Every 17th
•••
HABANG PAPAUWI, dagsa ang loob ng isipan ko ng mga tanong na hindi ko mabigyan ng sagot. Tila malamlam ang mga bagay-bagay sa'kin, at ang tanging malinaw lang ay ang wika sa'kin ni Paeng. Paulit-ulit lang ang tinig n'ya, at kahit ilang beses kong ayaw masamain, para akong pinupunit at hinahatak papalayo sa kan'ya.
"Umalis ka na."
"Umalis ka na."
"Umalis ka na."
Wala akong luhang pinahid habang binabaybay ko ang daan pauwi matapos ang naging sagutan namin, pero ilang araw ko hindi magawang ngumiti pagkatapos no'n. Kahit pa papalapit na nang papalapit ang kaarawan ko, hindi ko maramdaman na kailangan kong magdiwang. Lagi kong iniiwasan ang usapan doon kapag nagtatanong si Papa kung ano ang gusto kong mangyari sa araw na magiging disisyete años na 'ko.
Naging patlang ang mga natitirang araw ng bakasyon ko, at pinili kong sundin ang sinabi ni Papa na bigyan ko si Rafael ng oras para sa pag-iisa n'ya, lalo na ang kagustuhan nito na hindi ako makisali sa protesta nila.
Nawalan ako ng gana sa mga bagay, ni hindi ko man lang maisapan na bumisita sa bukid namin. Siguro, naghahanap lang ako ng rason para ipagtanggol sa isipan ko ang pagpapalayo sa'kin ni Rafael, o hinihintay ko na sana puntahan n'ya 'ko para magkausap kami, para magkaayos kami. Kahit pa ako na ang humingi ng tawad, dahil totoo naman ang sinabi n'ya-wala ako sa posisyon nila para maintindihan ko ang sitwasyon nila. Magkalayo ang estado namin sa isa't isa, at hindi ko 'yon matatago. Ramdan n'ya 'yon at nakikita ko 'yon.
Mabuti na lang noong isang umaga, dumating ang tao na p'wede kong kausapin tungkol sa mga problema kong ganito-si Tita Ning. Nawala ang lungkot ko dahil sa sigla n'ya na mas mataas pa sa sikat ng araw at dala ng mga kwento n'ya tungkol sa trabaho, personal na buhay, at mga chika n'ya sa pagiging single sa edad n'ya ngayon. Umuwi lang naman s'ya rito sa Idiyanale para sa birthday ko gaya ng pangako n'ya.
Sakto isang linggo bago ang hinihintay nilang araw ko ng pagdiriwang, dinala ako ni Tita Ning sa may bayan para bilhan ng damit na isusuot ko. Kahit anong tanggi ko rito na sumama at 'wag na akong bilhan ng damit dahil marami naman akong pagpipilian, ay mapilit talaga 'to. Sa dinami dami ng damit na pinagpilian namin, sa pulang bestida lang din naman ang bagsak namin na mismong s'ya na rin ang pumili dahil hindi pasok sa kagustuhan n'ya ang mga napipili ko. Ang jologs ko pa nga raw para sa edad ko.
Matapos ang nakakapagod na pamimili ng damit para lang sa iisang okasyon, nag-aya ako na sa isang sikat na fast food restaurant kami kumain. Sa hinaba-haba ng oras na inikot at nilakad namin sa mall dito sa bayan, wala pa rin akong ganang kumain.
Napabuntong hininga ako habang nilalaro-laro ang spaghetti gamit ang tinidor, nakatingin lang ako sa kawalan at hinihintay ang gana sa pagkain na dumalaw sa'kin.
BINABASA MO ANG
Every 17th
Teen FictionWATTYS 2021 WINNER (YOUNG ADULT CATEGORY) Country girl Yngrid Bartolome only wanted two simple things: 1. To enjoy music 2. To enjoy music together with her best friend Rafael Castro Yngrid knew that deep inside her, Rafael holds a more important...