Kabanata 28

905 48 5
                                    

Every 17th

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Every 17th

•••

TINUPAD NI RAFAEL ANG WIKA N'YA. Araw-araw s'yang bumibisita sa'min para lang mag-usap kami patungkol sa kung ano-anong mga bagay. Pinipilit naming pareho na ibalik ang dati, kaya walang nagbabanggit sa'ming dalawa sa mga nasabi namin noong mga nakaraang araw. Mas mabuti na rin siguro na ganito, ibalik na lang ang mayroon kami dati kaysa naman magkalayo pa kami dahil sa komplikasyon ng magkaibang kagustuhan namin.

Ngayong hapon ay nagpapalipas kami ni Rafael sa maliit na kubo sa bukid namin, dito na kami napapadalas magpalipas ng oras na magkasama. Palagi kasi s'yang tumatanggi kapag inaaya ko s'ya na sa mismong bahay na lang namin makipagkwentuhan. Mabuti na lang at presko rito.

"Nga pala, naka-enrol ka na ba para sa semestre ngayon?" tanong ko sa kan'ya. Sa susunod na linggo na kasi ang unang araw ng pasukan.

"Hindi pa, balak ko na sa susunod na semestre na lang mag-enrol, tutal kaunting units na lang naman ang kailangan kong kuhain. Mahahabol ko naman 'yon siguro," sagot n'ya.

Tumango ako. Kung sabagay, naiintindihan ko naman kung bakit isasantabi niya ang isang semestre sa kolehiyo para sa ngayon. Mas lalo silang nagiging abala para sa kaso, at alam kong uunahin n'ya iyon.

Habang nag-iisip ay napa buntong-hininga ako. "Sana, 'wag naman akong maiwan na mag lunch mag-isa o umuwi mag-isa." Pineke ko ang pagbaba ng mga labi na nagsasabing nalulungkot ako.

Inaasahan ko na kasi na si Rafael ang kakapitan ko sa college kahit na magkaibang year pa kami. Pero dahil nga wala s'ya ngayong semestre ay nagkaroon ng pangamba sa'kin.

"Malabo 'yan, sa daldal mo paniguradong may kaibigan ka na agad sa unang araw pa lang."

Napangiwi ako. "Hindi naman ako madaldal, ah."

"Hindi ka makikilala rito sa Idiyanale kung hindi ka madaldal."

"Kilala ako rito dahil maganda ako," biro ko.

Tumawa na lang ito at hindi na kumontra pa sa pagbubuhat ko ng bangko.

May umapaw sa'ming katahimikan, naghihintay kung sino ang susunod na magsasalita. Kung anong susunod na pag-uusapan, dahil kapag kami naman ang magkasama, hindi kami nauubusan ng mga bagay na p'wedeng pagkwentuhan.

"Natatandaan mo ba no'ng mga bata pa tayo, ang sabi no'ng mga kalaro natin no'ng makita ka nila, artista ka raw dahil galing ka ng Maynila," pagpapatuloy n'ya sa usapan, inaalala ang kabataan naming dalawa.

Ako naman ang napatawa. "Oo! Kaya nga gustong-gusto nila akong kalaro no'n kahit lampa ako. Ikaw lang naman ang madalas nang aasar sa'kin no'n at nagbuking sa kanila na hindi talaga ako artista."

"Tapos no'ng binuking kita, ayaw na nilang makipaglaro sa'yo kasi sinungaling ka raw. Kaya ang pineperwisyo mo no'n 'yong matatanda rito. Naririndi na nga sila sa'yo dahil ang dami mo raw kwento, pero nakakatuwa raw sa'yo dahil kahit hindi ka nila utusan, lagi kang tumutulong."

Lumapad ang ngiti ko nang maalala iyon. Simula kasi noon, doon ka na nakuha ang palayaw kong Dayang. Hindi mula sa mga kalaro ko, o ka edad ko, kundi sa mga matatandang kinukulit ko.

"Wala kasi akong maperwisyo no'n sa bahay. Hindi pa pinapanganak si Ian no'n, at parehong busy palagi si Mama at Papa. Kaya sa iba ako humahanap ng atensyon."

"Naawa nga 'ko sa'yo, kaya pinipilit ko silang isali ka lagi sa laro kaya sa huli, lagi tayong magkakampi no'n kahit pa ikaw ang nagpapatalo madalas sa'tin."

