso kami papunta ng handaan sa may bahay. Sa may bakuran kasi ay may inilabas sila Papa na mahabang lamesa, naroon na ang iba naming mga helpers sa farm na nagsasalusalo na.
BINABASA MO ANG
Every 17th
Teen FictionWATTYS 2021 WINNER (YOUNG ADULT CATEGORY) Country girl Yngrid Bartolome only wanted two simple things: 1. To enjoy music 2. To enjoy music together with her best friend Rafael Castro Yngrid knew that deep inside her, Rafael holds a more important...