Every 17th
•••
Huli na ang lahat.
Huli na para pigilan ko ang sarili kong kumaripas ng takbo palabas ng bahay, patakbo sa kadiliman ng gabi. Habang binabaybay ko ang daan patungo kina Rafael, ang kaunting liwanag lang ng buwan ang nagsilbing gabay ko at ang memorya na nagsasabi sa’kin kung saan ako dapat dalhin ng mga paa ko.
Ang ingay na nilikha ng boses nila Papa, Nanay Tere, at Ate Carmen para pigilan ako ay kusa lang naglaho sa’kin. Iisa lang ang napapakinggan ko sa nagaganap ngayon, at iyon ang sarili ko. Paulit-ulit ang pagsigaw ng pangalan ni Rafael sa’kin, at kada papalapit ako sa kubo’t bukid nila, ay para akong nilulunod sa kailaliman ng dilim dala ng kaba na nararamdaman ko.
Wala na akong panahon pa para isipin ang paghingal ko dala ng pagod, kahit pa ang mga binti ko ay nakaramdam na rin ng ngalay dala nang pagkaripas ko ng takbo, pinili ko iyon ipagwalang bahala. Kailangan kong makita si Rafael, kailangan kong malaman na maayos lang s’ya.
Ang sigawan, apoy, usok, gulo, ay naging malinaw sa akin. Nakalimutan kong huminga, dahil kahit malayo ako sa apoy, para akong kinakain nito nang tumambad sa mga mata ko ang nasusunog na kubo nila Rafael. Gumuho na ang mga materyales nito, wala akong makita kundi apoy at usok.
Nawala ako sa pagka tuliro nang matulak ako sa kinatatayuan ko ng mga taong sinasalba ang mga gamit nilang kaya pa nilang isalba; sa kumpol ng mga tao na sinusubukan pang iligtas ang tirahan nila, inaapula ang apoy gamit ang tubig na pinagpapasa-pasahan na may kahalo ng luha. Natauhan ako at desperadong hinahanap si Rafael.
“Paeng?” Ang pagtawag ko sa pangalan n’ya ay naging bulong. Hindi ko kayang matalo ang ingay, pero kailangan ko s’yang tawagin, kailangan n’ya ‘kong marinig. Kailangan kong makita na maayos lang s’ya.
“Paeng!”
Paulit-ulit kong tinatawag ang pangalan n’ya kahit may sakit na sa lalamunan ko na nag-uudyok na tumigil ako. Lumakad ako sa kung saang sulok ko s’ya p’wedeng mahagilap, kahit pa dinudurog akong makita ang mga kapitbahay n’ya na malapit nang mawalan ng pag-asa sa pag-apula ng napakalaking apoy, habang tumutulo ang mga luha nila akap-akap ang iilang mga kagamitan na naisalba nila, at habang nakatingin sila sa tahanan na nawala nang gano’n na lamang. Walang wala ang natira sa kanila, inagaw lahat ito ng iisang gabi lamang.
Pumatak ang isang luha sa pisngi ko, at kasunod noon ay ang pagbuhos ng halo-halo ko pang emosyon. Malapit na akong kainin ng mga iyon kung hindi lang ako hihinga nang malalim para pakalmahin ang sarili ko.
Paano kung naiwan si Rafael sa loob ng kubo? Hindi ko s’ya mahanap, hindi ko s’ya makita, hindi s’ya sumasagot.
Paano kung wala na si Rafael?
“Paeng!” ngarag kong tawag. Bumilis ang paghinga ko, at ilang sandali na lang siguro ang bibilangin bago ako tuluyang bumigay. Nararamdaman ko na ang pagnginig, lumabo ang paningin ko dahil sa patuloy na pagbuhos ng mga luha na hindi ko alam kung kailan titigil.
BINABASA MO ANG
Every 17th
Teen FictionWATTYS 2021 WINNER (YOUNG ADULT CATEGORY) Country girl Yngrid Bartolome only wanted two simple things: 1. To enjoy music 2. To enjoy music together with her best friend Rafael Castro Yngrid knew that deep inside her, Rafael holds a more important...