Sinamaan ko ng tingin si Rafael. "Ikaw naman kasi ang may kasalanan kung bakit ayaw na nilang makipaglaro sa'kin!"

Umismid s'ya. "E, ayaw mo kasing umamin na hindi ka naman talaga artista."

"Kasalanan ko ba na inakala nilang artista ako porket galing ako ng Maynila?"

Lumalim ang mga titig n'ya, ngumisi s'ya na nagpapresko lalo sa itsura n'ya. "Bumawi naman ako sa'yo, ah."

Nahinto ang bibig ko. Totoo naman, kaya nga naging mag bestfriend kami ni Rafael. Dahil no'ng nawala ang mga kalaro ko nang malaman nilang hindi ako artista, si Rafael naman ang lagi ko no'n naging kasama. Siguro kung hindi n'ya 'ko binuking, hindi kami malapit ngayon sa isa't isa sa ganitong paraan.

Nag-usap ang mga mata namin. Sa ilang segundong lilipas ay lalong lumalalim ang mga titig at kung walang tinig na magsasalita ay mukhang hindi iyon mapuputol. Kaya bago pa 'ko mawala sa ipinangako ko sa sarili ay nagkusa na 'ko.

"Oo nga pala, mukhang maganda ang usad ng kaso, ah? Narinig ko sila Papa at Ninong na nag-uusap," pag-iiba ko ng usapan. "May dyaryo raw na gustong mag-cover sa nangyari."

Nagbigay ng tango si Rafael. "Oo, malaking tulong din na may mga koneksyon si Attorney. Lalo na ang organisasyon na kinabibilangan niya, nahihiya nga kami na wala kaming malaking halaga na maibabayad sa tinutulong n'ya."

"Ano ka ba? Hindi ginagawa 'to ni Ninong para sa pera. Ginagawa n'ya 'to dahil gusto n'ya talaga kayong tulungan."

Walang hinihingi si Ninong na halaga at nilinaw n’ya iyon. Pero mapilit din kasi sila Rafael, kaya patuloy ang pagdagsa ng iba’t ibang prutas, gulay, mga ani, pati pa manok, at iilang tray ng itlog kay Ninong na hindi n’ya matanggihan. Iyon ang nagsilbing kapalit ng pagtatrabaho n’ya sa kaso.

Gumuhit pababa ang mga labi ni Rafael, hindi na s'ya tumugon at napatingin na lang sa kawalan. Nag-iisip na naman s'ya nang malalim.

"P'wede bang kalimutan muna natin ang tungkol sa kaso o sa protesta kapag magkasama tayo? Mag-usap tayo tungkol sa masasaya. Katulad ng kanina," biglang wika n'ya.

Napataas ang dalawang kilay ko dala ng kalituhan, pero agad din akong sumang-ayon at sinabing, "Kung 'yan ang gusto mo."

"Alam ko na nakakapagod din isipin ang kalagayan namin, at kahit ako, napapagod na rin ako. Kaya kapag magkasama tayo...kahit sandali lang, gusto kong kalimutan muna 'yon," aniya at hinawakan ang isang palad ko. "Gusto kong magsilbing pahinga ang oras na magkasama tayong dalawa."

Gamit ang mga daliri n'ya ay banayad n'yang hinaplos ang akin. Binigyan ako nito ng pakiramdam na kalmado at payapa. Na sa ngayon, kami lang dalawa ang nasa paligid at wala kaming ibang tao at kalagayan na dapat isipin.

Inilapit ni Rafael ang palad ko sa labi n'ya at hinalikan iyon, dahilan upang mapasa ang init na dala ng halik n'ya sa'kin. Gusto kong tanungin kung bakit, bakit parang pinipigilan namin ang isa't isa. Kaya ininda ko ang pagpigil na may lumabas muli na mga salita sa'kin. Hinayaan ko lang na magkasalop ang mga palad namin, hinayaan ko lang na sa sandaling 'to ay payapa, at sa sandaling 'to na maramdamang mahal namin ang isa't isa.

Sana ganito na lang palagi, na kaya naming balikan ang dati, na mamuhay na parang mga bata-malaya sa sakit na mahirap maghilom, malaya dahil masaya na sa maliliit na mga bagay, at malayang isipin na posible ang lahat. Pero sa edad namin ngayon, kahit pa talikuran namin ang reyalidad, hahabulin kami nito para ipaalam na ang mundo ay hindi para sa kasiyahan lamang.

•••

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon