Kabanata 33

1.8K 61 6
                                    

Every 17th

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Every 17th

•••

INIHANDA KO NA ANG MGA GAMIT KO NA DADALHIN KO SA MAYNILA. Biglaan ang desisyon ko na sumama kay Tita Ning, kahit sila ni Papa ay nagulat na pumayag ako rito.

Hindi ko tinanggihan ang suhestiyon ni Tita Ning na tumira muna kasama n'ya dahil iyon ang pakiramdam kong dapat kong gawin. Marami s'yang plano kung saan n'ya 'ko dadalhin at anong mga pagkaka-abalahan ko sa isang taon na hindi ako mag-aaral. Hinayaan at pinaubaya ko na lang ang kahihinatnan nang pamamalagi ko kasama s'ya.

Buong buhay ko, minahal ko ang Idiyanale. Tinanggi ko ang ibang lugar dahil nakatatak sa isip ko na itong lugar lang ang kailangan ko at wala na akong ibang hiling pa. Masaya na 'ko rito at kuntento, pero nagbago lahat ng 'yon. Sa kada araw na darating, parang pinipilit ko na lang ang sarili ko na ito pa rin ang Idiyanale kung saan masaya ako.

Kaya pupunta ako ng Maynila, para na rin mas maliwanagan ako 'pag nakita ko na hindi lang Idiyanale ang natatanging lugar na matatawag kong tahanan ko—lugar na p'wedeng sumaya ako.

Sinisigurado ko na lang ngayong gabi na kumpleto na lahat ng dadalhin ko lalo na't maaga ang alis namin bukas. Pero may mga bagay ako na pinagdedesisyunan pa kung isasama ko ba, kaya narito ako at nakaupo sa tapat ng study table ko. Kanina pa hindi natitinag na pinagmamasdan ang koleksyon ko ng mga cassette tapes, CD, walkman, at ang kahon ng mixtapes na galing kay Rafael.

Binuksan ko ang kahon, kasabay no'n ang patuloy na malalim na paghahanap ng tamang dahilan kung bakit kailangan ko 'tong isama. Mas makakabuti ba kung dadalhin ko 'to sa Maynila?

Sa tatlong buwan na nakalipas, may iisa na lang akong mixtape na hindi pa napapakinggan. Gusto ko man na patugtugin araw-araw, natatakot ako na masira ang regalo ni Paeng na tanging pinanghahawakan ko na lang ngayon. Kaya siguro hanggang ngayon ay pinagpapaliban ko ang pakikinig ng huling piraso, dahil ayoko pang matapos ito.

Kinuha ko ang panghuling mixtape. Kahit ano namang iwas ko, pakikinggan at pakikinggan ko rin naman 'to sa huli.

Namilog ang mga mata ko sa nakasulat sa mixtape, dahil imbis na petsa ang nakalagay doon katulad ng lahat ng mixtapes na ibinigay n'ya ay ito ang naiiba.

Para kay Yngrid, ang Dayang ko.

Mabilis kong kinuha ang walkman mula sa drawer ko pati na rin ang piraso ng baterya na ipapalit ko para paganahin iyon. Matapos maisuksok ang cassette tape, at maisuot ang earphones ay tumungo ako sa kama ko para mahiga at doon makinig.

Ipinikit ko ang mga mata ko at sinimulan nang patugtugin ang huling mixtape n'ya.

Hindi katulad ng mga nakaraang mixtape kung saan ang gitara at ang pagkanta n'ya ang narinig ko, ngayon tanging tinig n'ya lang na nakikipag-usap sa'kin ang nakapaloob dito.

Pumatak ang isang luha sa kaliwang pisngi ko, ngunit hindi na ko nag-abala pa na punasan iyon. Nanatili lang ako sa posisyon ko para makinig sa mga sasabihin n'ya rito.

🎶🎵🎶

NAKAPAG DESISYON AKO NA IIWAN KO ANG MGA MIXTAPES DITO. Para sa gano'n, maiiwan lahat ng memorya dito, lahat ng pagmamahal, lahat ng mga alaala, at kahit pa lahat ng sakit. Para kapag bumalik ako rito at mapakinggan ulit ang koleksyon na binigay n'ya sa'kin, parang pakikinggan ko ulit ang mga ito sa unang beses.

Siguro kapag dumating ang panahon na 'yon, hindi na lungkot ang aapaw sa'kin. Malaya na 'ko mula sa hinagpis ng panahon na 'yon.

Sa huling gabi ko sa Idiyanale, naging magaan ang pakiramdam ko dahil sa mensahe ni Rafael mula sa huling cassette tape. Naliwanagan ang isip ko sa mga pangyayari na bumabagabag sa'kin gabi-gabi, dahil akala ko ay hindi na masasagot ang mga katanungan ko. Pero nandoon ang lahat ng gusto kong malaman, at gusto kong marinig.

Makakatulog ako nang mapayapa ngayong gabi. Kahit pa may pangungulila, may nagpapaalala sa'kin na hindi ako nag-iisa, na kasama ko si Rafael hindi ko man s'ya nakikita. Ramdam ko pa rin na nakayakap sa'kin ang presensya n'ya.

Ipinikit ko ang mga mata ko para sa pagpapahinga. Ihahanda na ang sarili ko para bukas, at para sa bagong simula.

Pero sa huling gabi ko sa Idiyanale, ay napanaginipan ko s'ya. Sa huling beses, nagkasama muli kami ni Rafael.

🎶🎵🎶

SA BAKURAN NG BAHAY NAMIN AY MAY KASIYAHAN NA NAMANG NAGAGANAP. Maraming palamuti, masagana ang handaan, maganda ang tugtugan at ang mga pailaw ay masigla pero hindi nakakasilaw sa mata.

Hinawi ko ng tingin ang kasuotan ko. Isa itong mahabang bestida, kulay dilaw na kumikinang-kinang na parang mga tala. Bumuhos ang ngiti ko, kahit hindi ko nakikita ang sarili ko sa salamin ay pakiramdam ko na maganda ako sa gabing ito.

Naramdaman ko ang mga mata ng lahat ng taong dumalo na nakatuon sa akin; sila Mama, Papa, Ian, Tita Ning, ang mga helpers, si Manang Tinay, Mang Tupe, Tiyang Rosa at iba pang mga tao sa Idiyanale na minahal ko. Matamis na mga ngiti ang pare-pareho nilang suot.

Isa lang ang kulang na kailangan kong hanapin.

"Yngrid..." may tumawag sa pangalan ko na nag-udyok sa'kin upang tumalikod. Boses na kilalang kilala ko na, na kahit ibalu-baluktot n'ya pa ang mga salita, at anong pangalan pa ang itawag n'ya sa'kin, alam kong s'ya ang nagmamay-ari ng tinig.

Ngunit hindi ko na kailangan pang hanapin si Rafael. Suot-suot ang puting polo at itim na pantalon, binighani n'ya ko muli.

Inilahad n'ya ang isa n'yang palad, hinihingi ang akin na binigay ko na walang pag-aalinlangan. Hinapit n'ya ang beywang ko sa marahang paraan at puno ng pag-iingat. Habang ang mga kamay ko ay nagkusa nang lumugar para iakap sa kan'yang leeg.

Lumakas ang musika at sumayaw kaming dalawa. Para kaming nasa alapaap, magaan ang pakiramdam, masaya ang lahat. Marunong sumunod ang mga paa namin kaya habang sumasayaw ay nakatingin lang ako sa kan'ya.

"Ngayon...tinupad ko na ang pangako ko sa'yo na isasayaw kita," wika n'ya.

Naalala ko kung ano ang tinutukoy n'ya, patungkol ito sa sayaw na hiniling kong ipangako at tuparin n'ya kapag tumungtong na ako ng disi-otso.

Tumango ako, nanatiling tahimik dahil wala na akong dapat pang sabihin. Perpekto na ang lahat.

"Mahal kita, Dayang. Wala nang mas hihigit pa. Ikaw lang ang natatangi..." saad n'ya at hinalikan ang pisngi ko. "Ikaw lang."

Nagpatuloy ang pag-sayaw, inikot n'ya 'ko na nagdulot ng kasiyahang ngayon ko na lang ulit nadama. Sa pag-ikot na 'yon ay binitawan n'ya ang kamay ko. Nawala lahat ng nakadagan sa dibdib ko, galit man o sakit, hinagpis man at pagluluksa, hinatak iyon lahat palabas sa'kin. Kaya umikot ako nang umikot para ipagdiwang ang pagiging malaya.

At nang handa na muli akong harapin si Rafael ay wala na s'ya. Saan mang sulok hanapin ng mga mata ko, tila naglaho na s'ya. Iginala ko pa rin ang tingin sa paligid, kahit pa ang tumambad na lang sa'kin ay ang iba pang mga taong dumalo na isa-isa nang naglalaho habang kumakaway sila.

Napahawak ako sa dibdib ko, walang luhang nagbabadya, tanging saya lang. Naisayaw ako ni Rafael at nakita iyon ng lahat.

Ito na siguro ang paraan ng Idiyanale para magpaalam sa'kin. Nagsasabi na kahit aalis na ako sa lugar na kinalakihan ko, masaya nitong gagabayan ang bawat mga yapak ko pausad kung saan man ako patungo.

•••

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon